Sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “At ngayon, mga saserdote, narito ang utos ko sa inyo: Parangalan ninyo ang aking pangalan sa pamamagitan ng inyong mga gawa … Subalit lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote. Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Kaya, hahayaan kong kamuhian kayo.”
- Aklat ni Malakias, 1:14-2:2, 8-9
GUSTO mo bang magpari? Hindi biro: Ayon sa Ikalawang Kapulungang Vaticano anim na dekadang nagdaan, pari ang bawat binyagang Kristiyanong nananampalataya at nagsisikap tumalima kay Hesukristo.
Mangyari, inatasan niya ang bawat alagad magbasbas o magpataw ng kabanalan sa mundo, at iyon ang pangunahing tungkulin ng kaparian at siyang nating ginagawa sa paggawa ng mabuti at paghahayag ng Magandang Balita sa kapwa-tao.
Kaya pagdinig natin sa unang pagbasang Misa mula kay Propeta Malakias, sinipi sa itaas, sa Nobyembre 5, ang Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon, hindi lamang mga saserdote o kapariang naordenahan ang pinangangaralan, kundi ang bawat Kristiyano.
Siguro naman, hindi lang mga pari at madre ang dapat magbigay-dangal sa Diyos, gaya ng atas niya sa mga saserdote, kundi lahat tayo. At kung iligaw natin sa kasalanan ang ibang tao dahil sa maling asal o salita, hahagupit din sa atin ang parusang nakatakda sa kaparian ayon kay Propeta Malakias.
Sinoda ng buong Kristiyanismo
Ito ring kaparian ng lahat ng binyagan ang isinasakatuparan ng Simbahan sa ginanap na Ika-16 na Kapulungang Pangkalahatan ng Sinoda ng mga Obispo nitong Oktubre 4 hanggang 29 sa Lungsod Vaticano.
Paano ito ginawa? Una, mula 2021, pinulong at inusisa ng bawat parokya, diyosesis at iba pang organisasyon ng Simbahan ang mga Katoliko upang alamin ang mga pananaw at niloloob nila.
Iniulat ang mga pananaw nating mga laiko o karaniwang Katoliko hindi lamang sa mga obispo ng bawat bansa, kundi sa Vaticano rin. At matapos itong pag-usapan at balangkasin ng mga SImbahang pambansa, ipinadala ito sa Roma upang malikom at maibigay sa Sinoda sa nagdaang buwan at sa Oktubre 2024.
At hindi lang sa mga kapulungang pambansa lumahok ang laiko, kundi sa mismong Sinodang katatapos lamang. Tunay ngang pinagsikapang kumilos at sumali ang lahat sa Sinoda ng Sinodalismo.
E ano ngayon? Iyon marahil ang isusumbat ng ilang Katolikong di-bilib sa Sinoda. At tama naming magtanong ng gayon. Kaya naman, tingnan natin ang naging bunga ng Sinoda: ang Synthesis Report o Ulat Paglalagom ng Sinoda, at mababasa ang pagsasalin sa Ingles ng Italyanong dokumento sa https://tinyurl.com/yt4387ce.
Unti-unti nating iuulat at ipapaliwanag ang mga mahalagang kaalaman at pananaw na nakalathala sa 41 pahina ng Report, sampo ng mga maaaring ibubunga nito sa ating relihiyon, sa ating mga parokya, at higit sa lahat, sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa.
Para sa ngayon, tukuyin natin ang balangkas ng ulat at ang ilang paunang pangungusap. May tatlong malaking bahagi: una, Ang Mukha ng Simbahang Sinodal, tungkol sa konsepto ng Sinodalismo at ang basehan nito sa teolohiya; pangalawa, “Lahat Disipulo, Lahat Misyonero” patungkol sa mga malawakang pangkat na bumubuo ng Simbahan at ang kaugnayan nila sa isa’t-isa; at pangatlo, “Paghahabi ng Pabubuklod, Pagtataguyod ng Komunidad, ang proseso ng pagsasanib at pagpupulong bilang Simbahang Sinodal.
Sa simula, niliwanag agad na bahagi na ng Simbahan sa mula’t mula ang prosesong Sinodal, dahil noon pa man, may pagpupulong o diyalogo na ang mga pinuno at kasapi ng Kristiyanismo.
Halimbawa, sa Kabanata 15 ng Gawa ng mga Apostol, nang tinangka ng mga Hudyong naging Kristiyano na pasunurin ang ibang kultura sa mga patarakan at kaugaliang Hudyo, tumutol ang mga hentil at ipinaabot ni San Pablo ang hinaing nila sa mga Apostol sa Herusalem. Kumilos agad ang pamunuan ng Simbahan at inihayag ni San Pedro, ang unang Papa, na hindi kailangang sumunod sa ugaling Hudyo ang mga Kristiyanong hindi Hudyo.
Gayon ding diyalogo ang isinagawa ng Simbahan, ngunit buong mundo ang saklaw, hindi lamang isang komunidad ng Kristiyanong hentil. Sa mga simbahan, parokya, diyosesis at iba pang institusyong Katoliko, nagpalitang-kuro at hinaing ang malaking bahagi ng isang bilyong nananampalataya.
Upang maisulong ang patakarang Sinodal sa mga parokya, hangad ng Simbahang humirang ng mga expertong may kaalamang mamuno sa pagpupulong at bumalangkas ng mga pananaw at kahilingan ng mga lalahok.
Kailangan ding mahikayat lumahok ang mga beteranong grupo, kabilang ang mga obispo, pari at diyakonong may malawak na kaalaman sa relihiyon at Simbahan. Gayon din naman, ibig akitin sa Sinoda ang kabataan upang maging inter-generational ang proseso, kalahok ang iba’t-ibang antas at edad ng Katoliko.
Sa malawakan at malalimang prosesong ito, tatlong bagay ang laging kailangan, wika ng Ulat. Una, dasal at grasya, lalo na ang liwanag ng Espirito Santo. Pangalawa, masusing pag-aaral ng palakad at usaping ng Simbahan. At pangatlo, pagbubukas sa isa’t-isa tungkol sa tunay nating niloloob hinggil sa ating relihiyon.
Pagpalain nawa ng Panginoon ang prosesong Sinodal upang lalo nitong maipaabot sa atin ang Mabuting Balita at ang tamang landas tungo sa langit. Amen.