INIHAYAG na ang 24 na nagwagi sa Philippine Amusement and Gaming Corp’s Photography Contest 2023 mula sa may 5,400 lumahok noong Setyembre 13, 2023.
Ang 12 nanalo sa conventional photography category ay nakatanggap ng P80,000 bawat isa bilang cash prizes, habang ang 12 winners sa mobile category ay nag-uwi ng P35,000 bawat isa – ang pinakamalaking premyo sa ngayon sa kasaysayan ng photo contest ng Pagcor.
Ayon kay Pagcor Chairman at CEO Alejandro Tengco, na dumalo sa okasyon, nagagalak ang ahensya sa malaking bilang ng mga kalahok para sa kompetisyon, na ibinalik sa taong ito pagkatapos ng anim na taong pahinga.
“We were overwhelmed by the significant number of participants who joined this photo competition. Because of this project’s success, we will make this photography competition an annual event,” ani Tengco.
“At dahil naging matagumpay ang photo contest na ito, we will refine this para maging isang kilalang photography competition organized by Pagcor. Umasa din kayo na dadagdagan pa natin ang prizes sa mga susunod na taon,” dagdag ng chairman.
Sinabi pa ni Tengco na ang patimpalak ngayong taon, na may temang “Sa’n Tayo Next?”, ay nagpapakita ng medyo hindi kilala ngunit magagandang destinasyon ng Pilipinas na may malaking potensyal na maging pangunahing tourist spot.
“Ang mga nanalong larawan ay nagpakita kung gaano kaganda ang Pilipinas. Kaya, sa halip na mag-abroad, hinihikayat namin ang lahat ng Pilipino na tuklasin ang kagandahan ng ating bansa at tumulong sa pagsulong ng domestic tourism,” dagdag niya.
May tig-limang nanalo mula sa Luzon, Visayas, Mindanao at Metro Manila sa parehong kategorya. Nakatanggap din ng P25,000 ang non-winning grand finalists para sa conventional category habang P10,000 naman ang mobile category grand finalists.
Ang “The Golden View of Mt. Utopia”, na nakunan ng 32-anyos na self-taught photographer na si Reymund Requina mula sa Cebu City, ay nakakuha ng isa sa mga grand prize sa ilalim ng conventional category.
“Sobrang blessing in disguise ng photography sa akin. Nung panahong walang wala ako, itong photography ang sumalba sa akin kaya sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko rito,” sabi ni Requina.
Ang iba pang nagwagi sa conventional category ay sina Aljon Tugaoen (Over and Under the Rocks of Pangil); Gerardo Pacios Jr. (Batok); Dionisis Silva (Kamangha-manghang Cave); Louie Lawrence Lacson (Side Trip Tayo sa Kabalin-An Pond); Jumelito Capilo (The Elusive View of Panimahawa); Alvin Cempron (Malitbog); Oliver Atienza (Kalinaw sa Malinao (Tranquility of Malinao); Earl Ryan Janubas (Splendid Impasugong); Klienne Eco (Payapang Umaga); Macbeth Omega (A Filipino Masterpiece – The Maligcong Rice Terraces); at Christopher Andres (Celebrating Centuries of Cultivation).
Samantala, ang 12 nanalo sa mobile category ay sina Nicko Melendres (The Mighty Casaroro Falls); John Rhoel Florentino (The Last of the Last Frontier); Celbert Palaganas (Remnants of the Golden Past); Rowell Clenuar (The Alicia Panoramic Park); Jack David Ponpon (Philippines meets the Pacific); Daryl Anahaw (Playground of the Gods); Anthony Into (Green Dots of Hope); Jessie James Jalon Esteban (The Next Chapter: Discovering New Frontiers of El Nido Beach); Sherbien Dacalanio (Warzone to Wow Zone); Alvin Mike Mahait (The Gentle Pawikan of Negros); Gerard Jonathan Laserna (Gentle Beast); at Ronald Portula (Tropical State of Mind).
Pinuri ng Mindanao regional screening judge at nature and commercial photographer na si Edwin Martinez ang Pagcor sa muling pagbuhay sa kompetisyon, na nagtampok sa malawak na potensyal sa turismo ng bansa.
“Ito ay napakagandang proyekto dahil hindi lamang ito nakakatulong sa pagpapaunlad ng talento ng ating mga photographer ngunit, higit sa lahat, i-promote ang ating industriya ng turismo lalo na ang mga lugar na hindi gaanong sikat ngunit kayang kalabanin ang iba pang kilalang lugar sa bansa sa kagandahan,” sabi ni Martinez.
Ang iba pang kilalang photographer at artist na nagsilbing hurado ay sina Jijo de Guzman, Bobot Go, Lauren Malcampo, Wig Tysmans, Pepper Teehankee, Edwin Tuyay, Jo Avila, Jilson Tiu, Ernie Sarmiento, Wawi Navarozza, Sherwin Magsino at Noel Guevara.