26.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 20, 2024

DoLE hinikayat pagpapatupad ng cancer prevention, control sa mga lugar-paggawa

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG matugunan ang insidente ng cancer sa mga lugar-paggawa, naglabas ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng labor advisory na nagbibigay ng panlahatang gabay sa mga employer at empleyado ng pribadong sektor – mula sa pag-iwas hanggang sa pagpapagamot, referral, pati na rin ang mga advisable work arrangement para sa mga empleyadong na diagnose na may kanser.

Inilabas ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 20, Series of 2023 noong Setyembre 15, kung saan inaatasan ang mga employer at empleyado ng pribadong sektor na magpatupad ng mga patakaran ukol sa kalusugan at kaligtasan sa pamamagitan ng Cancer Prevention and Control in the Workplace Policy and Program.

Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagtugon sa sakit na kanser sa lugar-paggawa, sinabi ni Secretary Laguesma na “parehong responsibilidad ng employer at kanilang mga empleyado ang pagtitiyak na epektibong naipatutupad ang mga patakaran at programa sa pag-iwas at pagkontrol sa sakit na kanser sa lugar-paggawa.”

Kailangang isama ang Cancer Prevention and Control in the Workplace Policy and Program sa pagtataguyod ng isang ligtas at malusog na pamumuhay; pag-update sa umiiral na Cancer Policy and Program, batay sa impormasyong nakalap mula sa medikal na pagsubaybay at pagsusuri ng mga empleyado; pagsasagawa ng awareness campaign at pagbibigay ng edukasyon at impormasyon sa kalusugan; at pagpapatupad ng mga naaangkop na pamaaraan upang maiwasan ang exposure ng mga empleyado sa mga kemikal na nagiging sanhi ng kanser, proseso at kondisyon ng trabaho.

Dapat din magpatupad ng mga hakbangin para maiwasan ang stigma at diskriminasyon laban sa mga empleyadong may kanser; pangangasiwa sa referral mechanism para sa screening, diagnosis, at pagpapagamot; at mga panukala hinggil sa reintegration para sa mga empleyadong may sakit na cancer.

Ang patakaran at programa sa lugar-paggawa ay dapat na naglalaman din ng employee-centric program variable monitoring, kasama ang bilang ng mga empleyado na sumailalim sa cancer prevention at control measure, tulad ng pap smear at digital rectal examination; at ang mga empleyadong tinutulungan para sa pagpapagamot sa sakit na may kaugnayan sa kanser.

Dapat ding isama ang mga impormasyon tungkol sa pinalawak na mga benepisyo at ang pamamaraan ng pagbibigay ng kompensasyon sa empleyadong nagkasakit, napinsala, o nasawi na may kaugnayan sa kanilang pagtatrabaho sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC).

Bukod sa cancer prevention, nakasaad din sa labor advisory ang mga gabay sa pangangalaga ng kalusugan at mga kaugnay na serbisyo na maaaring magamit ng mga empleyado.

Inaatasan ng Labor Advisory ang mga employer na isangguni ang kanilang mga empleyado na nagnanais na masuri para sa sakit na cancer sa iba’t ibang pasilidad ng Department of Health (DoH)-retained hospital para sa konsultasyon, diagnosis, medisina, at pagpapagamot.

Ang mga empleyadong nasuri na may cancer ay maaaring makatanggap ng cancer medicine at cancer assistance funds sa pamamagitan ng DoH access sites. Maaari din silang mag-avail ng PhilHealth Z packages para sa mga partikular na uri ng cancer.

Bilang karagdagan, maaaring humingi ang mga empleyado ng tulong-medikal o pinansyal sa pamamagitan ng Philippine Cancer Society, Philippine Society of Medical Oncology, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Malasakit Center.

Sa pamamagitan ng advisory, hinikayat din ng DoLE ang mga employer na bigyan ang mga empleyadong may cancer ng paid leave benefits bukod pa sa umiiral na leave benefits sa ilalim ng company policy, collective bargaining agreement, Labor Code of the Philippines, at mga natatanging batas.

Hinihikayat din ang mga employer na payagan ang flexible work arrangement, re-scheduling of work hours, at pagpapatupad ng iba pang work arrangement, kabilang ang telecommuting para sa mga empleyadong may cancer.

Sa parehong advisory, pinaalalahanan ng Kagawaran ang mga empleyadong may cancer na maaari silang mag-apply ng persons with disabilities identification card mula sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan para makatanggap ng iba pang benepisyo para sa mga PWD.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -