NANUMPA sa tungkulin noong Lunes, Nobyembre 6, 2023, ang mga bagong halal na Barangay at Sangguniang Kabataan officials sa isang pormal na seremonya na ginanap sa Malabon Sports complex na hudyat ng simula ng kanilang 2-taong termino hanggang Disyembre 2025.
Pinangunahan ang seremonya ng panunumpa ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval kasama si DILG Malabon OIC City Director Jess Marie Alcoba.
Sinaksihan naman ito ng Sangguniang Panlungsod ng Malabon, mga department heads at empleyado ng City Hall, gayundin ang pamilya at mga kaibigan ng mga bagong halal na mga opisyal.
Malugod na tinanggap at binati ni Sandoval ang mga nagwaging opisyal at hinikayat ang mga ito na maglingkod, magtrabaho nang may dangal, maging ehemplo sa iba at laging itaguyod ang kapakanan ng bawat Malabueños sa ating barangay.
Sinundan ang seremonya ng isang open-air brunch sa Amphitheater ng Malabon.
“Itong seremonya ay simbolo ng ating pagkakaisa sa pagtupad ng pangako na katawanin, protektahan, at isulong ang interes ng bawat Malabueño,” pahayag naman ni DILG OIC Director Jess Alcoba. (JCP/PIO MALABON/PIA-NCR)