PINURI ni Senador Win Gatchalian ang paglulunsad ng Department of Energy (DoE) ng competitive selection process (CSP) para sa mga microgrid system providers (MGSP), na isang malaking hakbang patungo sa pagbibigay ng kuryente sa buong bansa.
“Kumpiyansa ako na ang pagpapaunlad ng mga microgrid system sa bansa ay magpapalakas ng mga pagsusumikap sa elektripikasyon sa kanayunan na magpapagaan ng kalagayan sa ekonomiya ng mga lugar na iyon,” sabi ni Gatchalian, may-akda ng Republic Act 11646 o ang Microgrid Systems Act, na isinabatas noong Enero ng nakaraang taon.
Ang kasalukuyang katayuan ng elektripikasyon sa bansa ay nasa 96.17 porsiyento. Nitong Disyembre 2022, may kabuuang 879,232 na kabahayan ang walang kuryente, ayon sa ulat na inilabas ng DoE batay sa 2015 census.
Sa Luzon, nasa 98.89 ang electripikasyon at 148,435 na pamilya o kabahayan ang wala pa ring kuryente. Sa Visayas, nasa 97.61 porsiyento ang electrification at 105,110 na kabahayan ang walang kuryente habang sa Mindanao, 88.12 porsiyento ang household electrification kung saan 625,687 na kabahayan ang kulang pa sa kuryente.
Upang simulan ang pagbuo ng mga microgrid system sa bansa, ang DoE ay naglathala na ng isang imbitasyon para sa mga mamumuhunan na nais lumahok sa CSP.
Sinabi ni Gatchalian na ang Microgrid Systems Act ay nagmamandato sa departamento ng enerhiya na ideklara ang mga unserved at underserved areas para sa elektripikasyon.
Inaasahang magbibigay daan ito para sa pagpasok ng mga mamumuhunan ng pribadong sektor upang maging accredited bilang mga microgrid service provider dahil hindi sila hihilingin na kumuha ng mga waiver mula sa kasalukuyang mga distribution utiilities.
“Ang gobyerno ay nagsagawa ng iba’t ibang mga programa sa elektripikasyon sa nakalipas na mga dekada at gayunpaman, maraming mga komunidad ang hindi pa rin natatamasa ang mga benepisyo at bentahe ng pagkakaroon ng kuryente. Sa napipintong pag-unlad ng mga microgrid system, maaari na nating makita sa lalong madaling panahon ang full electrification sa bansa,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa DoE, ang mga nanalong MGSP ay mamamahala sa pagtatayo, pag-install, pagpapanatili, at pagpapatakbo ng mga microgrid system upang magkaloob ng mga serbisyo ng kuryente sa lahat ng oras para sa lahat ng mga sambahayan sa mga piling malalayong lugar.