27.2 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

World Mental Health Day ipinagdiwang sa Botolan

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGUNAHAN ng Department of Health (DoH) Central Luzon Center for Health and Development ang pagdiriwang ng World Mental Health Day sa Botolan, Zambales.

Layunin ng aktibidad na mapataas ang kamalayan patungkol sa depression at mental illness, at maitaguyod ang pangangailangan ng pagpapanatili ng good mental health sa komunidad.

Inilahad ni Provincial Health Office (PHO) Head Noel Bueno na base sa datos DoH, Zambales ang nangunguna sa may pinakamaraming naitalang kaso ng service user o may mga mental health condition sa Gitnang Luzon na aabot sa 809. Ito ay sinundan ng Bulacan na may 737 at Bataan na may 425.

Ang isinagawang pagdiriwang ng World Mental Health Day sa Botolan, Zambales. Layunin nito na itaguyod ang kahalagahan ng self-care sa mental health. (DOH CLCHD)

Bilang tugon ay nakipag-partner ang PHO sa Mariveles Mental Wellness and General Hospital upang malaman ng mga doktor kung paano pamahalaan ang kinakaharap na mga mental health issue ng mga Zambaleño.

Importante aniya ang pagsasanay sa mga doktor upang ma-recognize ang mga pasyente na mayroong mga mental health issue.

Bukod dito, hinihikayat rin niya ang mga punong bayan sa lalawigan na magkaroon ng mental health facility sa mga rural health unit upang hindi na kailangan dalhin pa sa ibang lugar ang mga pasyente.

Dagdag pa niya, isa rin sa kanilang hakbang ang pag-adopt sa Republic Act No. 11036 o Philippine Mental Health Act sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ordinansa patungkol sa kalusugang pangkaisipan, paglalaan ng mas maraming pondo para palawakin ang mga serbisyo sa kalusugang pangkaisipan, at patuloy na kampanya ng kamalayan sa publiko upang magkaroon ng maliwanag na polisiya at magkaroon ng mga gamot para sa mga nangangailangan nito.

Samantala, tinalakay sa idinaos na pagdiriwang sa Botolan ang Healthy Framework Strategy at Mental Health 101.

Nagkaroon din ng libreng gupit, masahe, yoga, zumba, at aroma therapy sa mga dumalo sa pagtitipon upang itaguyod ang kahalagahan ng self-care sa mental health.

Nasa 240 ang lumahok sa aktibidad na kinabibilangan ng mga medical staff, academe, barangay health workers, uniformed personnel, at mga kawani ng pamahalaan. (CLJD/RGP-PIA 3)

CAPTION

Ang isinagawang pagdiriwang ng World Mental Health Day sa Botolan, Zambales. Layunin nito na itaguyod ang kahalagahan ng self-care sa mental health. (DOH CLCHD)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -