31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Bongbong ‘Lucky 8’ sa listahan ng mga kandidato ng Comelec

- Advertisement -
- Advertisement -

NAG-IISA na lamang ngayon si Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na may apelyidong Marcos base sa inilabas na candidates’ list ng Commission on Election (Comelec).

Sa pinakahuling listahan ng Comelec na isinapubliko nitong Enero 4, 2022, lumalabas na si Marcos Jr., ang presidential candidate number eight.

Ang numerong walo ay itinuturing na lucky number sa mga Chinese.

Matatandaan na nagsimula ang listahan sa 97  na pawang mga gustong tumakbong pagka-pangulo pero bumaba ang bilang nito sa 15 bago mag-Pasko matapos ideklarang nuisance candidate ng Comelec ang ibang mga personalidad.

Nitong Enero 4, bumaba na lamang ang bilang sa 11.

Kabilang sa mga natanggal ang kaapelyido ni Marcos Jr., na si Maria Aurora Marcos, isang negosyante sa Tarlac. Bago mag-Pasko isa pang kaapelyido ni Marcos Jr., na si Tiburcio  ang nauna nang tinanggal sa listahan ng Comelec.

Matatandaan din na ilang grupo ang nagsampa ng aabot sa pitong petisyon sa tanggapan ng Comelec para pigilan ang pagtakbo ni Marcos Jr., sa 2022 elections.

Nito ring Enero 4 ay ibinasura ng Comelec ang isinampang petisyon nang nuisance candidate na si Tiburcio na nanawagan na ikansela ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos Jr., dahil isa umano itong impostor.

Isa pang petisyon na isinampa naman ni Danilo Lihaylihay na humihiling na gawing nuisance candidate si Marcos Jr., ang ibinasura rin ng Comelec nitong Disyembre 16, 2021.

Kaugnay nito, patuloy namang namamayagpag sa mga serye ng survey ang BBM-Sara UniTeam at nananatiling pinaka-pinagkakatiwalaan at pinakamaraming taga-suporta sa lahat ng mga nangangarap na tumakbong pangulo at bise-presidente.

Ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research, si Marcos Jr., ay nakapagtala ng 54 percent sa presidential survey habang ang kanyang running mate na si Davao Mayor Sara Duterte ay nakakuha rin ng 50 percent sa vice presidential race.

Abala ngayon ang BBM-Sara UniTeam sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng super typhoon Odette.

Pinakilos ng tandem ang kanilang mga taga-suporta para mamigay ng relief goods, tulong pinansyal, mga water filtration units, at mga satellite broadband communication equipment sa mga biktima ng bagyo.

Ipinagpaliban din muna ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang mga caravan at iba pang aktibidad sa pulitika para masiguro ang kaligtasan ng lahat matapos ang panibagong banta sa Covid19.

Kasabay nito ang panawagan ng BBM-Sara UniTeam na magpabakuna na ang lahat dahil ito ang pinakamabisang sandata laban sa virus.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -