28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Epekto ng mga taripa at buwis sa eksport

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING dahilan kung bakit ang mga bansa ay nagpapataw ng taripa sa kanilang import at buwis sa kanilang eksport. Ang layunin ng taripa o buwis sa inaangkat ay bigyan ng proteksyon ang mga lokal na prodyuser laban sa mga murang produktong inaangkat. Sa pagpapataw ng taripa, tumaas ang presyo ng inaangkat at nagiging kompetitibo ang mga lokal na prodyuser.  Sa pagpapataw ng taripa, ang pamahalaan ay nakalilikom din ng pondo mula sa buwis sa dami ng inaangkat. Nguni’t ang mga benepisyong ito ay tinatapan ng sakripisyo ng mga mamimimili sa pagtaas ng presyo ng mga produktong pinapatawan ng taripa. Dito makikita na ang sakripisyo ng mga mamimili ay naililipat bilang pakinabang sa pamahalaan at mga prodyuser. Ngunit, may bahagi ng sakripisyo ng mga mamimili ang pinapasan ng pangkalahatang ekonomiya bunga ng maling alokasyong nauuwi sa labis na produksyon at kulang na pagkonsumo. Tinatawag itong deadweight loss na nagpapababa sa pambansang kita.

Ganoon din ang nangyayari sa pagpapataw ng buwis sa eksport. Dahil nagiging mahal ang pagluluwas sa pagpapataw ng buwis, napipilitan ang mga eksporter na ipagbili ang malaking bahagi ng kanilang produkto sa loob ng bansa sa murang halaga dahil hindi ito pinapatawan ng buwis. Samakatuwid, ang mga mamimili ang binibigyan ng proteksyon. Noong dekada 1970 ipinatupad ng pamahalaang Marcos Sr. ang pagpapataw ng buwis sa eksport sa langis mula sa niyog upang maging sagana ang suplay ng langis sa loob ng bansa at mapatatag ang presyo nito. Nakalilikom din ang pamahalaan ng pondo mula sa buwis sa eksport. Samantla, nasaktan ang mga mga prodyuser ng mga produktong iniluluwas dahil lumiliit ang kanilang tubo bunga ng makitid na produksyon, maliit na eksport at mababang presyo. Samantala, ang pangkalahatang ekonomiya ay nagdurasa din sa maling alokasyon ng mga yaman bunga ng labis na pagkonsumo at kulang na produksyon na tinatawag na deadweight loss na nagpapababa sa pambansang kita.

Kahit may netong sakripisyo ang pagpapataw ng taripa at buwis sa eksport, maraming malalaking ekonomiya ang nagpapatupad nito bunga ng epekto nito sa pagtaas ng kanilang terms of trade. Ang terms of trade ay ang relatibong presyo ng eksport sa presyo ng import. Samakatuwid, kapag tumataas ang kanilang terms of trade, ang halaga ng kanilang eksport ay makabibili ng mas maraming import. Nakita ito noong dekada 1970 nang magpataw ang mga bansa sa Gitnang Silangan ng buwis sa iniluluwas nilang krudong langis. Dahil malawak ang bahagi nila sa bilihan ng krudo sa buong mundo, bumaba ang suplay ng krudong iniluluwas. Ang mababang suplay na ito ay pinaghatian ng napakaraming mamimili na naisagawa sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo. Ang 50 porsiyentong pagbaba ng suplay ng iniluluwas na krudong langis ng mga bansa sa Gitnang Silangan ay nagpataas sa presyo ng langis nang halos 300 porsiyento sa bilihang internasyonal. Tumaas ang terms of trade ng mga bansa sa Gitnang Silangan at nagbabaan naman ang terms of trade ng maraming bansang umaangkat ng krudong langis. Dahil dito maraming bansa ang nakaranas ng resesyon sa pagtaas ng presyo ng krudong langis na ginagamit nila sa produksyon. Nagtamasa naman ang mga bansa sa Gitnang Silangan dahil sa dami na natanggap nilang petrodollars na naging susi sa kanilang kaunlaran.

Noong 2006-2008 nagkaroon ng food crisis sa buong mundo bunga ng sari saring dahilan. Ang tugon ng mga bansang nagluluwas ng bigas at ipa pang pagkaing butil ay magpataw ng buwis sa eksport upang mabigyan ng sapat na suplay ng pagkaing butyl ang kani-kanilang bansa. Subali’t ang magkakasabay na pagpapataw ng buwis sa eksport ng iba’t ibang bansa ay lalo pang nagpahigpit sa suplay ng mga pagkaing butil sa bilihang internasyonal at lalo pang nagpalala sa food crisis sa mabilis na pagpataas ng mga presyo nito. Kahit lumalala ang krisis nakinabang naman ang mga malalaking eksporter ng bigas at pagkaing butil dahil tumaas ang presyo ng kanilang eksport. Ganito rin ang nangyari sa food crisis sa kasalukuyan nang magpataw ng export tax sa bigas ang India. Ito ay lalo pang nagpataas ng presyo ng bigas sa bilihang internasyonal dahil ang India ay isa sa mga pangunahing prodyuser at eksporter ng bigas sa buong mundo. Nakinabang ang India sa harap ng pagsasakripisyo ng mga bansang umaangkat ng bigas kasama na ang Pilipinas.

Ang labanan ng malalaking ekonomiya sa pamamagitan ng pagbubuwis sa mga produktong ikinakalakal na nasaksihan noong kalagitnaan ng 2018 sa pagitan ng Estados Unidos at China ay naglalayong itaas ang kanilang terms of trade. Nagpataw ng matataas na taripa ang Estados Unidos sa mga inaangkat nitong mga produkto mula sa China. Gumanti ang China at nagpataw din ang mataas na taripa ang China sa mga inaangkat nitong produkto mula sa Estados Unidos. Sa hangarin tumaas ang kanikanilang terms of trade, ang labanang ito ay nagpakitid sa kalakalang internasyonal dahil sa laki ng mga ekonomiyang nasasangkot sa trade war. Maraming nangamba sa aksiyong ito ng Estados Unidos at China dahil parang inuulit nila ang nangyari noong 1930 sa pagpapataw ng mga taripa ng mga bansa sa kanilang inaangkat. Nauwi ito sa malawakang resesyon at nakapag-ambag ito sa Great Depression sa buong mundo. Kahit makabubuti sa malalaking ekonomiya ang pagpapataw ng taripa at buwis sa export makasasama naman ito sa buong mundo. Ito ang dahilan kung bakit matapos ang WWII itinaguyod ng mga bansa ang liberalisasyon tungo sa malayang kalakalan upang lumawak ang produksyon sa buong mundo at iwasan ang malawakang resesyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -