PARA huwag tayong maligaw sa totoong isyu, kailangang linawin na mula’t sapul pa, hangga’t China ang nasasangkot, ang Ayungin Shoal ay kanya. Sa ganitong kaayusan, ang pagpapatupad ng mga batas ng China sa bahura ay mula’t sapul pa rin SOP (standard operating procedure) na, katulad din ng sa iba pang mga nasasakupan nitong teritoryo. Halimbawa, sa usapin ng seguridad, bantayan ang teritoryo at tiyaking walang makakapasok na masasamang loob.
Uulitin ko, SOP iyan, normal.
Teka, kaugnay ng sigalot ngayon sa Ayungin Shoal, mula kailan pa nangyari ang normal na SOP?
Kung pagbabatayan ang dokumento, noon pang 1946 ay sinimulan nang opisyal na angkinin ng China ang Ayungin Shoal. Sa taon na iyun ay inilimbag ng China ang Nine Dash Line Map na sumasaklaw sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang na nga ang Ayungin Shoal na kung tawagin ng China ay Nansha. Kung pangalan naman ang pagbabatayan, ang Nansha ay bahagi na ng China mula pa sa panimula ng kasaysayan.
Sa isang pananaliksik, ang Ming Dynasty ay natala na noong mga 1500 nakapagpatupad ng suzerainty o kapangyarihang maghari sa isang bahagi ng Luzon, partikular ang Pangasinan. Binabanggit natin ito upang patunayan na mula pa sa kailaliman ng kasaysayan, ang presensya ng China ay naroroon na sa kabuoang saklaw ng South China Sea. Maaaring sa paglipas ng panahon, bumitaw ang Ming Dynasty sa kanyang suzeraniya sa Pangasinan, pero sa kaso ng Nansha, ang kontrol pulitikal ng China ay hindi kailanman lumabnaw. Nanatili itong mahigpit nang ayon sa mga kalagayang ipinahihintulot ng umiral na panahon, halimbawa, kung gaano kadalas itong napapatrulyahan ng mga bantay-dagat at kung anong klaseng mga kasangkapan ang gamit sa pagpapatrulya dito, tulad ng sasakyang pandagat, armas at iba pang kagamitang produkto ng umiiral na teknolohiya. Mangyari pa, sa panahon na gamit lamang ay mga bangkang de sagwan, ang pagbisita sa Nansha mula sa Mainland China sa sinaunang panahon ay hindi kasindalas ng sa paglayag upang bantayan ito sa kalagayan ng maunlad na teknolohiya tulad ng kasalukuyang panahon. Sa katunayan, dahil sa kaunlarang inabot na ng mga sasakyang pandagat, hindi na kailangang magpabalik-balik pa ang mga malalaking barko ng China sa mga daungan nito sa mainland upang doon magpanimula ng mga operasyon kundi sa mahabang panahon ay manatiling nasa karagatan at doon humimpil, magplano at kumilos. Ito ang senaryo na makikita ngayon sa Ayungin Shoal. Bakit naroroon ang malalaking barko ng China Coast Guard (CCG) at ang maraming militia ship nito? Simple lang ang sagot: trabaho nila iyun.
Diyan na dinadala ang kasalakuyang usapan: Bakit iba ang sinabi ng China sa kanyang ginagawa? Uulitin ko ang paglalahad na ginawa ko sa nakaraan kong kolum na pinamagatang “China: Sala sa init, sala sa lamig.” Wika ko:
“Akala ko ba, ayon sa paliwanag ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa 9th Manila Forum na ginanap sa New Era University noong Agosto 22, 2023, ang away ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea ay lulutasin sa mapayapang paraan. Sinigundahan pa ito ni Chairman Raul Lambino ng Association for Philippine-China Understanding (APCU) nang ipahayag ang aniya’y nakagugulat na kongklusyon na walang kapalit ang dayalogo sa paglutas sa sigalot sa West Philippine Sea. Ibig sabihin, kung di magkasundo, usap pa rin, usap nang usap, usap lang hanggang magkasundo.
“Ibig sabihin, walang puwang ni katiting ang ibinibigay sa paggamit ng dahas.
“Ganun pala, e, bakit ka mambobomba ng tubig!”
Bakit nga ba? Ke tubig o balang bakal ang iputok mo, ang iyong ibinubuga ay karahasan.
Giyera
Pinilipit ko ang aking utak sa paghahanap ng kasagutan. At sa pamimilipit na ito, ang nag-iisang di magiba na panuntunan ay, ang magandang pangitain ni Presidente Xi Jinping na isang pangmundong komunidad na may pinagsasamahang magandang kinabukasan. Paanong gigiyerahin ng isang bansang may ganyan kagandang pangarap ang isang kapitbahay na bukod sa maliit na, mahirap pa at, higit sa lahat, nungka ang nakagawa ng anumang pananakit sa China. Subukan ng Amerika na siyang magpalusot ng pwersa sa Ayungin Shoal, tingnan pag hindi naghalo ang balat sa tinalupan.
Kung totoo man na nagkaroon ng bulwak ng kontra-Chinong pagkamuhi ang hanay ng masang Pilipino, ito ay bunga ng malawakang propaganda ng mga Amboys na walang sawa sa paghahanap ng mga pampasiklab ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at China. Gaya ng paliwanag ni Ambassador Huang Xilian sa 9th Manila Forum, kabawal-bawal ng China sa pagdadala ng mga materyales na pangkonstruksyon sa Ayungin Shoal, pero ginawa pa rin. Ayun, sa mga lumalabag sa patakaran, paulanan ng bombang tubig. Totoong iyun na ang pinakamabait na pagtrato sa isang kaaway, kung totoong kaaway nga ang pagtrato ng China sa Pilipinas sa nasabing insidente. Pero sa pangangalandakan ng mga taga-tabil ng Amerika, ang panganganyon ng tubig ay mapandigmang aksyon na at humihingi na ng pagpapairal ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Sa ilalim ng tratado, ang pag-atake sa Pasipiko sa alinman sa dalawang bansa ay pag-atake sa isa pa at humihingi ng pagsalag din nito. Ang South China Sea ay nasa Rehiyong Pasipiko. Sa ilalim ng MDT, ang pag-atake sa Pilipinas ay pag-atake rin sa Amerika, kung kaya humingi rin ng pagsalag ng Amerika. Maliwanag kung bakit ipinipilit ng propagandang Kano na ang panganganyon ng tubig ng CCG sa Philippine Coast Guard (PCG) ay gawaing mapandigma. Nagbibigay ito ng katwiran sa Amerika na giyerahin ang China at maisulong ang intensyong makapaghari sa Indo-Pasipiko.
Ayun ang siste! Ang giyerang ibinabando sa lahat na larangan ng media na ikinikilos ng China sa Ayungin Shoal ay hindi totoo kundi propaganda lang ng Amerika.
Kako na nga sa unahan pa, SOP. Trabaho lang, walang personalan. Kumbaga sa tradisyung militar, standing order ng CCG at mga milisya nito na pangalagaan ang Ayungin Shoal, pangangalagaan nila ito. Nagkataon nga lang na kapitbahay at kaibigan ang nakasadsad doon, kung kaya sa loob ng 24 na taon ay hinayaan ng China na pumaroo’t pumarito ang mga pwersang Pilipino upang maghatid ng ayuda sa BRP Sierra Madre.
Papaano ang tila tumitinding panggigipit ng CCG sa mga resupply mission ng PCG? Kaya nga kailangan ang dayalogo. Usap lang nang usap. Pasasaan ba’t sa walang patumanggang paguusap, mararating din ang panghabang panahong matiwasay na pagkakasundo.