SUPORTADO ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang posisyon ni Senador Win Gatchalian na paalisin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa para labanan ang paglaganap ng transnational crimes.
“Ang posisyon ng NICA sa mga operasyon ng POGO ay dapat mag-udyok sa pamahalaan na kumilos para wakasan ang mga iligal na aktibidad ng mga POGO,” sabi ni Gatchalian. Ang posisyon ng NICA ay posisyon din ng mga economic managers ng bansa gayundin ng mga awtoridad ng pulisya na pabor sa pagpapaalis ng mga POGO sa bansa.
“Ang pagsasara o permanenteng suspensiyon ng POGO at ang mga kaugnay nitong iligal na aktibidad ay makatutulong na mabawasan ang human trafficking, forced labor, kidnapping, at iba pang krimen sa bansa. Ang Pilipinas ay hindi na magiging hub ng isang industriya na ipinagbabawal sa ibang mga bansa. Bukod pa rito, malulutas nito ang isyu na hindi alam ang bilang ng mga Chinese na naririto sa bansa dahil ang kanilang pagpasok dito ay pinadali ng mga tiwaling nasa gobyerno,” nakasaad sa posisyon ng NICA na binasa ni Senador Sonny Angara, na nag-sponsor ng budget ng NICA.
Sa katatapos na deliberasyon ng Senado tungkol sa budget ng NICA, napag-alaman na patuloy ang human trafficking sa Pilipinas dahil may mga kaso na nauugnay sa mga POGO.
Bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, sinusulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa, dahil sa patuloy na paglaganap ng mga krimen na nauugnay sa industriya. Bukod sa human trafficking, ang iba pang krimen na kinasasangkutan ng mga POGO ay kinabibilangan ng prostitusyon, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba’t ibang online fraud at scam.
Habang ang mga krimen na nauugnay sa industriya ng POGO ay nananatiling walang tigil, nauna nang sinabi ni Gatchalian na ang pagkalugi sa ekonomiya mula sa mga operasyon ng POGO ay umaabot sa tumataginting na P147.7 bilyon bawat taon, base sa pinakahuling datos na ibinigay ng Department of Finance (DoF). Kabilang dito ang mga direktang gastos sa ekonomiya mula sa mga POGO, pati na ang pagbaba ng kita ng inbound tourism, at foreign direct investments, bukod sa iba pa.
“Malinaw na ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno kabilang ang ating mga economic managers, pulis, at intelligence agencies kagaya ng NICA ay pabor na paalisin ang mga POGO sa bansa dahil sa kinasasangkutan nitong mga krimen. Hindi na natin dapat hintayin na lalo pang dumami ang mga krimen na dala ng mga POGO sa bansa,” pagtatapos nin Gatchalian.