27.9 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Paglinang sa produktong Mindoreño, tampok sa Food Innovation Festival

- Advertisement -
- Advertisement -

OPISYAL nang binuksan ngayong araw ang isa sa tampok na gawain ngayong pagdiriwang ng ika-73 taong pagkakatatag ng lalawigan ng Oriental Mindoro — ang  Lutong Mindoreño: Food Innovation Festival.

Isinasagawa ang aktibidad sa Divine Word College of Calapan (DWCC), kung saan dinaluhan ito ng mga mag-aaral sa iba’t-ibang paaralan sa lalawigan.

Kabilang sa mga sangkap na gagamitin sa Most Innovative Chef competition ay ang mais, kalamansi, niyog, at saging na karaniwang agrikultural na produkto ng lalawigan. (Larawan mula kay Joshua Sugay)

Ayon kay Oriental Mindoro Provincial Tourism Officer at founding anniversary focal person Dhon Stepherson Calda, ang pagsasagawa ng mga ganitong gawain ay upang mas maitaas ang antas ng kalidad ng mga produkto mula sa lalawigan. Pasasalamat din ang ipinaabot nito sa tanggapan ng Provincial Agriculture’s Office (PAGO) sa pangunguna sa aktibidad.

Nahahati naman sa dalawang kompetisyon ang isinasagawang Food Innovation Festival, ang una ay ang ” Most Innovative Chef,” kung saan lumahok ang 11 kolehiyo. Ang pangalawa naman ay ang “Most Innovative Product” na nilahukan naman ng 14 na sekondaryang paaralan sa lalawigan.

Kaugnay nito, susukatin ang angking inobasyon at galing ng mga mag-aaral na kalahok sa Most innovative chef competition, kung saan gagamitin na sangkap sa mga putaheng lulutuin ang iba’t-ibang agrikultural na produkto na karaniwang matatagpuan sa lalawigan.

Ilan lamang sa mga produkto na gagamitin ay saging, niyog; kalamansi, mais; at iba pang mga produktong pinoprodyus ng mga lokal na mga magsasaka sa lalawigan.

Bahagi ang gawain ng pagsusulong ng inobasyon ng mga lokal na produkto sa lalawigan ng Pamahalaang Panlalawigan.

Tatanggap naman ang mananalo bilang Most Innovative Product sa isinasagawang Lutong Mindoreño: Food Innovation Festival ng cash prize na P15,000.00. Samantala, ang tatanghalin naman bilang Most Innovative Chef ay makatatanggap ng P17,000.00 cash price at plake.

Nagsilbi namang hurado ang iba’t ibang tanyag na mga chef sa lalawigan kasama ang mga opisyal ng mga nasyunal na ahensiya sa lalawigan sa pangunguna ni Department of Science and Technology (DoST) Oriental Mindoro Provincial Director Jesse Pine at Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro Provincial Director Arnel Hutalla. (Joshua Sugay/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

CAPTION

Kabilang sa mga sangkap na gagamitin sa Most Innovative Chef competition ay ang mais, kalamansi, niyog, at saging na karaniwang agrikultural na produkto ng lalawigan. (Larawan mula kay Joshua Sugay)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -