NAGBAHAGI ng tulong pinansyal at iba pang kaluwagan ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa 149 registered micro rice retailers ng lungsod.
Ito ang tugon ng lokal na pamahalaan sa kasalukuyang pagsubok na kinakaharap ng mga micro rice retailers matapos gawing epektibo ng pambansang pamahalaan ang itakda nitong price ceilings o price cap sa regular at well-milled rice sa buong bansa.
Sa harap ng mga micro rice retailers, nilagdaan at pinagtibay noong Setyembre 14 ni Mayor Marcy Teodoro ang mga sumusunod na ordinansa: Ordinance No. 68, Series of 2023 – Ordinance granting relief on rental payments to rice retailers at the Marikina Public Market in the City of Marikina (Ordinansa na nagbibigay ng kaluwagan sa pagbabayad ng upa sa mga nagtitingi ng bigas sa Marikina Public Market sa Lungsod ng Marikina); Ordinance No. 69 Series of 2023 – Ordinance granting relief on business tax payment to rice retailers in the City of Marikina; (Ordinansa na nagbibigay ng kaluwagan sa pagbabayad ng buwis sa negosyo sa mga nagtitingi ng bigas sa Lungsod ng Marikina); at Ordinance No. 70, Series of 2023 – Ordinance Granting Cash Assistance to Rice Retailers in the City of Marikina (Ordinansa sa Pagbibigay ng Tulong na Pera sa mga Nagtitingi ng Bigas sa Lungsod ng Marikina).
Kasabay ng pamamahagi ng cash assistance bilang immediate financial relief ay ibinahagi rin ng alkalde ang nilalaman ng Ordinansa 68, Serye ng 2023 kung saan nakasaad na hindi pagbabayarin ng renta o upa ang mga micro rice retailers sa Marikina Public Market sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre ng taong 2023.
Ipinaliwanag din ni Marcy ang ayon sa Ordinansa 69, Serye ng 2023, ang mga eligible rice retailers sa Lungsod ng Marikina ay hindi pagbabayarin ng business tax sa ikatlo at ikaapat na bahagi (3rd and 4th quarters) ng taong 2023 kung kailan epektibo ang price cap. Samantala, ang mga nauna nang nagbayad ng business tax para sa nasabing panahon ay pagkakalooban ng tax credit.
Naging akmang pagkakataon din ang aktibidad upang makausap at makuha ng mayor ang saloobin ng mga micro rice retailers hinggil sa umiiral na price cap. Pinasalamatan din niya ang mga ito sa pagsunod sa panuntunan.
“Mapalad tayo sa Marikina dahil ang ating mga retailers ay maayos, may disiplina, at sumusunod sa panuntunan. Ganoon pa man, sa kanilang pagsunod sa panuntunan, marami sa kanila ang nakakaranas ng pagkalugi kaya tayo ay kumonsulta sa ating Sangguniang Panlungsod upang makapagbigay ng tulong habang umiiral ang panuntunang ito,” wika ni Mayor Marcy.
Naging bahagi rin ng okasyon sina Vice Mayor Marion Andres at ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Business Permits and Licensing Office Chief Atty. Nancy Teylan, City Treasurer Nerissa San Miguel, at Marikina Public Market Administrator Dr. Ramonito Viliran.