27.4 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Ang Estudyante

REMOTO KONTROL

(Salin mula sa Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

SA puntong ito, dapat kong ipaliwanag kung ano na ang nangyari sa akin mula nang tag-araw na iyon nang huling kong niyakap ang aking mahal at matalinong propesor, at nangakong susulatan ko siya.

Hindi ko siya sinulatan.

Sa totoo lang, nawalan ako ng kontak sa karamihan ng mga taong nakilala ko noong kolehiyo, kasama na ang mga kaibigang kasama kong tumungga ng beer at ang unang babaeng una kong nakasabay magising isang umaga. Pinatigas ako ng mga taon pagkatapos ng aking pagtatapos sa kolehiyo, at naging iba na ako mula sa graduate na umalis ng kampus ng araw na iyon para pumunta sa New York City, handa nang ialok sa mundo ang kanyang talento.

Ang mundo, nadiskubre ko, ay hindi naman pala ganoon ka-interesado sa akin. Nagpagala-gala lang ako sa mga unang taon ng aking edad beinte, nagbabayad ng renta at nagbabasa ng classified ads at nagtataka kung bakit hindi nagiging berde ang ilaw para sa akin. Pangarap kong maging isang sikat na musician (tumutugtog ako ng piano), pero matapos ang ilang mga taon sa madidilim at walang-lamang mga nightclub, nasirang mga pangako, mga bandang laging naghihiwalay, at mga producer na excited sa lahat maliban sa akin, umasim ang aking pangarap. Sa unang pagkakataon sa aking buhay, hindi ako nagwawagi.

At kasabay pa rito, naranasan ko ang aking unang seryosong engkuwentro sa kamatayan. Ang aking paboritong tito, ang kapatid ng aking nanay, ang lalaking nagturo sa akin ng musika, nagturo sa aking mag-maneho, tinutukso ako sa mga babae, binato ako ng football — ang unang mas matanda sa akin na, noong bata pa ako’y sinabi ko sa aking sarili, “Iyan ang gusto kong maging paglaki ko”—ay namatay sa pancreatic cancer sa edad na apatnapu’t apat.

Maliit lang siya at guwapong lalaki na may bigoteng makapal, at kasama ko siya sa huling taon ng kanyang buhay, nakatira ako sa isang apartment sa ilalim ng kanyang apartment. Nakita ko kung paano natuyo ang kanyang malakas na katawan, at nagmanas, nakita ko kung paano siya nagdusa, gabi-gabi, hawak ang tiyan habang nakaupo sa hapag kainan, pinipiga ito, nakapikit ang mga mata, ang bibig ay napapangiwi sa sakit. “Ahhhhhh, Diyos ko,” halinghing niya, “Ahhhhhh, Hesukristo!” Lahat kami — ang aking tita, ang dalawa niyang batang mga anak, ako — ay nakatayo lang doon, tahimik, nililinisan ang mga plato, inilalayo ang mga mata sa kanya.

Iyon ang panahong naranasan ko sa buong buhay ko na wala man lang akong naitulong.

Isang gabi ng Mayo, naupo kami ng aking tito sa balkonahe ng kanyang apartment. May hangin pero mainit pa rin. Napatingin siya sa panginorin at sinabi niya, sa pamamagitan ng mga ngiping magkadikit, na hindi na niya makikita ang kanyang mga anak sa susunod na pasukan. Nakiusap siya sa akin na alagaan ko sila. Sinabi ko sa kanyang huwag siyang magsalita nang ganyan. Malungkot lamang siyang tumingin sa akin.

Namatay siya matapos ang ilang lingo.

