32.6 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Paano babakuran ang karagatan?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pag-igting ng iringan ng Pilipinas at China tungkol sa West Philippine Sea, isang tila kakatwang bagay ang tumampok sa ating atensyon. Mga boya ang itinanim ng Philippine Coast Guard sa karagatan na pinag-aawayan upang itakda ang mga hangganan ng teritoryo ng Pilipinas. Sa loob-loob ko, gaano kaepektibo ang mga boya? Eh, ang mga palutang na iyun ay kumikilos nang ayon sa, unang-una na, maalimpuyong agos ng karagatan, at sa malamang na mga pananabotahe ng iba’t-ibang salbahe. Di ba nga, mga ilang araw lamang makaraang ikalat ang mga boya, lumabas na sa mga balita na pinakialaman na ng China Coast Guard diumano ang mga boya. Totoo man o hindi, ipinakikita lamang nito na ang pagbabakod sa karagatan ay hindi mabisang paraan ng pag-angkin ng ari-arian.

Sasabihin ninyo, ang saklaw ng teritoryong nilatagan ng boya ay ayon sa itinatadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na ano? 200 nautical miles mula sa kalupaan ng isang bansa. Pero kung paniniwalaan si dating Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ganung sukat ng exclusive economic zone (EEZ) ay hindi titulo ng pagmamay-ari ng Pilipinas sa teritoryong saklaw ng kanyang EEZ kundi ng saklaw ng mga karapatan ng Pilipinas na angkinin ang mga yamang dagat na nasa loob ng EEZ, halimbawa mga isda at langis na hinihinalang napakayaman sa ilalim ng tubig.

Kung titulo ang pag-uusapan, sa pagitan ng Pilipinas at China, itong huli ang meron at ang una ang wala.

Magkaganunman, kung ipagpipilitan pa rin na ang 200 nautical miles ng EEZ ng Pilipinas ay patunay ng kanyang pagmamay-ari sa saklaw nitong bahagi ng West Philippine Sea, ang patunay na ito ay may bisa lamang mula sa panahon ng pagkatatag ng UNCLOS noong 1994.

Ano naman ang patunay ng China?

Ang Nine-Dash Line Map nga. Kung petsa ang pagbabatayan, higit na mas nauna ito. Nalimbag ang Nine-Dash Line Map noong 1946.

Ang agawan sa teritoryo ay umigting nang husto nang bombahin ng tubig ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard na pangsuplay ng mga probisyon sa mga Marines na nagbabantay sa BRP Sierra Madre na nakabalahura sa Ayungin Shoal. Ayon sa China, hinayaan lamang nitong manatiling nakasadsad ang Sierra Madre sa bahura nitong nagdaang mahigit na dalawang dekada sa mga makataong kadahilanan at dahil na rin sa malalim na mapagkaibigan at pangkapitbahay na palagayan ng dalawang bansa. Subalit ngayong malinaw nang nakikipagmabutihan sa Amerika si Pangulong Bongbong laban sa China, gaya nga ng ipinakikita ng kanyang pag-apruba sa apat pang karagdagang base ng EDCA na malinaw nang nakapuntirya sa China, naninindigan na ang China na ipagtanggol ang sarili. At dito ay ipinagpipilitan niyang kanya ang Ayungin Shoal at ang pagparoo’t pagparito ng Philippine Coast Guard buhat nang mabalahura dito ang Sierra Madre nitong nakaraang mahigit 20 taon ay dulot tanging ng kanyang dalisay na kagandahang loob, hindi dahil ang bahura ay sa Pilipinas.

Oo nga’t nagkaroon ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 na iligal ang Nine Dash Line ng China, pero ilang mahahalagang katotohanan ang dapat tandaan tungkol sa hatol na ito.

Una, taliwas sa ipinamamarali ng mga propagandista ng Amerika, ang PCA ay hindi konektado sa United Nations (UN). Makaraan ang ilang pakipagtalastasan sa talagang ahensyang kinikilala ng UN, ang International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS), nagawa nitong makapamagitan na sa mga hidwaang pangkaragatan, na kung kaya nakilala na bilang may bendisyon siya ng UN. Sa totoo lang, wala.

Pangalawa, ni minsan ay hindi nagpartisipa ang China sa arbitrasyon. At sa simula pa lang ay nilinaw na niya na hindi niya kinikilala ang mga kaganapan nito at hindi niya tatanggapin ang anumang magiging kahatulan nito. Papaano magiging ligal ang isang prosesong pangkasunduan na isa lamang sa dalawang magkaaway ang napakinggan?

Pangatlo, nungka na pinagpasyahan ng PCA ang usapin ng soberaniya o pagmamay-ari ng West Philippine Sea, kung kaya tanggapin man na may bisa ang hatol ng PCA na iligal ang Nine Dash Line ng China, hindi ibig sabihin sa Pilipinas na ito. Naririyan pa ang Vietnam, halimbawa, o ang Taiwan, Brunei, Malaysia at Indonesia na mga nag-aangkin din ng kanya-kanyang teritoryo sa West Philippine Sea.

Pang-apat, na siyang pinakamahalaga, sabihin nang kayang ipatupad ng UN ang hatol ng PCA. Sa usaping ito, tiyak na hahantong ito sa pinal na pagpapasya ng United Nations Security Council. E, isa sa limang permanenteng miyembro ng UN Securiy Council na lahat ay may veto power ay China.

Lulusot ba sa China ang hatol ng PCA na makasasakit sa soberaniyang Chino?

Kahangalan

At eto ka’t pinipilit mong tapatan ang higanteng veto power na iyun ng mga palutang na minsang bagyuhan lamang ay maaaring ianod na sa kung saan.

Pakatotoo na tayo. Nakita na natin ang patunay kung papaano bakuran ang karagatan. Mga dambuhalang barkong pandigma ng People’s Liberation Army (PLA) Navy kasama ang daan-daang milisyang sasakyang pandagat ng China Coast Guard, pawang nakapaligid sa karagatang inaangkin ng China na kanya. Iyan ang bakod sa karagatan. Tingnan natin kung paano iyan gigibain ng kalaban.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -