28.1 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Gobyerno, pribadong sektor mula sa Mongolia gagawin pamantayan ang pagpapatupad ng DoLE ng batas-paggawa, kapayapaan sa industriya

- Advertisement -
- Advertisement -

NASA bansa kamakailan ang grupo ng pamahalaan at pribadong sektor mula sa Mongolia upang gawing pamantayan ang pinakamahuhusay na pamamaraan ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagtataguyod ng pagsunod sa mga batas sa paggawa, occupational safety and health (OSH), at kapayapaan sa industriya.

Nakipagpulong ang mga opisyal ng DoLE mula sa Occupational Safety and Health Center (OSHC), Bureau of Working Conditions (BWC), National Wages and Productivity Commission (NWPC), at Bureau of Labor Relations (BLR) sa delegasyon noong Agosto 30 sa Intramuros, Maynila upang talakayin ang kani-kanilang mga programa at serbisyo.

Sa ginanap na orientation briefing, ipinahayag ng pangkat ng DoLE ang kahalagahan ng pagbubuo ng mga patakaran na tumutugon sa epektibong implementasyon ng mga programa at serbisyo. Binigyang-diin din nila na ang mga patakaran sa paggawa at trabaho ay bunga ng tripartite consultation sa mga social partners — mga  employer, mga manggagawa, at ang pamahalaan.

Ang Mongolian delegation ay binubuo nina Enkhjargal Enkhtaivan, head ng General Coordination Department, Mongolian Employers’ Federation (Monef); Erdenetugs Gur, deputy director and advisor, Monef; Tumen-Amar Otgonbayar, head ng Research Institute, Mongolian National Chamber of Commerce and Industry (MNCCI); Khulan Gandat, Policy and Strategy Department, MNCCI; at Purevtogtokh Ganbold, national project coordinator, International Labor Organization Country Office for China and Mongolia.

Nagsagawa ang delegasyon ng study tour sa bansa mula Agosto 28 hanggang Setyembre 1 upang alamin ang pinakamahuhusay na pamamaraan sa implementasyon ng batas-paggawa para sa maayos at ligtas na kondisyon sa paggawa.

Tinalakay ni OSHC Deputy Executive Director Jose Maria Batino ang pagtataguyod para sa ligtas at malusog na manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga teknikal na serbisyo, pagsasanay ukol sa OSH, pananaliksik, at akreditasyon ng mga OSH partner.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Program Management and Technical Support Services Division Chief Kristine Carol Ramos ng BWC ang labor inspection program at compliance monitoring.

Kanya ring ipinahayag na sinisiguro ng Kagawaran na naipatutupad ang mga pamantayan sa paggawa sa pamamagitan ng technical and advisory visit, labor inspection, at OSH investigation. Tinalakay din ng BWC chief ang Labor Inspection Management Information System kung saan agad na makukuha at maipapadala ang mga datos ukol sa labor inspection.

Tinalakay ni Direktor Jerome Yanson ng NWPC ang pagtatakda ng minimum na sahod at ang pagsulong ng productivity improvement at gainsharing schemes sa mga micro, small, at medium enterprises.

Panghuli, ipinaliwanag nina Atty. Juevanrey Narisma, mediator arbiter ng BLR at Atty. Abigail Dela Rosa, mediator arbiter ng International Labor Affairs Task Force ang social dialogue at institutionalization ng tripartite mechanism.

Binanggit ni Atty. Narisma ang mga prinsipyo ng social dialogue at tripartism ay nakapaloob sa 1987 Constitution of the Philippines, Labor Code of the Philippines, na sinususugan ng Republic Act No. 6715 at Republic Act No. 10395, at DoLE Department Order No. 140, Series ng 2014.

Tinalakay din ng Mediator Arbiters ang mga tungkulin ng National Tripartite Industrial Peace Council, na nagsisilbing pangunahing consultative at advisory body sa pangangasiwa ng DoLE para sa tripartite na pagpapayo at konsultasyon sa mga sektor ng paggawa, employer, at pamahaaan.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -