26.1 C
Manila
Miyerkules, Pebrero 5, 2025

This Season of Grief: Papahirin ang luha sa ating mga mata

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Paano ba isinusulat ang dalamhati?)

Huling bahagi

ANG di-inaasahang pagdating ng pandemyang Covid-19 (na may mga kaso pa rin hanggang ngayon) ay nagbunsod sa OMF Literature upang maglathala ng isang aklat tungkol sa paksang kamatayan at pagdadalamhati. Bunga ito ng panawagan ng maraming tao na magkaroon ng isang aklat na maaari nilang maging kanlungan habang nagdadalamhati. Wala kasi tayong maraming aklat o babasahin na nakatuon sa ‘grief.’ Siguro’y dahil ayaw nating i-entertain ang ideya ng kamatayan. Alam nating darating ang kamatayan para sa bawat isa pero ayaw nating isiping darating na ito agad. Kagyat na tumugon sa panawagang ito ang OMF Literature, ang publishing house na kilala sa paglalathala ng mga inspirational books sa bansa.

Ang aklat na This Season of Grief kaagapay ng mga nagdadalamhati. Inilathala ng OMF Literature. Inedit ni Joanna Nicolas-Na. Book design ni Nix Na. May 27 contributors. Itinanghal na Best Inspirational book sa 2023 Gintong Aklat Awards.

Pinamagatang ‘This Season of Grief,’ ang aklat na ito na may 168 pahina ay naglalaman ng mga kuwento, sanaysay, tula, mga panalangin, at mga practical tips mula sa 27 manunulat na nakabilang sa aklat. Kamakailan ay kinilala ito bilang isa sa dalawang ‘Best Inspirational Book’ sa 2023 Gintong Aklat Awards na iginawad ng Book Development Association of the Philippines.

Sa bungad pa lang ng aklat, sasalubungin na tayo ng pagbabahagi ni Philip Manuelson Arandia, isang ‘online mental health psycho-support specialist’ mula sa UP Diliman PsychServ, tungkol sa karanasan niya bilang volunteer therapist sa katindihan ng pandemya. Sa ‘Why Telling Your Stories Matters,’ makikita natin kung paanong ang simpleng pagkukuwento at pakikinig sa kuwento ay malaking tulong sa taong nabibigatan ang loob dahil sa mga bagay na nangyari sa kanila o nawala sa kanila.


Sa ‘Tears in a Bottle,’ ibinahagi ni Joyce Mae Tonson-Manalang, isang CPA, ang paglisan ng kanyang baby na pinangalanan niyang Mirelle (ang ‘Mirelle’ ay nangangahulugang ‘peace’) 15 linggo matapos niyang maipanganak ito. Naghahanap siya ng sagot kung bakit ang ibinigay na anak sa kanya ay kagyat ding binawi. Sabi niya, “Grief bridges our pain to peace. Grief makes us search for answers. Oftentimes, full understanding won’t come. But there is a God who understands all these and has only our good in mind, and so I can go on.’

Ibinahagi ni Maloi Malibiran-Salumbides, broadcaster sa 702 DZAS at book author, ang mga bagay na kanyang natutuhan habang nagdadalamhati sa pagyao ng kanyang ina na agad sinundan ng kanyang ama makalipas ang apat na buwan. Pareho silang lumisan sa edad na 76. Mula sa sanaysay na ‘Speaking Words of Comfort in a Season of Grief,’ heto ang ilang praktikal na payo ni Maloi sa atin kapag lumalapit tayo sa isang namatayan: Your silent presence is comforting enough; Do away with empty promises and clichés; Keep your tact intact;  at Leave their questions unanswered. Sadyang maraming tanong na iniiwan sa ating gunita ang paglisan ng mga minamahal na kaanak; mga tanong ito na di kailangang sagutin agad. Ani Maloi, “my husband (Atty Winnie Salumbides) patiently listened to my questions and did not attempt to answer most of them. He gave me the space and time that I needed to grieve.”

Ayon naman kay Ida Torres, Digital Marketing Specialist at OMF Literature, napuno ang kanyang isip ng napakaraming ‘what-ifs’ dulot ng pandemya. Hindi siya makatulog, hindi makapahinga ang isip, saklot ng uncertainties sa nangyari sa paligid. Sa akda niyang ‘Did You Die,’ kitang-kita ang naramdaman niyang guilt nang tinanong niya ang sarili ng “why am I still alive when I’ve so often thought of dying while people who wanted to live died?” Sa dakong dulo, sinabi niyang ‘hope exists and can co-exist with darkness.’

Ikinuwento ni Dan Andrew Cua, presidente ng Far East Broadcasting Company (FEBC), kung paanong pilit nilang ipinagpatuloy ang broadcast ministry sa radio (teleradyo) sa gitna ng pandemya. Ang 12 estasyon ng radio sa ilalim ng FEBC (kabilang ang DZAS, DZFE-FM, DKXI, DZMR, DYFR-FM) ay hindi tumigil sa pagbo-broadcast sa buong bansa lalo na sa pagpapahatid ng mahahalagang bagay at impormasyon tungkol sa pandemyang Covid-19. Sa kabila ng lahat, inisip pa rin nila ang kanilang mga tagapakinig at kung paanong makapag-aalay ng liwanag sa panahong aandap-andap ang pag-asa, sa pamamagitan ng radio broadcast ministry.  

