MARIING isinusulong sa regular na sesyon ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan ngayong araw, Oktubre 17, 2023 na hatiin ang Department of Education (DepEd Palawan) sa dalawang Schools Division Office (SDO) na magiging North and South Division Offices upang lubos na matutukan ang mga eskwelahan at mga guro gayundin upang epektibong makapagbigay serbisyo sa mga estudyanteng Palaweño.
Ito ay sa pamamagitan ng Proposed Resolution No. 1413-23 na may titulong “Requesting the Hon. Representatives Edgardo ‘Egay’ Salvame Lim and Jose ‘JCA’ Ch. Alvarez of the First and Second Legislative Districts of Palawan, Respectively, to Jointly Sponsor a House Bill Establishing a Schools Division Office (SDOs) each in Northern and Southern Palawan that will Offer more Efficient and Effective Service Delivery, Oversight, and Administration by the Department of Education (DepEd)- Palawan” na iniakda nina Board Members Roseller Pineda, Ryan Maminta at Rafael Ortega Jr. bilang pangunahing may akda.
“Actually, ang city ay highly urbanized, mayroon silang iisang division. Ang Palawan ay mayroon ding iisang division, pero ang sa Palawan ay i-divide natin into 2 to make it 3. North and South plus Puerto Princesa,” ani BM Pineda.
Ayon sa bokal, kabilang umano sa pangunahing problema na kinakaharap ng DepEd Palawan ay kung paano mabilis na matutugunan ang mga problema na kinakaharap ng bawat eskwelahan sa lalawigan dahil nag-iisa lamang ang SDO at SDS na nakatutok sa napakalawak na probinsya ng Palawan.
Iginiit nito na nakasalalay sa nag-iisang SDS ang daan-daang mga eskwelahan sa Palawan na kinakailangang mapuntahan at mabisita upang makita ang kalagayan ng mga ito kasama ang libo-libung mga guro at estudyanteng Palaweño.
“Grabeng lawak ng Palawan at ang superintendent ay nag-iisa, talagang mahirap abutin ang school to school kaya talagang kailangan natin para mas ma-improve ang quality hindi lang ang quality of education kundi mas ma-improve pa ang mga kinakailangang ma-improve na mga bagay sa bawat division.”
Samantala, ang naturang resolusyon ay nai-refer sa Committee on Basic Education upang mapag-aralan at masusing matalakay ang ilan pang mahahalagang detalye hinggil dito.