GINUNITA ng mga Bulakenyo ang ika-100 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Padre Mariano Sevilla, ang kilalang nagpasimula ng tradisyon ng Flores De Mayo sa Bulacan na lumaganap sa buong bansa.
Sentro ng paggunita ang pormal na paglalagak ng panandang pangkasaysayan na ipinagkaloob ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP bilang tanda ng pagkilala sa pari bilang isang bayani at natatanging alagad ng simbahan.
Matatagpuan ito sa gilid ng Simbahan ng Nuestra Senyora de la Asuncion na nasa Bulakan, Bulacan.
Ayon kay NHCP Chairperson Emmanuel Calairo, kapag napag-uusapan ang pagiging dakila ng isang pari, pinaka naaalala ang tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora na kilala bilang ‘GomBurZa’.
Para sa kanya, maihahanay din ang kadakilaan, paninindigan at pamana na ipinamalas ni Padre Sevilla noong siya’y nabubuhay hanggang sa mamatay ito noong Nobyembre 23, 1923.
Una na rito ang matapang na pagsusulong ng sekularisasyon upang igiit ang pantay na pagtrato ng mga prayleng Kastila sa mga paring Pilipino. Pangunahin diyan ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga paring Pilipino na humawak ng parokya at diyosesis.
Kasama ng ‘GomBurZa’, nadawit din si Sevilla sa nangyaring Rebelyo sa Cavite noong 1872. Dahil sa mga pagkilos na ito, ipinatapon si Sevilla sa isla ng Marianas sa karagatang Pasipiko.
Bukod sa matapang na paninindigan laban sa pamamalakad ng mga Kastila at ng mga prayle, kinikilala rin ang natatanging ambag ni Sevilla sa aspeto ng isang tradisyong pampananampalataya.
Pangunahin dito ang pag-aakda niya ng sulating pansimbahan sa wikang Filipino, tulad ng babasahing Debosyonal para sa Flores De Mayo noong 1867.
Itinatag niya ang samahang Hijas de Maria na kalauna’y naging Hijas y Caballeros de Maria na isang samahan sa Bulakan na nangangasiwa sa taunang pagdadaos ng Flores De Mayo.
Nakarating sa State of Vatican ang inisyatibong ito ng pari kaya’t ginawaran siya ni Papa Benito XV ng Prelado Domestico noong 1920 bilang pagkilala sa kanyang ambag na maipaglaban ang mga kapwa pari.
Bagama’t mula sa pamilyang taal na taga-Bulakan, ipinanganak si Sevilla sa Tondo noong Nobyembre 12, 1839.Siya ay nagsilbing pangkaraniwang pari sa iba’t ibang bayan ng Bulacan at naging guro sa Real Colegio de San Jose.
Pag-alis ng mga Kastila sa Pilipinas, nakibahagi siya sa pagtatatag ng Instituto de Mujeres na naging kauna-unahang paaralan para sa mga babaeng Katoliko sa bansa.
Samantala, sinabi ni Bulakan Mayor Vergel Meneses na isang instrumento si Sevilla para mas lumaki pa ang papel ng simbahan sa lipunan at mabigyan ng inspirasyon ang karaniwang mga mamamayan na manindigan para sa tama. (MJSC/SFV- PIA 3)