31.8 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Matatag curriculum bubusisiin sa Senado – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGSASAGAWA ang Senate Committee on Basic Education ng pagdinig ukol sa Matatag K to 10 curriculum upang suriin ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad nito, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Iniulat ni Senador Win Gatchalian na magsasagawa ang Senate Committee on Basic Education ng pagdinig ukol sa Matatag K to 10 curriculum upang suriin ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad nito. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ayon sa mambabatas, mahalagang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng Matatag K to 10 curriculum upang iangat ang performance ng mga mag-aaral at matugunan ang krisis ng edukasyon sa bansa. Nagsimula ang pilot run ng Matatag K to 10 curriculum noong Setyembre 25 ng taon sa 35 na paaralan sa pitong rehiyon.

Matatandaan ding kasunod ng paglunsad ng bagong curriculum, hinimok ni Gatchalian ang Teacher Education Council (TEC) na iugnay ang teacher education at training sa Matatag K to 10 curriculum. Ang Secretary of Education ang nagsisilbing chairman ng Teacher Education Council na may mandatong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay sa bansa.

Mula sa 11,700 na learning competencies, 3,644 na lamang ang nananatili sa Matatag K to 10 curriculum. Matatandaang nagbabala ang mga eksperto na ang congested curriculum ay nagiging sagabal sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral, bagay na nagdulot ng mababang marka ng bansa sa mga international large-scale assessments tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA).

Binigyang diin ng DepEd na tinututukan ng Matatag K to 10 curriculum ang literacy, numeracy, at socio-emotional skills. Bahagi rin ng curriculum ang mga peace competencies.

Magkakaroon ng phased implementation ang Matatag K to 10 curriculum na magsisimula sa School Year (SY) 2024-2025 sa Kindergarten, Grades 1, 4, at 7. Ipapatupad naman sa Grades 2, 5, at 8 ang curriculum pagdating ng SY 2025-2026; kasunod ng Grades 3, 6, at 9 para sa SY 2026-2027. Sa SY 2027-2028, ipapatupad ang revised curriculum sa Grade 10, kasunod ng ganap na pagpapatupad nito sa 2028.

“Kung epektibo nating maipapatupad ang Matatag curriculum, matitiyak natin ang pagkatuto ng ating mga mag-aaral at unti-unti nating mawawakasan ang krisis sa sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -