26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Gatchalian naghain ng panukalang batas kontra sa mga financial accounts scam

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong parusahan ang mga nare-recruit bilang money mules, mga nakikibahagi sa social engineering schemes, at kung anu-anong mga financial scam.

Nag-file si Senador Win Gatchalian ng bill na magpaparusa sa mga indibidwal na nagpagamit bilang money mules, mga nakikibahagi sa social engineering schemes, at kung anu-anong mga financial scam. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN 

Alinsunod sa pangako ng administrasyon na palawakin ang digital na transaksyon upang mapag-ingat ang publiko mula sa mga scammer at mapang-abusong nagpapautang sa online platform, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2407, o Anti-Financial Account Scamming Act. “Kailangan nating protektahan ang integridad ng sistema ng pananalapi sa bansa at tiyakin na ang mga financial account at ang mga may-ari nito ay protektado at hindi napagsasamantalahan o naaakit ng mga sindikato sa online platform o mga cybercriminal,” sabi ni Gatchalian kaugnay ng inihain niyang panukalang batas.

 

Ang pandemya ng Covid-19, aniya, ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng cashless transaction at digital payments. Dahil dito rin ay lumawak ang digital financial services na sinamantala rin agad ng mga masasamang loob. “Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang mga cybercriminal na nananamantala gamit ang teknolohiya upang maglipat ng mga ninakaw na halaga ng pera, kabilang dito ang pagnanakaw ng mahahalagang impormasyon tungkol sa may ari ng account at pagkuha sa kanilang mga account, o pag-akit sa mga account holder ng mga regalo at anumang insentibo upang maisagawa lang ang layuning makapagnakaw,” sabi niya.

 

Bilang tugon sa tumataas na paglaganap ng mga ganitong masasamang aktibidad, idiniin ng mambabatas ang mahigpit na pangangailangan na magpatupad ng isang panukala na nagpapataw ng parusa sa mga indibidwal na kasabwat sa mga ilegal na transaksyon, mga taong nakikibahagi sa mga pandaraya gamit ang mga social engineering na taktika at iba pang mapanlinlang na mga pakana na nagsasamantala sa mga financial account. Saklaw nito ang mga aksyon tulad ng account takeover, pagrerecruit ng mga kaanib sa ganitong mga iligal na aktibidad, at pagsasagawa ng mga aktibidad na maihahambing sa economic sabotage na naglalagay sa panganib ng mga financial account at integridad ng sistema ng pananalapi sa bansa.

 

“Sa nakalipas na tatlong taon, ang publiko ay nawalan ng milyung-milyong pera sa mga cybercriminal na ito,” sabi ni Gatchalian, na binanggit bilang halimbawa ang “Mark Nagoyo” scam, kung saan mahigit 700 na account ng mga customer ng BDO Unibank ang na-hack sa huling bahagi ng 2021, ang mga hindi awtorisadong LandBank transfer na P26,000 hanggang P121,000 na tumarget sa mga guro noong Enero ng 2022, at ang insidente ng phishing na kinasangkutan ng mga gumagamit ng GCash noong Mayo ng taong ito.

 

“Ang mga operasyon ng cybercriminals ay lumaki nang husto, sinasamantala ang mga walang trabaho, mga naghahanap ng madaling pera, mga taong handang tumulong sa iba, mga hindi nakakaalam ng naturang modus, o ‘yung nakatira sa lugar na may mahinang law enforcement at parusa tulad ng Pilipinas,” aniya. Sa katunayan, ipinakita ng 2022 Report ng Kaspersky Security Network na ang Pilipinas ay nasa ika-dalawa sa mga bansang pinaka-inaatake ng mga bantang may kinalaman sa internet noong 2022 at ang pinakagustong paraan ng pag-atake kabilang na ang mga social engineering scheme. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -