28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

LandBank naglunsad ng kauna-unahang ATM sa Polillo Island

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN lamang ay pinasinayaan ang kauna-unahang offsite na Automated Teller Machine o ATM sa Polillo, Quezon para sa pagpapalawig ng kaalamang pinansyal ng munisipalidad.

Sa pangunguna ni Polillo Mayor Angelique Bosque (ikalawa mula sa kanan) kasama ang mga opisyales ng LandBank na sina EVP Liduvino Geron (ikatlo mula sa kanan), SVP Althon Ferolino (ikaapat mula sa kanan), Infanta Branch Head Leonylyn Magbuhat (nasa dulong kaliwa), at Real Branch Head Elizabeth Jalotjot (nasa dulong kanan) matagumpay na nailunsad ang pagbubukas ng pangunahing offsite ATM sa isla ng Pollilo, Quezon.

Layunin ng LandBank na makapaghatid ng serbisyo sa mga empleyado ng pamahalaan at sa iba pang tumatangkilik ng kanilang ATM, kabilang na dito ang mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, upang hindi na kailangan pang bumiyahe ng mga tao patungong munisipalidad ng Real para lamang makapag-withdraw ng pera.

Ang naturang kaganapan ay dinaluhan sa pangunguna ng alkalde ng bayan na si Mayor Angelique Bosque kasama ang ibang opisyales ng Landbank gaya nina Executive Vice President Ludivino Geron, Senior Vice President Althon Ferolino, Assistant Vice President Ramil Remillano, Real Branch Head Elizabeth Jalotjot, at Head ng Infanta Branch na si Ginang Leonylyn Magbuhat noong ika-21 ng Setyembre 2023 sa Polillo Municipal Building.

“Nais palawigin ng LandBank ang pisikal na network nito sa buong bansa na nakatuon sa paghahatid ng serbisyo sa mga nangangailangan at mga komunidad na may kakulangan sa bangko. Mayroon na rin tayong nakuhang suporta sa ating mga lokal na kapartner na makapaglunsad ng ugnayan at makapagbigay ng maayos at agarang serbisyo sa pagbabangko,” saad ni Lynette Ortiz, presidente at CEO ng LandBank.

Noong ika-30 ng Hunyo 2023, kasama sa listahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Polillo bilang isa sa mga munisipalidad na may limitadong bilang ng bangko sa buong bansa.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa Landbank sa pagtupad sa matagal na naming hinahangad sa bayan ng Polillo. Ang ATM na ito ay tanda ng patuloy na paglago ng aming munisipalidad, at tiyak na magdudulot ng kaginhawaan sa aming mga empleyado at iba pang may ATM sa aming bayan,” pagbabahagi pa ni Mayor Bosque.

Inaasahan din na palalakasin nito ang mga aktibidad ng turismo sa isla ng Polillo, ngayong garantisado na ang mga bibisita sa bayan ay may malapit ng mapupuntahan sa pagwi-withdraw ng kanilang pera na makadaragdag sa pag-akit sa mga taong piliin ang kanilang lugar bilang pangunahing pasyalan.

Bilang pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng LandBank ngayong taon nais nitong panindigan ang kanilang dedikasyon na maghatid ng makabuluhang serbisyo sa pagbabangko sa buong bansa, na mapalaganap ito maging sa mga lugar na mahirap marating at makaabot sa kasulok sulukan ng Pilipinas na nangangailangan ng kanilang serbisyo.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -