SUMAILALIM sa pagkakapon at ligation ang 52 mga alagang hayop sa bayan ng Lubang kahapon, Oktubre 17, bilang bahagi ng anti-rabies campaign ng Provincial Veterinarian Office (PVET).
Ayon kay Dr. Kristoferson Gonzales, ang nasabing bilang ay unang batch pa lamang ng mga hayop na sumalang sa operasyon sa ilang araw nilang pananatili sa bayan. Bahagi aniya ito ng kanilang kampanya na naglalayong mapigilan ang pagdami ng mga aso at pusang gala sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Sa mga nakaraang panayam kay Dr. Gonzales ay naibahagi nito na maiuugnay ang mga kaso ng ‘dog bites’ sa bilang ng mga stray dogs o gumagalang mga aso.
Sinang-ayunan naman ito ni John Tryan Tria ng Provincial Health Office, may ilang kaso aniya na ang mga alagang hayop ang nakakakagat sa kanilang mga owners, subalit mas marami pa rin ang mga insidente na ang kumagat ay mga galang hayop. Ayon pa kay Tria, umabot na sa 5,892 animal bite cases ang naitala ng kanilang tanggapan para sa unang anim na buwan ng taon.
Paalala ng veterinarian sa mga pet owners na laging maging responsible at tiyaking maayos na nakatali o nakakulong ang kanilang mga alaga at bigyan ng anti-rabies vaccine ang mga ito kada taon. Ayon pa kay Dr. Gonzales, sakaling hindi kaya ng isang indibidwal ang mga responsibilidad ng pagkakaroon ng mga alagang hayop, mas mainam na isailalim ang mga ito sa castration o ligation program ng PVET.
Sa kabuuan, halos 500 mga alagang hayop ang isinailalim na sa castration and neutering program ng PVET ngayong taon. Ang karamihan sa bilang na ito ay naisakatuparan noong nakaraang Hunyo, sa ‘One Time, Big Time Plus Program’ na ginanap sa mga bayan ng Magsaysay, Rizal, Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao. Ang nasabing programa ay ang anti-rabies campaign ng Mimaropa Initiatives, na tumutukoy sa mga Beterinaryo sa rehiyon na naglalayong makamit ang pagiging rabies-free region.
Samantala, sa kasalukuyan ay nasa bayan ng Looc ang PVET at iba pang kasapi ng Mimaropa Initiatives upang doon ipagpatuloy ang kanilang anti-rabies campaign. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)