27 C
Manila
Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Gatchalian: Dapat matukoy ang maritime zones ng bansa nang naaayon sa Unclos

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na tutukoy sa mga maritime zone ng bansa na naaayon sa mga batas ng bansa ukol sa maritime territory nito sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos).

Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na tutukoy sa mga maritime zone ng bansa na naaayon sa mga batas ng bansa ukol sa maritime territory nito sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos). Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Ang panukalang batas ay hindi lamang naglalayong i-update ang mga umiiral na batas pandagat ng Pilipinas, kundi magbibigay-diin ng ating maritime zones at boundaries,” sabi ni Gatchalian nang ihain niya ang Senate Bill 2394, o The Philippine Maritime Zones Act.

Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng pagdedeklara ng maritime zone boundaries ng Pilipinas, palalakasin ng bansa ang geographical extent ng maritime domain nito. Ito ay gagabay sa mga Pilipino gayundin sa sandatahang lakas ng Pilipinas at civilian law enforcers pagdating sa mga karapatan ng iba’t ibang maritime zone ng bansa at magbibigay-daan sa mga institusyong pandagat na isulong ang pambansang interes.

Sinabi ni Gatchalian na noong nilagdaan at niratipikahan ng bansa ang Unclos noong 1982 at 1984, ito ay naging isang hakbang tungo sa pagpapalakas ng legal at institutional framework para sa maritime governance at pagtatalaga ng maritime zone allocations ng bansa bilang isang archipelagic state.

“May pangangailangan na itugma ang mga umiiral na batas ng Pilipinas sa Unclos at magtatag ng geographical extent ng mga maritime zone na ito alinsunod sa Unclos,” ayon sa senador.


Gaya ng iminungkahi, ang mga maritime zone ng bansa ay binubuo ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ), at continental shelf alinsunod sa international law. Tinutukoy ng panukalang batas ang lawak ng territorial sea ng bansa sa 12 nautical miles, contiguous zone sa 24 nautical miles, at EEZ sa 200 nautical miles.

Upang mapahusay ang pambansang seguridad ng Pilipinas at protektahan ang mga interes nito sa ekonomiya at kapaligiran, kamakailan ay naghain din si Gatchalian ng isa pang panukalang batas na naglalayong italaga ang mga archipelagic lane ng bansa o Senate Bill No. 2395 na tinawag na The Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

Inaprubahan na ng House of Representatives noong Mayo ang bersyon nito ng panukalang lumikha ng maritime zones ng bansa.

Nakuha ng Pilipinas noong 2016 ang isang landmark arbitral ruling na ang pag-aangkin ng China sa tinatawag na nine-dash line sa West Philippine Sea ay walang batayan sa batas at walang ligal na epekto.

- Advertisement -

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -