25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

LandBank di na magpapabayad ng fund transfers sa mas mababa sa P1k

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG mga parokyano ng Land Bank of the Philippines (Landbank) ay maaari na ngayong makapagpadala ng libre sa online sa ibang mga bangko sa pamamagitan ng InstaPay at PESONet ng walang karagdagang bayad para sa mga transaksyong nagkakahalaga ng P1,000 at mas mababa pa simula ika-1 ng Nobyembre 2023.

Para sa mga interbank fund transfer na nagkakahalaga ng higit sa P1,000, patuloy nang matatamasa ng mga customer ang pinababang fixed transaction fee na P15 mula sa dating rate nito na P25.

Ang pag-alis ng transfer fee ng LandBank ay makakatulong sa mga kliyente nito na magpadala ng pera sa kanilang mahal sa buhay ng ligtas, tiyak, at sa maginhawang paraan, patungo sa pagsusulong ng mas pinalawig na financial inclusion at partisipasyon sa digital economy.

“Malugod naming ipinapahayag na aalisin na ng LandBank ang mga transaction fee para sa maliliit na halaga na ipinapadala sa ibang mga bangko. Ito ang aming regalo ngayong holiday sa aming mga pinahahalagahang customer, habang patuloy naming itinataguyod ang ligtas at maginhawang digital transactions,” saad ni Landbank President at CEO Lynette Ortiz.

Sa mga kliyente ng LandBank, maaari nang tangkilikin ito sa kanilang unang tatlong online fund transfers/transactions sa isang araw sa pamamagitan ng LandBank Mobile Banking App (MBA), at ng online retail banking channel nito na iAccess.

Para naman sa fund transfers mula at papasok sa mga account ng Landbank at Overseas Filipino Bank (OFBank), anuman ang halaga, ay mananatiling walang bayad.

Ang pinakahuling hakbang na ito ng Landbank ay sumusuporta sa panawagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na isulong ang cashless payments sa pamamagitan ng pag-alis ng karagdagang bayad sa fund transfers na mabababa lamang ang halaga.

Noong nakaraang Hulyo, tinaasan din ng LandBank ang limit ng pang-araw-araw na kabuuang halaga ng fund transfers, mula P50,000 patungong P100,000, sa PESONet naman ay mula P500,000 at P1.5 milyon sa Lanbank MBA at iAccess, ayon sa pagkakasunud-sunod. Inalis din ang limitasyon sa pang-araw-araw na transaksyon para sa fund transfer at pagbabayad ng mga bills, na nagpapahintulot sa mga customer na magsagawa ng mga transaksyon kada araw ng walang limitasyon.

Samantala, hinihimok din ng LandBank ang mga customer nito na manatiling mapagmatyag laban sa mga mapansamantala sa online sa pamamagitan ng hindi pag-click sa mga link mula sa hindi kilalang sender nito. Pinapaalalahanan din nila ang mga customer na kahit kailan ay hindi dapat ibahagi at panatilihing pribado ang kanilang username o log-in ID, password, OTP at iba pang impormasyon ng kanilang account.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -