29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

PPA, SSS lumagda sa MoA para sa benepisyo ng contractual employees

- Advertisement -
- Advertisement -

LUMAGDA kamakailan ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) Port Management Office Mindoro (PMO) at Social Security System (SSS) Calapan Branch sa isang Memorandum of Agreement (MoA) para mapabilang ang mga contractual at job order na manggagawa sa Calapan Port Terminal sa KaSSSangga sa Coverage Program (KCP) na ipinatutupad ng huli na ginanap sa Port Area sa Lungsod ng Calapan.

Lumagda sa Memorandum of Agreement ang pamunuan ng PPA-PMO Mindoro at SSS Calapan Branch para sa KaSSSangga sa Coverage Program upang mapabilang ang mga contractual at job order employees ng PPA. Makikitang lumalagda sina (mula kaliwa) Vilma Hernandez ng PPA-PMO, SSS AMS Head Redentor Imperial, PPA Port Manager Engr. Elvis Medalla, SSS Calapan Branch Head Imelda Familaran at PPA Division Manager-Admin Marcelina Roldan. Larawan kuha ng SSS Calapan Branch

Ayon sa kasunduan, pinapahintulutan ng SSS ang PPA-PMO Mindoro na magsilbi bilang Coverage and Collector Partner na siyang maglilikom ng mga kontribusyon mula sa buwanang Social Security and Employees’ Compensation ng 198 contract of service (COS) at job order (JO) na manggagawa at sila na ang mag re-remit sa SSS.

Dahil dito, ibinibilang ang mga COS at JOs na self-employed SSS member at kuwalipikado sa mga benepisyo at loan program sakaling tuloy-tuloy ang hulog ng kontribusyon.

Sa panig ng PPA-PMO Mindoro, ang mga lumagda sa nasabing MOA ay sina Port Manager Engr. Elvis Medalla, Division Manager-Admin Marcelina Roldan at HRMO III, Vilma Hernandez habang sa panig ng SSS ay sina Calapan Branch Head Imelda Familaran at Account Management Section Head, Redentor Imperial.

Ang KaSSSangga sa Coverage Program ay bukas sa mga COS at JO na nanunungkulan sa mga tanggapan ng pamahalaan kabilang ang mga pamahalaang lokal at barangay na hindi sakop ng batas ng Government Service Insurance System (GSIS), at ang tanging layunin ay maibigay sa mga manggagawa ang nararapat na benepisyo at proteksiyon na ipinagkakaloob ng SSS tulad ng pagkakaroon ng kapansanan, malubhang karamdaman, maternity, pagtanda, pagkamatay at iba pang benepisyo na maaring makamit ng isang kasapi. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -