PATULOY ang ginagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Pagbilao gayundin ang mga kawani ng Quezon Philippine National Police para sa inaasahang pagdagsa ng mga byaherong dadaan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) at Undas.
Ayon kay Pagbilao Mayor Gigi Portes, nauna nang idaos ang pagpupulong ng lokal na pamahalaan katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), PNP, at iba pang stakeholders tungkol sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Samantala, sinabi naman ni Quezon Police Provincial Director P/Col. Ledon Monte na maglalagay sila ng sapat na bilang ng kapulisan na makakatuwang ng kanilang force multiplier para umalalay sa daloy ng trapiko sa naturang lugar sa pagdagsa ng mga tao sa barangay at SK election sa Oktubre 30 gayundin sa pagsapit ng Undas.
“Naka-heightened alert status ang kapulisan simula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2 para sa BSKE at Undas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko na inaasahang mag-uuwian sa kani-kanilang mga bayan para bumoto at dumalaw sa sementeryo,” ani Monte.
Inaasahang hindi na muling mauulit ang nangyari noong Semana Santa kung saan nakaranas ng matinding trapiko sa bayan ng Pagbilao dahil sa hindi inaasahang dagsa maraming sasakyan.
Ang bayan ng Pagbilao na bahagi ng Maharlika Highway ay daanan ng maraming sasakyan o motorista na nagtutungo sa mga bayan sa Bicol region kapag sumasapit ang Semana Santa at Undas. (Ruel Orinday-PIA Quezon)