UPANG matiyak ang epektibong pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) programs sa bansa, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paglikha at pagpuno ng mas maraming plantilla positions sa ilalim ng ECCD Council.
Sa kasalukuyan, meron lamang 15 plantilla positions na napunan sa ilalim ng ECCD Council. Para kay Gatchalian, sagabal ang kakulangan ng plantilla positions para sa epektibong pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa ng ECCD.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10410 o ng Early Years Act of 2013, mandato ng ECCD Council ang pagpapatupad sa National ECCD System na sinasaklaw ang mga programa para sa kalusugan, nutrisyon, maagang edukasyon, at social services development ng mga bata na may edad na hanggang apat na taon.
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) at ng mga attached agencies nito para sa taong 2024, binigyang diin ng chairman ng Senate Committee on Basic Education na kailangan ng ECCD Council ng sapat na bilang ng mga kawani.
“Kailangan nating dagdagan ang mga plantilla positions para mapabilis ang ugnayan natin sa mga local government units. Kung kulang ang ating mga kawani, hindi natin mapapakilos ang ating mga local government units upang mapatatag ang ECCD sa bansa, maabot ang universal coverage, at matiyak ang pagkakaroon ng dekalidad na child development teachers at workers,” ani Gatchalian.
Paliwanag ng mambabatas, tungkulin na ng mga LGU ang pagpapatupad ng mga programa ng ECCD.
Iminungkahi rin ni Gatchalian na ilaan ang ibang pondo ng ECCD Council para sa paglika ng plantilla positions. Bagama’t hindi mandato ng ECCD Council ang pagpapatayo ng National Child Development Centers (NCDCs) sa ilalim ng Early Years Act of 2013, may P170 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng ECCD Council. Panukala ng senador, maaaring gamitin ang pondong ito upang lumikha ng mga plantilla positions para sa ECCD Council.
Mandato rin ng ECCD Council na bumuo ng isang pambansang sistema para sa early identification, screening, at surveillance ng mga bata na may edad na hanggang apat na taon.
Inihain ni Gatchalian ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) upang patatagin ang ECCD sa bansa. Layunin ng panukalang batas na tiyakin ang ugnayang sa pagitan ng basic education curriculum at ECCD curriculum. Isinsulong din ng panukalang batas ang mas malawak na responsibilidad para sa mga local government units sa pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang probisyon ng dagdag na pondo at mga pasilidad.