NAG-ALOK ng libreng serbisyong legal ang 13 abogado ng Ateneo Law School kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. para tulungan siya sa kanyang pangangampanya at magbantay ng boto nito sa darating na halalan sa 2022.
Personal na nagtungo ang mga abogado, na pawang mga miyembro rin ng Fraternal Order of Utopia, nitong Huwebes ng hapon sa tanggapan ng secretary general ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si retired Gen. Thompson Lantion sa BBM headquarters sa Mandaluyong city. Si Marcos Jr. ang standard-bearer ng PFP.
“They are here to offer their free legal services to BBM-Sara UniTeam,” ayon kay Lantion matapos ang pulong sa mga abogado.
Ayon kay Atty. Richard Brett Uy, isa sa abogado na nag-alok ng libreng serbisyo, personal na gusto nilang tutukan ang pagbabantay sa boto ni Bongbong para hindi na umano maulit ang nangyari sa kanya noong 2016 election.
“Yung 2016 na nangyari hindi na ‘yun mauulit, kasi alam naman natin na natulog lang si BBM nun panalo na siya pero pag gising iba na. We’ll make sure that won’t happen,” sinabi ni Uy.
Sinabi naman ni Atty. Enrico Alday, Jr., na posible pang madagdagan ang kanilang bilang sa mga susunod na araw.
“As of this moment meron po kaming 13 po. Pero this could grow po, lawyers po lahat, kasi we are not actively recruiting pa po kasi bago pa lang,” ani Alday.
“This is pure volunteerism. We are also willing to do the leg work especially during the printing of the ballots. We are actually willing to volunteer for that. We are also willing to help with the canvassing of the votes magbantay sa mga presinto sa probinsya,” ayon pa kay Uy.
Nilinaw naman nila na hindi raw nila balak panghimasukan ang mga petisyon na isinampa laban kay Marcos Jr. sa Commission on Election (Comelec) dahil batid nila na marami nang nagtatanggol sa mga nasabing kaso. Pero nakahanda raw sila kung kailanganin sila.
Katulad ng iba pang mga eksperto sa batas, nagkakaisa rin sila na mahina at nararapat lamang ibasura ang mga petisyon na isinampa laban kay Bongbong.
“From the legal standpoint, medyo mahina yung kaso nila against BBM. We all know that this is because of politics. Pure harassment. We trust the judgement of the Comelec would rule in favor of the law. In accordance with what the law provides and what the law provides is mahina talaga,” dagdag ni Uy.
Iisa naman ang tugon ng mga abogado nang tanungin sila ng kanilang rason sa pagbo-boluntaryo ng kanilang serbisyo.
“We feel that he is the most competent to lead the country,” magkakaparehas na tugon ng mga abogado.