- Advertisement -

“What is grief but love persevering.” Ito ay isang quote mula sa WandaVision na binanggit sa paunang-salita ng libro na sinulat ni Cathy Babao, isang grief counselor at dating newspaper columnist. Habang sinusulat ni Cathy ang preface ng libro noong 2021, dalawa sa kaibigan niyang senior citizens ang magkasunod na namatay dahil sa Covid-19.

Si Cathy mismo ay hindi estranghero sa karanasan ng pagdadalamhati. Sinuong niya ito nang pumanaw ang anak niyang si Miggy (sa edad na lima) dahil sa karamdaman sa puso. Natatandaan ko na pinangunahan niya ang pagtatayo ng ‘Miggy’s Corner’ sa ilang pang-goyernong ospital bilang pag-alala kay Miggy. Ang ‘Miggy’s Corner’ ay isang espasyong inilaan para maging play center ng mga batang naka-confine sa mga panggobyernong ospital. Natatandaan ko na nagbigay pa ako ng ilan kong aklat pambata sa Miggy’s Corner (na naitayo sa loob ng Tumor Clinic ng East Avenue Medical Center). Katuwang nito ang Kythe Foundation sa pamamahala nito. Ang ganitong pag-alala sa yumao sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang center o foundation ay paraan natin upang maampat o mapaghilom ang iniwang sugat ng paglisan ng isang minamahal.

Tatlong tulang-panalangin naman ang naging kontribusyon ni Yna Reyes, dating Publications Director ng OMF Lit at kasamahang children’s book author, sa dakong dulo ng aklat. Kabilang sa kanyang akdang ‘Prayers’ ang Prayer of Lament, Prayer for the Grieving, at Prayer for Salvation.  Ang dalawang naunang tulang-panalangin ay diretsong dumudulog sa ating Panginoon sa nararanasang kalungkutan, pagtangis, at waring may himig pagtatampo dahil sa ‘pagiging tahimik’ Niya sa naganap na pandemya. Naalala ko ang manunulat ng Book of Psalms (Mga Awit) sa Biblia sa mga akdang ito ni Yna. Ako mismo ay nakiisa sa mga panalanging ito.

Ang makata at guro na si Jophen Baui ay sumulat din ng isang tula na pinamagatang ‘Labo.’ Tungkol ito sa naging praktis nating lahat na pagsusuot ng face mask (at face shield!) noong katindihan ng pandemya. At dahil siya’y naka-antipara, tatlo ang kailangan niyang isuot sa mukha tuwing lalabas ng bahay: face mask, salamin sa mata, at face shield. Dulot nito’y madalas na paglabo ng paningin habang ‘lantad ang labo ng langit/ sa layo ng lakbay na di abot-tanaw.’

Binanggit naman ng psychologist na si Annabel Manzanilla-Manalo sa kanyang akdang ‘Losses and Grief During Challenging Times’ kung paano natin maiintindihan kung ano ang grief o dalamhati at kung paano natin ito posibleng ‘kaibiganin.’ Sa kanyang ibinigay na pitong puntos sa pagdadalamhati, sinabi niyang ‘there is no typical way to grieve,’ ‘the way people grieve is greatly influenced by the context and circumstances of the loss,’ at ‘grief is a process we go through with a range of emotions.’

Kay ganda rin ng diwang ibinahagi ni Melba Padilla Maggay, theologian/book author at President ng Institute for Studies in Asian Church and Culture (ISACC), tungkol sa kanyang naranasang pagiging ‘virtual prison’ nang ipinatupad ang mga lockdown noong kasagsagan ng pandemya. Binanggit niya sa kanyang sanaysay na ‘Living in the Margins’ ang konsepto ng liminality (o ‘threshold’ sa Latin) “that describes the process of transitioning across life cycles and boundaries…so that something new in us can be created and propel us forward into growth.”

- Advertisement -

Sabi pa ni Maggay, pinatigil tayong lahat ng pandemya upang mas lalo pa tayong lumalim sa pag-unawa sa kahulugan ng buhay at kamatayan, at upang muling bigyang-pansin ang bagay na sadyang mahalaga sa atin: pamilya, kaibigan, komunidad, at pakikipag-kapwa. “In this liminal space, we wait upon the Lord and grow, opening ourselves to the possibility of our own transformation, and the birthing of a new vision for rearranging social reality.”

Gusto kong ibahagi ang huling talata ng tulang ‘Bagong Bahaghari’ na sinulat ni Fr. Albert Alejo, SJ, guro sa Ateneo De Manila University, sa blurb ng naturang aklat:

Ang dilim sa ulap ngayo’y nahahawi

                        Ang luha sa mata at ngiti sa labi

                        Hamog at kulay ng bagong bahaghari

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -