LUMAGDA sa isang memorandum of Agreement (MoA) si Social Security System (SSS) Calapan Branch Head Imelda Familaran at kapitan ng Brgy. Poblacion na si Aristeo Atienza 2nd, upang mapalapit ang serbisyo ng SSS sa mamamayan ng Puerto Galera at Barangay Poblacion, noong Oktubre 18 na ginanap sa barangay hall.
Nakasaad sa kasunduan ang paglalagay ng SSS E-center para mapaglingkuran ang mga taga Puerto Galera na miyembro ng SSS sa kanilang mga katanungan, data-encoding, pagpapa-rehistro at pagpo-proseso ng mga benepisyo upang hindi na magtungo pa sa lungsod ng Calapan.
Bukod dito, magsasagawa din ang SSS ng oryentasyon at pagsasanay sa mga tauhan na itatalaga ng barangay o ng pamahalaang bayan para mapabilis ang proseso ng mga dokumento ng mga kasapi.
Ang Poblacion ang pang limang barangay sa buong lalawigan na sumunod sa mga barangay ng Masipit, Sto. Niño, Sta. Isabel at Bulusan na pawang nasa lungsod na ito sa pagkakaroon ng SSS E-center.
Kasama rin sa nilagdaan ang kasunduan sa ‘KaSSSangga sa Coverage’ na kung saan nakasaad dito na ang bawat kawani ng barangay ay dapat maging miyembro ng SSS upang mapakinabangan ang mga kontribusyon na kanilang inihulog. (DPCN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)