31.8 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Pagkuha ng Attendance

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

LUMIPAD ako sa London ilang linggo ang nakaraan. Isusulat ko ang Wimbledon, ang pinakasikat na kumpetisyon sa tennis sa buong mundo at isa sa mga events na pinupuntahan ko kung saan hindi nagbo-boo ang mga tao at walang lasing sa parking lot.

Mainit at maulap ang England, at naglalakad ako sa mapunong daanan malapit sa mga korte ng tennis tuwing umaga, dinaraanan ang mga teen-ager na nakapila para sa mga natirang tiket at mga tinderong nag-aalok ng strawberries at cream. Sa labas ng tarangkaha’y may tindahan ng kalahating-dosenang makukulay ng mga tabloid, ipinakikita ang mga litrato ng mga babaeng nakahubad ang pang-itaas, mga nakaw na litrato ng mga miyembro ng mga dugong bughaw, horoscopes, sports, lotto, at kakaunting totoong balita. Ang pinaka-headline nila sa araw na iyon ay nakasulat sa chalk sa isang maliit na karatulang nakasandal sa isang bunton ng mga papel, at kadalasa’y ganito ang nakasulat: Diana in row with Charles!  O kaya nama’y Gazza to Team: Give me millions!

Pinuputakti ng mga tao ang mga tabloid na ito, ninanamnam ang mga tsismis, at ginawa ko rin ito sa aking unang pagbisita sa England. Pero ngayon, sa kung anong dahilan, naaalala ko si Morrie kapag may nababasa akong mababaw o hindi pinag-isipan. Paulit-ulit ko siyang naiisip, sa kanyang bahay na may punong Japanese maple at kahoy na mga sahig, binibilang ang kanyang hininga, pinipiga ang bawat segundong kasama ang kanyang mga minamahal, habang nagsasayang ako ng oras sa mga bagay na wala namang personal na kinalaman sa akin: mga artista sa pelikula, supermodels, ang pinakahuling isyu tungkol kay Princess Di o Madonna o John F. Kennedy Jr.

Sa kakatwang paraan, naiinggit ako sa kalidad ng oras ni Morrie habang nalulungkot ako sa kokonti na lamang nitong bilang. Bakit nga ba tayo nag-uukol ng oras sa mga bagay na ito? Nang kasagsagan ng paghuhukom kay O.J. Simpson, may mga taong ibinigay ang kanilang buong oras para sa tanghalian sa panonood nito, at pagkatapos ay nag-tape ng hindi nila napanood para panoorin ito sa gabi. Hindi naman nila kilala si O.J. Simpson. Hindi rin nila kilala ang mga taong may kinalaman sa kaso. Pero ibinigay nila ang mga araw at linggo ng kanilang mga buhay, naging adik sa drama ng buhay ng ibang tao.


Si Morrie, na totoo sa kanyang salita, ay nag-develop ng sarili niyang kultura—ginawa niya ito matagal na matagal na, bago pa siya magkasakit. Mayroon siyang mga discussion group, naglakad siya kasama ang mga kaibigan, nagsayaw sa sarili niyang musika sa Harvard Square church.

Nagsimula siya ng isang proyektong tinawag niyang Greenhouse, kung saan nabigyan ang mga mahihirap ng serbisyo para sa kanilang mental health. Nagbasa siya ng mga libro para makahanap ng mga bagong ideya para sa kanyang mga klase, dinalaw niya ang kanyang mga kaibigan, sinulatan ang mga dating estudyante, sumulat din sa mga kaibigang nasa malalayong lugar. Pinagtuunan niya ng oras ang pagkain at pagtingin sa kalikasan and hindi siya nagsayang ng oras sa panonood ng mga sitcom sa telebisyon o “Movies of the Week.” Tumutuok siya sa mga gawaing pagpapakatao—kumbersasyon, interaksyon, pagmamahal—at pinuno nito ang kanyang buhay na parang isang umaapaw na mangkok ng sopas.

Gumawa rin ako ng sarili kong kultura. Trabaho. Mayroon akong apat o limang trabaho sa media sa England, nilalaro ang mga ito na para akong isang payaso. Nagtrabaho ako ng walong oras sa harap ng isang computer, ipinadadala ang aking mga istorya sa Amerika. At gumawa rin ako ng mga istorya para sa telebisyon, nagbibiyahe kasama ang aking crew sa iba’t ibang bahagi ng London. Nagpadala rin ako sa pamamagitan ng telepono ng mga report sa radyo tuwing umaga at hapon. Hindi ito abnormal na trabaho. Sa pagdaan ng mga taon, tinanggap ko na ang trabaho bilang aking kasama, at itinabi ko ang lahat ng iba pa.

Sa Wimbledon, kumain ako sa aking maliit na cubicle kung saan ako nagtratrabaho, at hindi ko man lang ito inalintana. May isa ngang baliw na araw nang hinahabol ng maraming mga reporter sina Andre Agassi at ang kanyang kilalang girlfriend, si Brooke Shields, at naitulak ako papunta sa sahig ng isang litratistang British na halos hindi man lang nag-“Sorry” sa akin bago alumpihit muling umalis, nakasabit sa leeg ang kanyang malaking lenses na metal.

- Advertisement -

Naisip ko ang isang bagay na sinabi sa akin ni Morrie: “Maraming mga taong nabubuhay ng mga buhay na walang laman. Ang kalahati nila’y tulog, kahit na marami silang ginagawa na sa tingin nila’y mahalaga. Ito’y dahil mali ang kanilang hinahabol. Magkakaroon lamang ng halaga ang iyong buhay kung iaaalay mo ito sa pagmamahal sa ibang tao, sa komunidad na nakapaligid sa iyo, at sa isang bagay na magbibigay sa iyo ng direksyon at halaga.”

Alam kong tama siya.

Pero wala akong ginawa tungkol dito.

Pagkatapos ng tournament—at matapos din ang di-mabilang na mga tasa ng kape na ininom ko para makaraos dito—isinara ko ang aking computer, nilinisan ang aking cubicle, at bumalik na sa aking apartment para mag-impake. Pero huli na. Blangko na lang ang laman ng telebisyon.

Lumipad ako papuntang Detroit, dumating ng bandang hapon na, kinaladkad ang sarili pauwi sa aking bahay at natulog. Nagising ako sa isang nakagugulat na balita: nag strike ang union ng aking diyaryo. Isinara ang aming opisina. May mga nagpi-piket sa harapan nito at may mga nagma-martsa paakyat at pababa sa kalye. Bilang miyembro ng union, wala akong mapagpipilian: bigla na lamang, at sa unang pagkakataon sa aking buhay, ay wala akong trabaho, walang regular na suweldo, at kalaban ko ang aking mga amo. Tinawagan ako sa bahay ng mga lider ng union at binalaan ako na huwag makipag-usap sa aking mga dating editor, na karamiha’y mga kaibigan ko, at sinabihan akong dapat kong ibaba ang telepono kung sakaling tawagan nila ako para ipakiusap ang kanilang kaso.

“Lalaban tayo hanggang manalo tayo!” sabi ng mga lider ng union, nagsasalitang parang mga sundalo.

- Advertisement -

Naguluhan ako at nalungkot. Kahit maganda naman ang pasuweldo sa akin sa radyo at telebisyon, ang diyaryo ang aking buhay, ang aking oxygen: kapag nababasa ko ang aking mga artikulo tuwing umaga, alam ko na, kahit dito man lamang, ay nabubuhay ako.

Pero ngayon ay wala na ito. At habang nagpapatuloy ang strike—unang araw, pangalawang araw, pangatlong araw—may mga tawag sa teleponong puno ng pag-aaala at mga tsismis na maaaring tumagal ito ng ilang buwan. Biglang nabaligtad lahat ng alam ko. Gabi-gabi’y may mga events sa sports na dapat ay isinulat ko, pero napanood ko na lang sila sa telebisyon. Nasanay na ako sa pag-iisip na kailangan ng mga mambabasa ang aking mga kolum. Nagulat na lang ako na nagpatuloy ang mga bagay-bagay kahit wala na ako.

Matapos ang isang linggo ng ganitong mga pangyayari, kinuha ko ang telepono at nag-dial sa numero ni Morrie. Inilapit ni Connie sa kanya ang telepono.

“Pupunta ka para dalawin ako,” sabi ni Morrie, hindi bilang isang tanong kundi bilang isang pangungusap.

“Well. Puwede ba?”

“Puwede ka ba sa Martes?”

“Okay ang Martes,” sabi ko. “Tamang-tama lang ang Martes.”

***

Sa aking ikalawang taon sa kolehiyo, kumuha pa ako ng dalawa sa kanyang mga kurso. Nagkikita kami hindi lamang sa klasrum, para makapag-usap. Hindi ko pa ito ginawa sa isang mas matanda sa akin na hindi ko kamag-anak, pero kumportable akong gawin ito kay Morrie, at kumportable rin siya sa pagbibigay sa akin ng kanyang oras.

“Saan tayo pupunta ngayon?” masaya niyang tanong kapag papasok na ako sa kanyang opisina.

Nang dumating ang tagsibol, umupo kami sa ilalim ng isang puno sa labas ng Sociology Building, at nang taglamig na, umupo kaming magkaharap sa kanyang desk, ako sa aking abuhing sweatshirts at sapatos na Adidas, si Morrie sa kanyang sapatos na Rockport at pantalong korduroy.

Tuwing mag-uusap kami, pinakikinggan lang niya akong magsalita nang kung anu-ano, at pagkatapos ay bibigyan niya ako ng isang leksyon mula sa buhay. Binalaan niya ako na hindi pera ang pinakamahalagang bagay, kontra sa popular na paningin sa kampus. Sinabi niya na kailangan kung “totoong magpakatao.”

Sinabi niya sa akin ang alienasyon ng mga kabataan at ang pangangailangan na makibahagi sa lipunang nakapaligid sa akin. Ang iba sa mga sinasabi niya’y naiintidihan ko, ang iba nama’y hindi. Wala namang diperensiya. Binigyan ako ng mga diskusyon namin ng pagkakataong kausapin ko siya, kumbersasyong parang kausap ko ang aking tatay, mga kumbersasyong hindi naman mangyayari sa amin dahil gusto ng tatay ko na maging abogado ako.

Kinamumuhian ni Morrie ang mga abogado.

“Ano ang gusto mong gawin pagkatapos ng kolehiyo?” tanong niya.

“Gusto kong maging musikero,” sagot ko. “Tumugtog ng piano.”

“Maganda ‘yan,” sabi niya. “Pero mahirap ang buhay na ‘yan.”

Oo nga.

“Maraming mga pating.”

“‘Yan nga po ang dinig ko.”

“Pero,” sabi niya, “kung gusto mo talaga ‘yan, gagawin mo ang lahat para matupad ang iyong pangarap.”

Gusto ko siyang yakapin, pasalamatan siya dahil sa kanyang sinabi, pero hindi ako ganoon ka-bukas. Sa halip ay tumango lang ako.

“Palagay ko’y tumutugtog ka ng piano na maraming pep,” sabi niya.

Tumawa ako. ”Pep?”

Tumawa rin siya. “Pep. Ano ang nangyayari? Hindi na ba ninyo ginagamit ngayon ang salitang ‘yan? Ang ibig sabihin niyan ay tumutugtog ka nang buhay na buhay.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -