HINIMOK ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga kasambahay na makipag-ugnayan sa DoLE Hotline 1349 para sa agarang aksyon sa kanilang mga katanungan o problema na may kaugnayan sa kanilang trabaho.
Nagbibigay ang DoLE Call Center ng mabilis na suporta at agarang aksyon, bilang isa sa mga frontline service ng kagawaran, sa mga usapin na may kaugnayan sa kapakanan ng manggagawang Pilipino, partikular sa mga katanungan ng mga manggagawa ukol sa seguridad, kompensasyon o benepisyo, at mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, bukod sa iba pa.
Libo-libong tawag ang karaniwang pinangangasiwaan ng DoLE Hotline, kabilang na ang mga tawag mula sa mga manggagawa at kasambahay.
Mula noong nakaraang taon hanggang Hunyo ng taong ito, nakatanggap ang Hotline 1349 ng 285 na tawag mula sa mga kasambahay na humingi ng tulong dahil sa pagmamaltrato at hindi pagbabayad ng mga suweldo o benepisyo, at mga katanungan tungkol sa mga partikular na probisyon sa Batas Kasambahay.
Itinatakda ng Batas Kasambahay ang mga karapatan at pananagutan ng mga kasambahay at ng kani-kanilang employer.
Patuloy na nagpupunyagi ang DoLE Call Center sa layunin ng kagawaran na makapagbigay ng agarang tulong sa mga manggagawa at mabilis na pagtugon sa mga reklamo o usapin na may kinalaman sa kanilang trabaho.
Mula sa dedikasyon ng mga kawani ng DoLE hotline – na karamihan sa kanila ay nagmula sa iba’t ibang bureau ng kagawaran at sa tanggapan ng National Capital Region, nilalayon ng DoLE na makapagbigay sa mga manggagawa ng mahusay na serbisyo-publiko gamit ang epektibong mekanismo ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa paggawa at trabaho.
Maaaring tumawag 24/7 o anumang oras sa DoLE Hotline 1349 para sa mga katanungan na may kaugnayan sa oportunidad sa trabaho, karapatan at benepisyo ng mga manggagawa, relasyon sa paggawa, child labor, pangakalahatang pamantayan sa paggawa, pati na rin ang kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa, bukod sa iba pa.