24.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 25, 2024

‘Green Justice Zone’ matagumpay na nailunsad sa Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAGUMPAY na naisagawa ang paglulunsad ng ‘Green Justice Zone’ sa lungsod ng Puerto Princesa noong Nobyembre 10.

Isa si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa mga panauhing pandangal sa isinagawang paglulunsad ng ‘Green Justice Zone’ sa Puerto Princesa kamakailan. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

Ang paglulunsad ay pinangunahan ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) sa temang ‘Agarang Hustisyang Pangkalikasan sa Puerto Princesa.’

Ayon sa paliwanag ni Supreme Court Associate Justice at chairman ng Technical Working Group on Processes and Capability Building Maria Felomina Singh, naitatag ang mga Justice Zones upang magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng limang haligi (5 pillars) ng criminal justice system ng Pilipinas tulad ng pagpapatupad ng batas; prosekusyon; mga hukuman; bilangguan at komunidad.

Dagdag pa ni Singh na binuo ng JSCC ang mga justice zones upang bigyan ng sapat na atensyon ang mga suliraning pangkatarungan at bumuo at magpatupad ng mga naaangkop na solusyon para sa mga ito.

Sina Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, DILG-Secretary Benjamin Abalos, Jr. at DENR-Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang naging pangunahing panauhin sa paglulunsad ng Green Justice Zone sa lungsod.

Isa sa hangarin ng Puerto Princesa City Green Justice Zone na mas pagtibayin ang ugnayan ng Justice Sector Coordinating Council at lokal na pamahalaan para sa mahusay at epektibong paghahatid ng hustisya sa pangangalaga sa kapaligiran at pamamahala ng likas na yaman gayundin ang makapagbigay ng agarang hustisyang pangkalikasan sa lungsod at lalawigan.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad si Palawan Governor Victorino Dennis Socrates na tumatayo ring Chairman ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Mayor Lucilo Bayron, European Union to the Philippines Head of Cooperation Christoph Wagner at Australian Ambassador to the Philippines  HK Yu PSM. (OCJ/PIA-MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -