26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Gawing kanlungan ang mga aklatan

- Advertisement -
- Advertisement -

NITONG katatapos na Manila International Book Fair sa SMX Mall of Asia, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang mga librarians na kabilang sa Philippine Association of School Librarians, Inc (PASLI). Naanyayahan akong maging ‘inducting officer’ sa mga nahalal na opisyal ng naturang samahan. Kasabay nito ay nagdaos ng isang forum ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY) tungkol sa kahalagahan ng mga aklatan bilang santuwaryo (a sanctuary), kanlungan (a refuge), o isang lugar na ligtas sa panganib (a safe space).

Pawang mga librarians din ang tatlong naging tagapagsalita sa sesyong ito kung saan ay nagbahagi sila ng kani-kanilang ‘best practices’ sa mga laybraring kinabibilangan nila: si Zarah Gagatiga, isang teacher-librarian ng Beacon Academy sa Laguna; si  Alistair Troy Lacsamana ng Quezon City Public Library at mas kilala bilang si ‘Kapitan Basa’ (ang storyteller na nakasuot ng isang superhero costume); at si Brian Alger Coballes ng Ateneo de Manila Junior High School.

Ang kanlungan, ayon kay Lacsamana, ay isang lugar na “makikita kahit saan, may koneksyon sa sarili at sa ibang tao, at nagbibigay ng magaan o magandang pakiramdam.” At dahil ang aklatan ay karaniwang maluwag, kumportable, at ligtas sa panganib, maaari ngang maging kanlungan ang aklatan. Ang tinutukoy na safe spaces ay maaaring mga pisikal na lokasyon (gaya ng community centers, support groups, at mga itinakdang lugar sa isang institusyon) at mga virtual platforms din gaya ng mga online forum, social media groups, o chat room.

“A safe space refers to a physical or virtual environment where individuals feel comfortable, respected, and free from discrimination, judgment, or harm. It is a place where people, particularly those who belong to marginalized groups, can express themselves, share their experiences, and engage in open discussion without fear of being criticized, attacked, or invalidated.”

“Nais naming maging kanlungan ng isang bata, ng isang mag-aaral, ang aming mga aklatan,” gayon ang sabi ni Zarah Gagatiga, na bukod sa pagiging librarian ay isa ring manunulat ng aklat pambata. “Hangad namin na ang ating mga kasamahang librarians ay magkaroon ng aktibong papel sa pagsusulong ng iba’t ibang klase ng aklat sa mga mag-aaral, o di kaya’y sa diskusyon ng mga naturang klase ng aklat sa mga book clubs at reading groups; gayon din sa pagbibigay ng gabay o resources sakaling maghanap ng ‘diverse literature outside of the library” ang mga estudyante.


Hinamon din ni Gagatiga ang mga kapwa niya librarian na maki-collaborate sa mga guro ng kani-kanilang eskuwelahan upang mai-align nila ang koleksyon nila ng mga aklat sa ginagamit na kurikulum, at tiyakin na maisasama ito sa lesson plan ng mga guro sa iba’t ibang subject areas. Mahalagang may maayos na koneksyon ang ‘diverse books’ at ang ‘mga paksa sa classroom’ at magiging posible lang ito kung maayos ang ugnayan ng guro at librarian.

Malaking hamon ito sa mga librarians. Tinatawagan silang lumabas mula sa pinamamahalaan nilang aklatan at maging engaged sa eskuwelahan o sa kinabibilangang komunidad.  Panawagan din nila na laging mag-update ang mga librarians ng iba’t ibang kasanayan, lalo na sa nagbabagong digital environment, upang maka-adjust sa mga hamon ng panahon.

Nasa batas na rin ang paglalaan ng safe spaces para sa mga bata (Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act). “Ang mga aklatan mismo, sa eskuwelahan man o sa komunidad, ay maaaring maituring na isang lugar na kanlungan. Kaya hinihikayat namin ang mga kapwa librarians na makibahagi sa kampanya naming AKLATAN KO’Y KANLUNGAN (AKK),” pagbabahagi pa ni Gagatiga.

“Isang movement ang programang ‘Aklatan Ko’y Kanlungan’ kasi’y gusto naming makita na ang lahat ng aklatan sa buong bansa, maliit man o malaki, ay mga safe spaces. Mangyayari lamang ito kung ang bawat librarian ay magiging dynamic sa pagpapatupad nito,” bahagi naman ni Coballes. Nais din nilang makitang diverse at inclusive ang selection ng mga aklat na bibilhin ng mga school librarians para sa pinaglilingkurang paaralan. Ang mga librarians kasi ang may katungkulang bumili ng mga aklat.

- Advertisement -

Ayon pa kay Lacsamana, ang tinutukoy ding kanlungan ay ang iba’t ibang libro (mga diverse books). Ito ang mga aklat na madali tayong makaka-relate, mga aklat na sumasalamin sa kasaysayan, at mga aklat na binabago (o nata-transform) ang bumabasa.

Ibinahagi ni Brian Coballes na sa Ateneo De Manila Junior High School, kung saan siya naglilingkod na librarian, ay may koleksyon na sila ng mga aklat tungkol sa isyung LGBTQ. Naglagay na rin sila ng mga babasahing komiks (graphic literature) at manga (Japanese komiks; kung bigkasi’y mang-ga). Binago na rin daw nila ang taas ng mga bookshelves na kinalalagyan ng mga aklat upang kung may dumating mang lindol (gaya ng hinuhulaang ‘the big one’) ay hindi nito mababagsakan ang kanilang estudyante. “Sinasabing nasa fault line pa naman ang aming unibersidad kaya maaga pa’y pinaghandaan na namin ito,” dagdag pa ni Coballes. Bahagi ito ng pagtugon nila sa panawagang gawing ‘safe space’ ang kanilang library.

Ikinuwento niya na minsa’y nag-organisa raw ng isang event ang kanilang library kung saan ang kahingian ay kailangang magdamit ang mga estudyante ayon sa paborito nilang storybook character (dress as your favorite book character). May mga estudyanteng LGBTQ ang oryentasyong seksuwal na nagsuot ng pambabaeng costume habang pumaparada (tandaan na all-boys school ang Ateneo) pero hindi naging malaking isyu sa naturang pamantasan ang ipinakitang pagpapahayag nila ng sarili.

Si Lacsamana naman ay nagbahagi ng mga okasyon o pagkakataon na nagawa nilang magdaos ng ‘mobile’ storytelling sessions, na kahit outdoors pa, ay siniguro nilang ligtas ang mga venues. “Bago pa ihatid ang kuwento sa mga bata ay sinisiguro nilang ligtas ang pisikal na lugar na pagdarausan nito – sa ilalim ng puno (para di mainitan) o sa mga upuang malayo sa kalye o sa ilog.

Ipinalala ko sa mga school librarians ang sinabi ni W. Somerset Maughm, isang manggagamot at nobelista, patungkol sa halaga ng aklat at pagbabasa: “To acquire the habit of reading is to construct for yourself a refuge from almost all the miseries of life.”

Hindi lamang libro ang maituturing na kanlungan kundi ang mismong aklatan na maaaring puntahan ng mga mag-aaral kapag kailangan nila ng isang ‘place of refuge’ o santuwaryo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -