31.2 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

 Kung bakit patok sa Pinoy ang mga ‘Game Shows’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

NANG maanyayahan kaming buuin ang team ng mga manunulat ng aklat pambata bilang contestants sa game show na Family Feud ng GMA-7, magkahalong kaba’t pananabik ang naramdaman ko. Sa wakas, heto na ang pagkakataon para masubukan kung paano maging kalahok sa isang game show na mapapanuod sa national TV. Mas excited pa nga sa akin ang aking mga kapamilya nang malaman nilang maglalaro kami sa show. Sila man kasi ay halos gabi-gabing nakasubaybay sa panunuod nito – nakikihula sa mga posibleng sagot na nakuha sa survey. At kahit pa mukhang tama naman ang sagot mo pero kung hindi ‘yun ang lumabas na sagot sa survey, wala ka rin namang magagawa. Gayon kasi ang sabi ng survey. ‘Yung survey ang may kasalanan.

Ang magkalabang team: ‘The Story Writers’ (nakadilaw) at ang Kidspectacular

Higit sa premyong naghihintay sa magwawagi, doon ako nakapokus sa karanasan ng pagsali at pakikibahagi sa sambayanang Pilipino na laging nanunuod ng mga game shows. Sa tingin ko, ganun din ang pananaw ng tatlo pang kasama ko sa team na sina Rhandee Garlitos, Yna Reyes, at Maloi Malibiran-Salumbides, pawang mga kasamahan sa industriya ng paglalathala ng aklat pambata.

Mabibilis pumindot ng buzzer ang grupong kalaban namin sa game show – ang ‘Kidspectacular’ na binubuo ng mga dating child stars na napapanuod sa mga teleserye (sina Jemwell, Judie, Julius, at Angelli). Madalas ay nauunahan ang aming team. Pero kahit ganun, masasabi ko pa ring ‘all is fair’ in game shows. Sa mga pagkakataong hindi na nila mahulaan ang pinakahuling item na di nabubuksan sa board, hayu’t masuwerte kaming nakukuha ang natitirang item. Dahil doon, sa amin napupunta ang lahat ng points na naipon nila. Somehow, nakatulong sa aming pag-iisip ng final answer (na pang-steal) ang kaisipang ‘ano kaya ang isasagot ng ordinaryong Pinoy na sinarbey kung ito ang ipinukol na tanong?’

Ang may akda ng kolum na Puwera Usog na si Dr. Luis Gatmaitan

Ano ba’ng meron sa mga game shows at patok ito sa mga manunuod ng telebisyon? Bakit may kakaibang hatak sa manunuod ang ganitong klase ng palabas?


Una, kapag nanunuod tayo ay inilalagay natin ang ating sarili sa katauhan ng mga contestants. Sila ang ating ‘alter,’ ang ating bet para masungkit ang premyo – pera man ito o travel o sasakyan o hotel accommodation. Kumbaga, tumataya tayo sa mga contestants. Sila ang nagiging mouthpiece natin. Kaya kapag nanalo sila, pakiramdam natin ay nanalo rin tayo. At gusto nating manalo ang mga contestants sa game shows, di ba? Pati tayo ay nanghihinayang at nalulungkot kapag hindi nila nasungkit ang jackpot. Sa ilang pagkakaton, naranasan ko rin na habang nanunuod, nanlalamig din ang aking mga kamay o kaya’y sumasasal ang tibok ng aking puso habang tutok na tutok ako sa panunuod. Kailangang makuha ng contestant ang tamang sagot!

“Sayang! Konting points na lang at jackpot na sana,” gayon ang sabi ni Helen Villanueva, ang educator-administrator ng isang private school sa BGC, The Fort, nang magkita kami matapos mapanuod ang aming episode. “Pati ako, humuhula ng sagot!” natutuwa pang dugtong niya. “Yung ibang sagot n’yo, ‘yun din ang sagot ko!”

Ang nakatutuwa, nagkakaroon tayo ng pagkakataong subukin ang sarili nating kakayahan habang sumasagot sa tanong ng host ang contestant. Nagbibigay din tayo ng matalinong hula. At kapag tumama ang ating sagot, ibayong kasiyahan ang idinudulot nito sa atin. Binibigyan tayo ng mga game shows ng tsansa na tayaan ang ating pantasya. Kapag nananalo ang contestant, naiisip natin na ‘puwedeng tayo ‘yun.’

Pangalawa, tandaan na ang panunuod ng TV ay isang paraan ng pagre-relax. Ginagawa natin ang panunuod ng mga game shows kapag nakauwi na tayo sa bahay mula sa maghapong pagtatrabaho. Kumbaga, nasa relaxed mode na tayo. Nais nating maaliw, tumawa, o gumaan ang pakiramdam. Kaya sakto ang alay na saya at aliw ng ganitong palabas. Nakikitawa tayo kapag nagkakamali ang contestant. Nakaaaliw ang maraming tanong na alam mong pinag-isipang maigi ng mga manunulat. Sadyang may sining din ang pagtatanong. Akala mo minsan ay simple lang ang tanong pero tricky pala. Ang isang nakaaaliw (at nakabibiglang tanong) na ipinukol sa akin ay ganito: ‘Ang isang manananggal, kapag kumakain, saan napupunta ang kaniyang kinain?’ Hindi ko inaasahan ang gayong tanong kaya nagdalawang-isip ako kung ‘sa tiyan’ ba o ‘sa sahig’ ang isinagot ng mga taong sinarbey. ‘Yung kasama ko sa jackpot round na si Maloi, ‘sa bibig’ ang naging sagot dito.

- Advertisement -
Si Dr. Luis Gatmaitan habang tinatanong ng host na si Dingdong Dantes

Nang minsan ding nanunuod ako ng dating epiosode nito ay naaliw ako nang tanungin ng host ang kung ‘anong gulay ang binanggit sa kantang Bahay-Kubo na ginagamit sa pagluluto ng sinigang,’ naaliw ako nang sumagot agad-agad ang kalahok ng ‘kangkong!’ Oo nga’t sangkap ito sa sinigang pero kasali ba ito sa kantang Bahay-Kubo? Aaminin kong nakapagpapasigla ang elemento ng pagkabigla/biglaan para tangkilikin ito ng mga manunuod. Dapat pag-ingatan ang mga tanong na nanlilito upang di mapahamak. Gasgas mang masasabi pero ang linyang ‘presence of mind’ ay di dapat ipagwalang-bahala.

Isa pang kinaaliwan ko (mula sa mga naunang episode ng Family Feud) ay nang magtanong ang host sa mga kalahok nang ganito: ‘Bukod sa kare-kare, magbigay pa ng ilang pagkaing inuulit-ulit?’ At dahil kakaunti lang ang naiisip nilang pagkaing may pangalang inuulit (gaya ng halo-halo, gising-gising), sumagot ang mga kalahok ng mga pagkaing dinoble o inuulit nila ang pagbigkas gaya ng ‘adobo-adobo’, ‘puto-puto’ at iba pa. Namilosopo pa nga ang isa nang sabihin nitong ‘adobo’ ang pagkaing inuulit-ulit nang ilang beses! Nagkatawanan na lamang ang lahat.

Pangatlo, may kakaiba ring panghalina ang premyong mapapalunan. Sa panahon ngayon, hindi naman ganoon kadaling kumita ng pera. Sadyang mahirap tanggihan ang alok na premyong pera. Masasabi bang ‘easy money’ ito gayong pinaghirapan mo rin naman ang gantimpala? Hindi na masama ang 100 thousand para sa pananalo sa elimination round (na posibleng naging 200 thousand sana kung umabot sa 200 ang aming points). Hahatiin ito sa apat na contestants.

Hindi rin dapat maliitin ang presensiya ng mga celebrities o mga kilalang media personalities bilang mga contestants dahil ito ay may hatak din sa dami ng tumatangkilik sa bawat episode. Iba pa rin kapag kilalang celebrities ang naglalaro.

Hindi ko malilimutan ang isang tanong na tinapatan ng halagang isang milyong piso sa jackpot round ng game show na ‘Game K N B?’ maraming taon na ang nakalilipas. Tungkol ito sa unang naging pangalan ng magasing LIWAYWAY noong itinatag ito noong 1920’s. Bigla akong nagulat at malakas na nagsabing ‘Photo News.’  Nagkaroon kasi ako dati ng pagkakataong madalaw ang library ng Liwayway Publishing kung saan ay nakita kong nakadispley ang mga lumang kopya ng ‘Photo News.’

Tama ang sagot.

- Advertisement -

Nanalo sana ako ng isang milyong piso.

Ang kaso, hindi ako ang contestant nang mangyari ang eksenang ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -