NAGSAGAWA ang 4th Infantry (Scorpion) Battalion (4IB) ng Philippine Army kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ng pulong-pulong sa bayan ng Mansalay sa mga mamamayan ng Brgy. Balugo at Brgy. Panaytayan noong Oktubre 3.
Nasa 150 residente ng nasabing mga barangay ang dumalo upang pakinggan ang paalala ng mga sundalo para hindi na sila malinlang na sumapi sa mga rebeldeng grupo na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Tinalakay ni 4IB Battalion Executive Officer Major Dennis Manalo ng Philippine Army ang tungkol sa RA 11470 o Anti-Terrorism Act of 2020 kung saan sinabi niya ang mga parusa sa mga mahuhuling sumusuporta sa teroristang CPP-NPA-NDF, gayundin ang tungkol sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para naman sa mga rebelde na nais magbalik-loob sa pamahalaan, gayundin ang mga benepisyo na maaaring matanggap mula sa pamahalaan sa kanilang pagbabagong buhay.
Nakiisa din si Eden Cenon ng NCIP at malinaw na tinalakay ang tungkol sa Indigenous People’s Rights Act (IPRA) Law of 1997 bilang Republic Act No. 8371 na siyang kumikilala at nagpapahayag ng mga karapatan at kultura ng komunidad ng mga katutubo sa Pilipinas.
Samantala, nanawagan naman si Philippine Army Lieutenant Colonel Antonio Yago, Battalion Commander at pinuno ng 4IB sa mga rebelde na nais sumuko ng mapayapa na bukas ang kanilang himpilan at sila ay malugod na sasalubungin at yayakapin para sa mga susunod na panahon ay makapiling na nila ang kanilang mga mahal sa buhay. (DPCN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)