PAKIRAMDAM ko, nalalagay na ako sa alanganin. Dati’y wala akong duda na ang tanging daan sa pagtamo ng kapayapaan at kaunlaran ng Pilipinas ay ang China. Di ba nga’t isinulat ko pa ito sa isang aklat na pinamagatang CHINA The Way, The Truth and The Life. Ang libro ay naglalaman ng mga piling akda tungkol sa China na nalimbag sa aking kolum na My Say sa The Manila Times. Ganun karubdob ang aking sampalataya sa China bilang tanging daan upang umasenso ang Pilipinas. Sa isang artikulo, itinanong ko: Can one be pro-Filipino without being pro Chinese (Uubra bang maging pro-Pilipino ka nang hindi ka nagiging pro-China)? Dito inilalagay ko ang usapin sa pag-unlad ng Pilipinas sa pandaigdigang saklaw. Ang Belt and Road Initiative (BRI) ni Chinese President Xi Jinping ay nakaalagwa na nang husto upang sumaklaw sa dalawang-katlong bahagi ng mundo, nagpabagsak sa Estados Unidos sa pangatlong puwesto na lamang sa pinakamauunlad na ekonomiya, naungusan pa ng India para sa pangalawang puwesto. Samakatwid, kung ang Pilipinas, katulad din ng iba pang mga papaunlad na bansa, ay papipiliin ng huwaran kung paano umasenso, isang diktasyon ng interes pambansa na ang piliin ay China. At sa tanong kung uubra bang ikaw ay maging pro-Pilipino nang hindi nagiging pro-Chino, kailangan na ang sagot ay, “Hindi!” Sa buong buhay ng aking kolum sa The Manila Times, ito ang paninindigang di magigiba.
Subalit naganap ang pambobomba ng tubig ng malaking barko ng China Coast Guard (CCG) sa maliit na bapor ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal noong Agosto 5. Matay kong katwiranan ang gawi nang ayon sa paninindigan ng China na iyun na ang pinakamakataong pagkontra sa isang kaaway, hindi ko pa rin maiwaksi sa isip na kahit tubig lang ang bala ng kanyon, ang intensyon ay giyerahin ang Pilipinas. Dahil dito, ang matindi kong tanong ay ito: Kaaway mo ba ang Pilipinas at bobombahin ang mga sundalo niya? Tanggapin nang may katwiran kang kontrahin ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa karagdagang apat pang base militar na kaloob ng Pilipinas sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), dahil ang mga iyun ay malinaw nang nakaumang sa seguridad ng China, bakit ang sundalong Pilipino ang uupakan. Ang kaaway mo sa mga base ng EDCA na iyun ay Amerika, Amerika ang giyerahin mo. Ipinagmamalaki mo ang iyong Dongfeng 21 na kayang umabot sa Europa, Canada at Hilaga-Silangang Estados Unidos sa loob ng 25 minutos, iputok mo na. Nang magkaalaman na. Mag-ubusan na kayo ng lahi, kung diyan kayo masaya. Huwag nyo na kaming idamay sa giyera na kayong dalawa lang ng Amerika ang may gusto. Ito ang totoong damdamin ng ordinaryong Pilipino na binulwakan ng kontra-Chinong pagkamuhi bunga ng di-matapos na panggigipit ng mga malalaking barko ng CCG sa mga sasakyang pang-ressuply sa BRP Sierra Madre na nakabalahura sa Ayungin Shoal.
Akala ko ba, ayon sa paliwanag ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa 9th Manila Forum na ginanap sa New Era University noong Agosto 22, 2023, ang away ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea ay lulutasin sa mapayapang paraan. Sinigundahan pa ito ni Chairman Raul Lambino ng Association for Philippine-China Understanding (APCU) nang ipahayag ang aniya’y nakakagulat na kongklusyon na walang kapalit ang dialogue sa paglutas sa sigalot sa West Philippine Sea. Ibig sabihin, kung di magkasundo, usap pa rin, usap nang usap, usap lang hanggang magkasundo.
Ibig sabihin, walang puwang ni katiting ang ibinibigay sa paggamit nang dahas.
Ganun pala, e, bakit ka mambobomba ng tubig!
Ang pambobomba ng balang bakal o tubig man ay gawaing pandigma. Di ba nga China ang tinamaan ng bombang tubig nang isabog ito ng South Korea sa mga mangingisdang Chino na iligal na nangingisda sa katubigan ng South Korea?
Nagpasalamat ba ang China sa “makataong” paggamit ng bombang tubig sa kanyang mga mangigisda imbes na bala?
Natural, hindi.
Natural, ganun din ang mamamayang Pilipino sa paggamit ng China ng kanyong tubig sa mga resupply vessel ng Phillippine Coast Guard (PCG) para sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Totoo ang bulwak ng kontra-Chinong pagkamuhi ng sambayanang Pilipino sa tumitinding panggigipit ng mga barko ng CCG at mga sasakyang pang milisya ng CCG sa mga hamak na bankang de kahoy ng Philippine Coast Guard na pandala ng pagkain sa mga sundalong bantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Hindi malulutas ang problema sa West Philippine Sea nang hindi kumakalas ang China sa lumilitaw na dalawahang taktika nitong patuloy na dayalogo, ayon sa mga pahayag nitong pampubliko, subalit patinding pagsulong ng giyera, ayon sa mga aktwal na maniobra nito sa West Philippine Sea.
Lumilitaw sala sa init, sala sa lamig. Ano ba talaga? Kung dayalogo, tigil ang mga panggigipit ng CCG at mga bapor pangmilisya sa mga barko ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea. Kung giyera, itodo na ang banat sa totoong kalaban. Kahit kelan ay hindi nanakit sa China ang Pilipinas. Ang EDCA ay hindi gawa ng sambayanang Pilipino kundi ng isang tao lamang. Tanggapin nang sa kasalukuyan ang EDCA ay nakadesinyo diretsahang kontra China, huwag mong parusahan ang inosenteng sambayanan. Parusahan mo ang isang taong dumisenyo nito sampo ng kanyang mga galamay – at higit sa lahat, ang poder na nag-udyok dito: Amerika.
Isang paraan ng mabisang parusa na maipanunukala ko ay, China, pakatotoo ka. Inilimbag mo na rin lang ang iyong Ten Dash Line, gawin mo ang mga Linya hindi bilang mga guhit lang sa isang mapa kundi mga pila ng libong barkong pandigma ng People’s Liberation Army (PLA) Navy upang magsilbing bakod ng buong katubigan na iyong inaangkin.
Gawin ito ng China at sa isang iglap ay pawawalang-bisa niya ang “freedom of navigation on international waters” na pinahihintulutan ng United Nations Convention On The Law Of The Sea (UNCLOS). Wala na ngayong katwiran ang Estados Unidos at mga kaalyado nito na makapaglayag pa sa kabuuan ng West Philippine Sea at sa gayon makapanghimasok sa mga kaganapan ng Asean. Maayos nang maisasakatuparan ang Code of Conduct on the South China Sea (COCSCS) upang tiyakin ang kapayapaan at kasaganaan sa buong rehiyon ng Asean.
Mangyari pa, tututol dito ang Amerika. Hindi ko problema iyan. Problema iyan ng China.
Ang mahalaga, nalinaw na hindi Pilipinas ang kalaban ng China kundi Amerika.