PASOK sa top 10 entries para sa ‘Songs of Journey and Hope: A Songwriting Competition’ ang likhang kanta ng mga residente ng Palawan Bahay Pag-asa Youth Center (BPYC) na may pamagat na ‘Bagong Ako’.
Ang songwriting competition ay bahagi ng 12th Juvenile Justice and Welfare Consciousness Week na inorganisa ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) alinsunod sa Proclamation No. 489 s. 20212 at RA 10661.
Ang residente na kinilalang si ‘Red’ ang naging kinatawan ng BPYC sa nasabing kompetisyon.
Ayon kay BPYC Center Head Danlyn Atanacio-Gutierrez, si Red ay sa loob na ng sentro natutong tumugtog ng gitara at dito na rin siya nagsimulang makalikha ng mga kanta.
Maliban sa gitara ay tinuturuan din sa pagtugtog ng iba pang instrumentong pangmusika tulad ng piano, beatbox at iba pa ang mga residente ng sentro upang mahubog ang kanilang mga talent, dagdag na pahayag ni Gutierrez.
Layunin naman ng pagdiriwang ng JJ Week na mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng mga Pilipino patungkol sa pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act kung saan ang tema ngayong taon ay “Nourishing Dreams, Shaping Futures: Ensuring the Right to Health and Well-being of All Children.”
Hangad naman songwriting competition na maikwento ng mga Children in Conflict with the Law (CICL) sa malikhaing paraan ang kanilang karanasan at pananaw sa pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Nanawagan naman ang pamunuan ng BPYC na suportahan ang ginawang kanta ng mga residente ng BPYC, sa pamamagitan ng pag-follow ng Facebook Page ng Juvenile Justice and Welfare Council at i-like, heart o care ang ENTRY #2 – BAGONG AKO sa link na ito: https://m.facebook.com/story.php story_fbid=710013374507335&id=100064960353146&mibextid=ZbWKwL. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)