28.9 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Tripartite partner tinalakay patakaran sa labor education, service charge

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGTIPON ang mga kinatawan mula sa sektor ng paggawa, employer, at pamahalaan para sa isang natatanging pagpupulong ng National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) upang talakayin ang mga iminungkahing implementing rules and regulations (IRR) ng Labor Education Act, at ang mga inererekomendang susog sa mga alituntunin ng Service Charge Law.

Sa pamumuno ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesma, itinampok sa pulong ang kahalagahan ng tripartism kung saan ang mga manggagawa at employer ay kabahagi sa desisyon, konsultasyon, at proseso sa pagbuo ng polisiya ng Kagawaran.

Sa iminungkahing patakaran para sa Republic Act No. 11551, o Labor Education Act, binigyang-diin ni Kalihim Laguesma ang kahalagahan ng paghahanda sa mga estudyante sa mundo ng paggawa — sa  pribado man o pampublikong sektor –- sa  pamamagitan ng labor education.

Nilalayon ng batas na gabayan ang mga manggagawa, employer, at negosyante sa kanilang mga karapatan at responsibilidad sa lugar-paggawa sa pamamagitan ng paglalagay ng labor education sa tertiary education curriculum sa higher education at technical-vocational institution.

Inaatasan nito ang Commission on Higher Education (CHEd) at ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa pagbalangkas ng mga patakaran, sa konsultasyon sa DoLE at mga kaugnay na stakeholders.

Nagpasalamat si CHED Programs Development Division Chief Dr. Buenaventura Macatangay sa mga stakeholder at nangako na ipaaabot ang mga mungkahi sa Commission En Banc, na gumaganap bilang isang collegial body sa pagbubuo ng mga plano, patakaran, at estratehiya na may kaugnayan sa mataas na edukasyon at operasyon ng CHEd.

Samantala, ibinahagi ni DoLE Undersecretary for Labor Relations, Policy and International Affairs Cluster Atty. Benedicto Ernesto Bitonio Jr. na ang mainstreaming ng labor education ay isa sa mga pangako sa ilalim ng Labor and Employment Plan (LEP) 2023-2028.

Sa parehong okasyon, iprinisinta ni Bureau of Working Conditions Director Alvin Curada ang mga natukoy na mga kakulangan sa mga probisyon ng DoLE Department Order No. 206-19, o ang Guidelines of the Service Charge Law, kaugnay ng Republic Act No. 11360, o kilala bilang Service Charge Law.

Hinimok ng sectoral representative ang DoLE na amyendahan ang IRR sa mga sakop na manggagawa para maisama ang mga casual, contractual at agency employee. Iminungkahi din na magdagdag ng isang banahi na nagbibigay-diin sa visitorial power ng Kagawaran upang matiyak na natutupad ang pagsunod sa batas.

Ayon kay Director Curada, patuloy pa rin ang pagrepaso sa legal at policy framework sa service charge. Iprinisinta din niya ang timeline para sa pag-rerepaso, kabilang ang pagbalangkas ng iminungkahing amyenda at ang pagpupulong kasama ang Technical Executive Committee at ang TIPC.

Sinimulan ang pagsusuri sa IRR kasunod ng pagpapatupad ng Resolution No. 5, series of 2023, na pinagtibay ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) Formal Labor and Migrant Workers’ Sector (FLMWS) noong ika-1 ng Agosto 2023.

Panghuli, ipinakita din sa mga tripartite partner ang resulta ng matrix ng LEP 2023-2028. Iprinisinta ni DoLE Planning Service Director Adeline De Castro ang results matrix, na nagsisilbing planning, monitoring, at evaluation tool ng DoLE sa pagtupad sa mga ipinangako sa ilalim ng nasabing plano.

Sa pamumuno ng labor department, ang TIPC ay nagsisilbing pangunahing consultative mechanism at advisory body ng mga social partner sa mga usapin na may kinalaman sa paggawa at trabaho. Ito ay binuo sa national, regional, provincial, city/municipal, at industry levels. ALDM/GMEA

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -