BINUKSAN noong Nobyembre 6, 2023 ang Eksibit sa Nanganganib na Wika sa Senado ng Pilipinas, Lungsod Pasay na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino at Tanggapan ni Senador Loren Legarda. Tampok sa naturang eksibit ang mga wikang nanganganib na Arta, Alta, at Ayta Magbukun.
Arta ang tawag sa wika ng mga katutubong Arta na matatagpuan sa Nagtipunan, Quirino. Mula sa unang talâ ni Lawrence A. Reid noong 1989 hinggil sa bílang ng mga tagapagsalita ng Arta, aabot sa 20–35 na pamilya ang nagsasalita ng wikang ito.Ngunit sa kasalukuyan, 10 na lámang ang natitiráng tagapagsalita ng Arta at tanging matatandang Arta na lámang ito.
Wikang Álta ang tawag sa katutubong wika ng mga Álta na naninirahan sa lalawigan ng Aurora. Ang wikang Álta ay kabílang sa wikang Austronesyano. Sa kasalukuyan, mayroon na lamang 53 sambahayan ang gumamit ng wikang Alta*.
Ayta Magbukún ang katutubong wika ng pangkat ng Ayta Magbukún. Sinasalita ito sa labindalawang komunidad ng Ayta Magbukún sa Bataan. Sa kasalukuyan, tinatáyang 50 porsiyento ng kabuoang bílang ng mga Ayta Magbukún sa buong lalawigan ng Bataan ang itinuturing na passive bilingual. Ibig sabihin ay nakakaunawa sila ng wikang Ayta Magbukún, ngunit hindi nakapagsasalita ng wika. Mayroon na lamang 764 sambahayan ang gumamit ng wikang Ayta Magbukun*.
Sa pagbubukas ng eksibit, inilunsad din ang mga aklat hinggil sa dokumentasyon ng wika at kultura ng Arta, Alta, at Ayta Magbukun. Itinatampok sa aklat ang paglalarawan sa usapin at suliraning pangwika ng bawat pangkat, at kung paanong nakaapekto ang paraan ng pamumuhay ng mga katutubo noon at sa kasalukuyan sa pagiging nanganganib ng kanilang katututubong wika. Isa-isa ring inilahad ang kalagayan ng pamumuhay ng mga katutubo at ang mga nagpapatuloy at nananatili pa nilang tradisyon sa gitna ng mga pagbabago, at kung paano ang mga pagbabagong nangyayari at nararanasan nila at nakaiimpluwensiya rin sa kalagayan ng kanilang katutubong wika.
Dumalo rin sa pagbubukas ng eksibit ang mga kinatawan ng komunidad ng Alta na sina Perlita Marquez, Chieftain at Violeta Fernandez, culture bearer; mula naman sa komunidad ng Ayta Magbukun ay sina Rosita Sison, Chieftain at Irene Cruz.
Layunin ng eksibit na pataasin ang kamalayan ng publiko at mga institusyon ng pamahalaan hinggil sa usapin ng panganganib ng wika. Bukas ang eksibit hanggang Nobyembre 17, 2023 sa Ikalawang Palapag ng Senado ng Pilipinas.
*Sanggunian: Philippine Statistics Authority, 2020 Census of Population and Household