BAGAMA’T binabalak ng gobyerno na pondohan ang assessment at certification ng mga mag-aaral sa senior high school na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, nababahala si Senador Win Gatchalian na mananatiling hamon sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) ang kakulangan ng mga kwalipikadong assessors.
Sa isinagawang pagdinig sa panukalang pondo ng Tesda para sa 2024, binigyang diin ni Gatchalian ang balak ng Senado na maglaan ng P1.5 bilyon para sa assessment at certification ng 470,000 na mag-aaral sa senior high school na kumukuha ng TVL track.
Matatandaan na noong School Year 2020-2021, may 473,911 na graduate ng senior high school ang kumuha ng TVL track at 32,965 dito ang kumuha ng national certification. Lumalabas na sa mga kumuha ng national certification, 31,993 o 97.1% ang pumasa, ngunit nananatili sa 6.8% ang overall certification rate para sa naturang school year. Dati nang ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na ang gastos sa assessment ang nagiging balakid sa mga mag-aaral na kumuha ng TVL track.
“Kahit na may pondo tayo sa assessment, kulang naman tayo sa assessors. Kaya masasayang lang ‘yung pondo. Kung may 470,000 tayong mag-aaral sa senior high school na kumukuha ng tech-voc at pagsisikapan nating maabot ang 10 is to 1 ratio, kakailanganin natin ng 47,000 assessors. Pero ang balak lang nating idagdag ay 11,000 lang,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng Tesda.
Batay sa Tesda Certification Office, lumalabas na meron lamang 7,551 accredited competency assessors sa buong bansa.
“Kailangang simulan natin ang proseso ng pagkuha ng mga assessor para sa 470,000 na mag-aaral sa senior high school. Naglaan na tayo ng pondo. Tungkulin na ng Tesda na kumuha ng assessors,” ani Gatchalian.
Ipinanukala ni Tesda Director General Suharto Mangudadatu na sanayin ang mga DepEd district supervisors bilang assessors. Ngunit ayon kay Gatchalian, masyado nang abala ang mga DepEd supervisors sa kasalukuyan nilang mga gawain.