27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Halaga ng hele sa buhay ng mga bata

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

IKALAWANG BAHAGI

HELE. Oyayi. Cradle songs. Iba-iba ang tawag natin sa ‘lullabies.’ Sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay tiyak ding may partikular na katawagan sa mga awiting ito na nagdudulot ng pagkalma at pag-idlip sa mga sanggol/paslit na iniiwi ng kani-kanilang magulang o mga tagapag-alaga. Ilan sa popular na hele sa atin ay ang ‘Dandansoy’ at ‘Ili, Ili, Tulog Anay’ na parehong mula sa Kabisayaan.

Ang mang-aawit na si Waway Saway na umawit ng hele mula sa kanyang rehiyon

Inilunsad kamakailan ng Cultural Center of the Philippines ang isang aklat na naglalaman ng 16 na lullabies o hele mula sa mga rehiyon. Ito’y ang ‘Himig-Himbing: Mga Heleng Atin (A Collection of Cradle Songs from the Philippines).’ Katuwang nito ang Arts Education Department sa proyektong i-dokumento ang ilang piling hele mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.  Ang bawat hele ay nilapatan ng karampatang video mula sa mga mahuhusay na filmmakers na naging kabahagi ng Cinemalaya. Samakatuwid, ang 16 na hele ay may 16 din na video interpretation.

Ang may akda sa harap ng eksibit ng mga duyan sa Tanghalang Ignacio Gimenez nang ilunsad ang aklat na ‘Himig-Himbing: Mga Heleng Atin ng CCP.

Ano nga ba ang halaga ng hele sa buhay ng mga bata?

Ayon kay Dr. Ma. Lourdes Carandang, national social scientist sa larang ng Psychology at founder ng MLAC Institute for Psychosocial Services Inc.,  malaki ang nagagawa ng hele sa overall development ng isang bata. Hindi lang daw ito basta mahalaga kundi ‘sadyang kinakailangan’ ng bawat bata.


Binigyang-diin niya na ang pakiramdam ng ‘connectedness’ sa ibang tao ay isa sa ‘most basic psychological needs of every human being’ at ito’y nagsisimula sa pagkapanganak pa lang. Kapag daw pinadede ang sanggol (lalo na kung breastfeeding), hindi lang ang nutrisyon na dala ng gatas ang nakukuha ng beybi kundi ang pagkakataong maki-bond sa ina. Ramdam daw ng beybi ang init na dala ng haplos at hininga ng mga nag-aalaga sa kanya. Mahalaga ang connectedness na ito sa pagbuo ng tinatawag na ‘emotional brain’ sa mga sanggol.

Ang mga taong nasa likod ng matagumpay na paglulunsad ng Himig-Himbing.

Ayon pa kay Dr. Carandang, kapag ipinaghele natin ang sanggol, ang karanasan ay nagiging multi-sensory: nandoon ang haplos, ang pakikinig sa musika kahit di pa ito nauunawaan ng sanggol, ang visual stimuli na nangyayari kapag nagkakatitigan ang ina at beybi, at ang pag-ugoy-ugoy na nangyayari kapag ipinaghehele sila. May basehan din ang ginagawang pag-indak sa isang ritmo dahil ginigising daw nito ang ilang bahagi ng utak ng beybi. Nakakatulong din ito para lalong ma-relax ang baby at ang ina o caregiver.

Siyempre, ibinahagi rin niya ang itinuro ng developmental psychologist na si Erik Erikson na sa unang stage ng ating buhay, dito naglalaban ang ‘trust’ versus ‘mistrust.’ Kung hindi tayo maka-develop ng ‘trust’ early on, nauuwi tayo sa ‘mistrust.’ Dito papasok ang napakahalagang papel ng mga hele. Kapag daw ang baby ay ipinaghele, niyakap, iniugoy, at naramdaman niyang siya ay nasa safe space, at may nangyayaring koneksyon sa mga tao sa kanyang paligid, nakaka-develop ang baby ng tiwala sa environment na lalakihan niya.

Si Michelle Nikki Junia, ang kasalukuyang presidente ng Cultural Center of the Philippines na isa ring music artist at early childhood educator, ay nagbahagi rin na ang pag-awit daw ng mga hele o oyayi ay isang mahalagang cultural experience na nagpapahayag ng damdamin ng ina sa minamahal na sanggol sa mga panahong wala pang malay ang mga ito at hindi pa nakauunawa ng kahulugan ng mga salita. Sino nga ba ang nagsabi na ang ‘music is a universal language’? Sakto itong deskripsiyon para sa lullabies o hele. Ang mga hele ay isang lengguwaheng naiintindihan ng mga sanggol sapagkat ito’y nanggaling sa puso ng sino mang naghehele.

- Advertisement -

Ayon sa mga pag-aaral, ang mga fetus na nasa loob pa ng sinapupunan ay nakaririnig na ng tinig sa ika-18 linggo (4-5 months) ng pagbubuntis. Pero sinasabing sa ika-24 hanggang ika-26 na linggo (6 months) ng pagbubuntis ng ina, ang mga baby sa loob ay nagsisimula nang mag-respond sa mga boses, tunog, at ingay na naririnig nila. Habang lumalaki sa loob ng sinapupunan, lalong nagiging sensitibo ang kanilang pandinig. Ito ang dahilan kung bakit ipinapayo ng mga doctor na magpatugtog ng musika at kausapin ang sanggol habang sila’y nasa sinapupunan pa. Pagkapanganak naman, kagyat na sasalubungin sila ng magagandang hele mula sa kanilang magulang o tagapag-alaga. Ay, kay sarap bumalik sa pagkabata!

“A genre of music that is perhaps as universal as a man himself is the lullaby.” Iyan naman ang sinabi ni Dr. Ramon Santos, ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika, patungkol sa hele. Ito nga raw ang unang magandang tunog na maaaring marinig ng isang bagong silang na sanggol. Nag-iba-iba nga raw ito sa bawat komunidad, depende sa layon kung bakit ito inaawit. Sa ilang grupo ng mga tao, ginagamit daw ang hele para maipasa ang isang cultural tradition, at minsay ginagamit din para mapagbuti ang kasanayan sa pakikipag-usap sa mga bata. Winakasan niya ito ng ‘whatever purpose one finds in use of a lullaby, it remains to be one of the most unique expressions that humans have created on behalf of another.’

Si Sol Maris Trinidad, ang ethnomusicologist na naging katuwang ng musical arranger na si Krina Cayabyab.

Hindi rin daw naging madali ang pagpili ng 16 na hele na isasali sa koleksyong ito. Ito’y ayon sa pagbabahagi ni Sol Maris Trinidad, isang ethnomusicologist at researcher ng mga heleng itinampok sa libro.  Ilan sa mga napiling materyal nila ay kailangang i-transcribe o isalin muna. Kinailangan nilang humanap ng may kakayahang magsalin ng ilang wikang ginamit sa hele. Ang problema, may mga wikang halos di na ginagamit – papunta na sa extinction – kung kaya’t hindi na maisalin pa ang lyrics ng kantang hele. Dahil dito, may mga magagandang hele pa raw na di na napasali dahil sa kawalan ng salin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -