25.4 C
Manila
Martes, Disyembre 31, 2024

Panukalang batas ni Gatchalian: Iangat ang kalidad ng pamamahala, edukasyon sa LUCs

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong iangat ang kalidad ng pamamahala at edukasyon sa mga local universities and colleges (LUCs).

Sa ilalim ng panukalang Local Universities and Colleges Governance Act (Senate Bill No. 2445) ni Senador Win Gatchalian, itatakda ang mga mandatory guidelines o pamantayan sa paglikha ng mga LUCs. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Mahalaga ang papel ng ating mga LUCs sa pagbibigay ng abot-kayang edukasyon sa ating mga kababayan at sa pagpapapunlad ng ating mga bayan at mga lungsod. Kailangang suportahan natin sila sa kanilang pagsisikap na maghatid ng dekalidad na edukasyon at tiyaking sila ay may maayos na pamunuan,” ani Gatchalian.

Bagama’t umakyat ang bilang ng mga LUC sa 143 ngayong taon mula sa 107 noong 2018 upang tugunan ang patuloy na lumalaking pangangailangan sa kolehiyo, nananatili ang mga hamon sa kalidad at pamamahala ng mga pamantasan at kolehiyong ito. Ayon sa isang policy note mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nagiging sagabal sa pamumuno ng mga LUC ang pagpapalit ng mga opisyal kasunod ng mga eleksyon. Dahil dito, hindi tuloy-tuloy na naipapatupad ang mga polisiya at kinukulang din ang mga kinakailangang pondo at iba pang resources.

Sa ilalim ng panukalang Local Universities and Colleges Governance Act (Senate Bill No. 2445) ni Gatchalian, itatakda ang mga mandatory guidelines o pamantayan sa paglikha ng mga LUCs. Bago ipasa ang isang ordinansa na lilikha sa isang local university o college, magiging mandato sa mga local government units (LGUs) na kumuha mula sa Commission on Higher Education (CHEd) ng institutional recognition bilang higher education institution.

Kabilang sa magiging mga requirements na ito ang feasibility study, certification of availability of funds mula sa local treasurer, project development plan, at five-year institutional development plan.

Ang mga maitatayong LUC batay sa mga pamantayang nakasaad sa panukalang batas na ito ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o free college education law.

Ang Board of Regents na pamumunuan ng alkalde ang magiging pinakamataas na pamunuan ng isang local university or college. Ang Pangulo ng LUC naman na namumuno sa pagpapatakbo ng paaralan ang magiging vice chairman. Dapat may doctoral degree ang Pangulo ng LUC sa education o iba pang angkop na larangan. Tatlong taon ang magiging termino ng pangulo at maaari siyang ma-reappoint nang hindi lalagpas sa dalawang termino. 

Nakasaad din sa panukalang batas na dapat may pahintulot ang LUCs mula sa CHED bago mag-alok ng mga academic programs. Ayon sa CHEd, 41 sa 143 na LUCs ang kasalukuyang walang pormal na pagkilala mula sa Estado. Sa 102 na mga LUCs na may institutional recognition, 35 porsiyento ang walang program compliance. Ibig sabihin, hindi naka-ayon sa mga polisiya, standards, at guidelines ang mga programang ito.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -