UMAPELA ng pang-unawa ang Philippine Statistics Authority-Cordillera (PSA-CAR) lalo na sa mga hindi pa nakakakuha ng kanilang Philippine Identification System (PhilSys) ID cards.
Ayon kay PSA-CAR Information Officer Rick Jason Aquino, habang hinihintay ang physical ID cards ay maaaring kumuha ng electronic o ePhilID.
“Let’s patiently wait and make use of the ePhilID po muna. Mayroon na po tayong same-day issuance of ePhilID,” si Aquino.
Aniya, ang mga nais kumuha ng ePhilID ay maaaring bumisita sa PSA-CAR o sa PSA Benguet. Maaari rin itong i-download online. Ito ang magsisilbing temporary national ID habang hinihintay ang pagdeliber sa physical PhilSys ID.
Maaari rin aniya na gamitin ito sa pakikipagtransaksyon sa anumang tanggapan, pribado man o pampublikong institusyon.
Ang mga opisina na hindi tatanggap sa ePhilID ay maaaring i-report sa PSA.
“If ever lang na hindi siya tinanggap, you may always call, e-mail or approach PSA CAR or PSA Benguet so that we will be able to remind or file a report for not accommodating po ‘yung ating mga ePhilID,” ani Aquino.
Ibinahagi ni Aquino na batay sa kanilang datos as of August 2023, nasa 587,384 na PhilSys ID cards ang naideliber dito sa rehiyon mula noong May 2021 habang 979,492 na ePhilID ang naibigay as of September 23, 2023 mula noong October 2022.
Sinabi ni Aquino na patuloy naman ang kanilang pagpaparehistro para sa national ID, magtungo lamang sa kanilang tanggapan. Ang mga limang taong gulang pataas ay maaaring magrehistro para sa PhilSys ID. (DEG-PIA CAR)