Nagbago ang aking buhay matapos ang libing. Naramdaman ko na biglang naging mahalaga ang oras, tubig na dumudulas sa isang butas, at hindi ako makagalaw sa bilis na dapat kong gawin. Ayaw ko nang tumugtog sa mga night club na kakalahati lang ang mga tao. Ayaw ko nang magsulat ng mga kanta sa aking apartment, mga kanta na wala namang makikinig. Bumalik ako sa eskuwelahan. Nag-graduate ako ng master’s sa journalism at tinanggap ang unang trabahong inialok sa akin, bilang isang sports writer. Sa halip na habulin ko ang aking pangarap, sumulat ako sa mga sikat na atletang hinahabol ang kanilang mga pangarap. Nagtrabaho ako para sa mga diyaryo at nagsulat para sa mga magasin. Nagtrabaho ako na hindi inalintana ang mga oras, at nagtrabaho ako nang todo-todo.

Paggising ko sa umaga’y magsisipilyo na ako at uupo sa harap ng makinilya na suot ang mga damit na aking pinagtulugan. Nagtrabaho ang tito ko sa isang korporasyon at kinamuhian niya ito — pare-pareho ang ginagawa, araw-araw — at determinado akong hindi gumaya sa kanya.

Lumipat ako mula New York papuntang Florida at sa kalauna’y nakakuha ng trabaho sa Detroit bilang isang kolumnista sa Detroit Free Press. Kakaiba ang gana sa sports ng lungsod na iyon —mayroon silang mga professional team sa football, basketball, baseball at hockey — at tumapat ito sa aking ambisyon. Sa ilang mga taon lamang, hindi lang ako nagsusulat ng mga kolum, nagsusulat na rin ako ng mga libro tungkol sa sports, nagkaroon ng mga show sa radyo, at lumabas nang regular sa TV, nagbibigay ng mga opinyon sa mayayamang mga manlalaro ng football at mga ipokritong programa sa sports ng mga kolehiyo. Naging bahagi ako ng bagyong dala ng media na bumaha na sa ating bansa. Naging in-demand ako.

Hindi na ako umupa. Nagsimula na akong bumili. Bumili ako ng isang bahay sa ibabaw ng burol. Nag-invest ako sa stocks at pinalaki ang aking portfolio. Napunta na ako sa ikalimang gear, at lahat ng ginawa ko, ginawa ko dahil may deadline. Nag-ehersisyo ako na parang demonyo. Nagmaneho ako ng kotse sa nakaliliyong bilis. Kumita ako ng salaping hindi ko pa kinita sa tanang buhay ko. May nakilala akong isang babaeng itim ang buhok na nagngangalang Janine, na minahal ako sa kabila ng aking iskedyul at kahit madalas akong wala. Ikinasal kami matapos ang pitong taon ng pagliligawan. Bumalik ako sa trabaho isang linggo matapos ang aming kasal. Sinabi ko sa kanya — at sa aking sarili — na isang araw ay magkakaroon kami ng isang pamilya, isang bagay na gustong-gusto niya. Pero hindi dumating ang araw na iyon.

Sa halip, inilibing ko ang aking sarili sa aking mga accomplishments, dahil kapag marami akong mga accomplishments, naniniwala ako na makokontrol ko na ang mga bagay, mapipiga ko na ang pinakahuling piraso ng kaligayahan bago ako magkasakit at mamatay, tulad ng tito ko, na sa tingin ko’y natural na mangyayari rin sa akin.

At si Morrie? Well, minsa’y naiisip ko pa rin siya, ang mga bagay na itinuro niya sa akin tungkol sa “pagiging tao” at “pakikipag-kapwa tao,” pero lagi akong nasa malayo, na para bang galing ako sa isa pang buhay. Sa pagdaan ng mga taon, itinapon ko ang mga sulat na galing sa Brandeis University, inisip na gusto lang nila akong hingan ng pera. Kaya hindi ko nalaman na nagkasakit si Morrie. Ang mga taong nakapagsabi sana sa aki’y matagal ko nang nalimutan, ang mga numero nila sa telepono’y nakasulat sa mga kahon na nakatago na sa aking attic.

Magiging ganoon na lang sana ang mga bagay-bagay, kung hindi ako nagpapalipat-lipat sa mga istasyon ng TV isang gabi, at mayroon akong narinig . . .”

- Advertisement -

- Advertisement -