32.6 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Saan ka sa financial life cycle?

- Advertisement -
- Advertisement -

MASAYA akong nagising sa Christmas song na tumutugtog sa ibaba ng bahay.  “Ilang tulog na lang ang masayang Pasko”, sabi ng kanta.

Bumaba ako na sumasabay sa himig ng kanta. At, wow, alas otso na ng umaga, may nakahiga sa sala na parang relax na relax. Si Juan pala yun.

Hoy, Juan, bakit nandyan ka pa? Di ka ba papasok?

Uncle, tinatamad ako. Kaya, dito lang muna ako sa bahay.

Wow, ganito ba ang mga kabataan ngayon? Pag naisipan, sige lang. Di nila naiisip na baka mabuwisit ang boss nila at tanggalin sila sa trabaho. Sa mundong ito, sa trabaho, walang forever. Pero ang bills at gastusin, forever yan!


Marami akong alam na gulatan na nagaganap ngayon sa trabaho. Papasok kang masaya, uuwi ka ng luhaan. Kasi mabibigla ka na lang sa email mo at sasabihing last day mo na kasi di ka na kayang pasuwelduhin ng kumpanya.

Juan, di ka ba natatakot na mawalan ng trabaho? May pera ka bang nakatabi kung sakaling matsugi ka? Ano, mangungutang ka?

Dito pumapasok kung gaano kahalaga ang magplano sa buhay. Lalo na sa financial na aspeto ng buhay natin.

Ang average life expectancy ngayon ay lumalampas na sa edad na 75. Ang compulsory retirement age ay 65. Ang average working life ay 35 years. Ibig sabihin kailangan mong kumita ng 100 porsiyento sa 50 porsiyento lang ng iyong kabuuang buhay. Paano kung biniyayaan kang mabuhay hanggang 100 years? Paano ka na?

- Advertisement -

Para matulungan kang magplano, alamin mo ang mga stages ng financial life natin. Bawa’t stage ay may kakaibang pangangailangan, ibang financial goals, ibang pangarap at aspiration. Lahat tayo’y dadaan sa bawa’t stage na ito. Kasama na dyan ang mga entrepreneurs na walang pagkakaiba sa ordinaryong nagtratrabaho.

Ang tanong ay ano ang dapat nating ginagawa sa bawa’t stage para tumanda tayo’t magretire na self-sufficient at may laman ang kaban natin hanggang kamatayan.

May limang stages ang ating financial life cycle at ang tawag ko dito’y IDOLO.

Unang stage, I- asa pa more. Ang edad mo dito ay 0-22. Lahat ng pinapanganak sa mundo ay nakasalalay sa tulong ng magulang o ibang tao. Mula grade school hanggang college, wala tayong bukang bibig kundi, “Nay, Tay, pahingi nga po.”

Pahingi ng pang-tuition, pambaon, pambili ng kung ano-ano. Wala kang kakayahang tumayo sa sarili mong paa. Maliban  na lang kung ikaw ay nagtrabaho habang nag-aaral.

Naalala ko nung ako’y bata pa, hindi ko lahat ginagastos ang baon ko sa school. Meron akong alkansya kung saan hinuhulog ko ang sobra kong baon. At pag mabigat bigat na, dadalhin na namin ng Nanay ko sa bangko at bibigyan nila ako ng cute na passbook.

- Advertisement -

Tama bang mag-save mula bata pa?

Sa bahay, unang matuto ang bata ng value ng saving. I-role model natin yan sa ating mga anak. Dyan ako nagsimula.

Pangalawang stage, D-ream job. Ang edad mo dito ay 22-30. Tapos ka na sa kolehio. Natanggap ka na sa trabaho. Mailiit pa ang suweldo mo. Pero may pumapasok na sa iyong ATM. Sapat lang para sa basic na pamumuhay. Yung iba’y nagkaroon ng utang habang nag-aaral at nagbabayad unti-unti. Yung iba nama’y nagkapamilya nang maaga at nagungutang na rin para sa bahay at sa iba pang bagay.

Marami rin sa stage na ito na parang nalulunod sa biglang pagkakaroon ng sariling pera  at ang laging katuwiran sa paggastos ay “deserve ko ito” at “yolo- you only live once.” Tama ba yan?

Dapat ay may konting vision ka na sa anong gusto mong mangyari sa buhay mo. Ito ang pinakatamang panahon para magipon at kung kaya pa’y maginvest sa mga oportunidad na meron. Mahirap man pero dapat seryosohin ang “living below, not within, your means”.

Pangatlong stage, O-k na career at family. Ang edad mo dito ay 31-45. Tumataas na ang suweldo mo dito. Hindi na masyado ang focus sa kinikita lang o cash flow. May sobrang pera ka na’t lampas na para sa basic na pamumuhay.

Pero tumaas na rin ang gastos mo’t lumalaki ang pamilya mo. Nag-papaaral ka, nagbabayad ka ng mortgage sa bahay at sasakyan mo, nagbiyabiyahe kayo paminsan-minsan at tumutulong ka sa magulang nyo.

Mas kailangan mo ng masinsinang financial planning dito.

Paano kung nagkasakit o namatay ka, hindi pa tapos ang mga anak mo? Dapat bang mag-invest sa lupa, condo, alahas, stocks, o sa negosyo? Paano mag-ipon para makapag-aral ang mga anak mo sa magaling at mahal na kolehiyo? Paano kung may nagkasakit na malubha sa pamilya nyo? Paano kung bigla kang mawalan ng trabaho?

Pang-apat na stage, L- apit na sa retirement. Ang edad mo dito ay 45-60. Dito’y amoy na amoy mo na ang retirement mo. Established na talaga ang career mo. Mas mataas na ang suweldo mo sa gastusin mo. Maaaring baka tapos na rin ang mga anak mo at umalis na rin sa poder mo.

Titingnan mo na kung gaano na kalaki ang naipon mo, ang katayuan ng investments mo, ang kalagayan ng mga inutang mo, ang paghahanda mo sa kung ano man ang magiging retirement income mo.

Ang goal mo ay masigurado na pag nag-retire ka, meron kang aasahan na huhugutin sa pang-gastos mo lalo na kung wala ka ng income sa trabaho.

Ang panglima’t huling stage, O-n my own. Ang edad mo ay 61 at pataas. Retired ka na at wala ka ng income mula sa iyong trabaho.

Golden years mo na at gusto mo na ring ienjoy ang buhay mo pagkatapos mong magtrabaho ng mahabang panahon. Financial freedom at security ang goals mo.

Wala ka na bang utang? Ano ang sapat na meron ka para mabuhay sa standard na gusto mo? Dapat bang may matira sa naitayo mong kaban o kaya naman para ipamahagi sa pamilya mo? Kung sobra, paano mo ididistribute sa pamilya mo ang kaban mo ng maayos at tahimik bago ka mawala sa mundo.

Juan, Juan, tinulugan mo na yata ako.

Malayo ka pa sa pagiging Idolo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -