31.9 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pilipinas: Naanyayahang ‘Guest of Honor’ sa 2025 Frankfurt Book Fair

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

SUMAKTO sa taunang Kadayawan Festival ng Davao City ang isa pang pagdiriwang na nagtatampok sa mga aklat na likha ng mga Pinoy: ang Philippine Book Festival. Ito ang pinakamalaking travelling book festival na idinaraos ng National Book Development Board (NBDB). Ginanap ito noong Agosto 17-21, 2023, sa SMX Convention Center sa SM Lanang. Sa naturang festival, parehong itinatampok ang mga literary books at academic books, basta’t gawa ng local publishers.

Si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte kasama ang mga opisyal ng Frankfurt Book Fair at National Book Development Board sa pagbubukas ng Philippine Book Festival sa Davao City.

Kung matatandaan, nitong nakaraang Hunyo lamang, ginanap ang isa pang Philippine Book Festival sa World Trade Center sa Pasay City na talaga namang dinumog ng mga book lovers. Noong nakaraang taon (2022), nagkaroon din ng Philippine Book Festival sa Lipa City (sa Batangas) at sa Baguio City, na pawang naging matagumpay rin. Kaiba ang Philippine Book Festival (PBF) sa taunang Manila International Book Fair (MIBF) sapagkat nakatuon lamang ang pansin ng PBF sa mga aklat na gawang Pilipino – nobela man ito, aklat pambata, aklat ng tula at maikling kuwento, graphic literature, komiks, at maging mga textbooks at iba pang academic books.

Sa airport pa lamang ng Davao ay masaya na ang naging pagsalubong sa mga bumibisita sa lungsod. May mga katutubong sayaw na nagtatampok sa makulay na kultura ng Mindanao. Paglapag pa lang ng eroplano ay naglalaro na sa aking isip ang mga imahe ng durian, mangosteen, marang, lansones, suha, at siyempre, mga aklat.

SI Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang panauhing pandangal sa ginananap sa Philippine Book Festval.

Dinaluhan ni Vice President Sara Duterte, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, ang pagbubukas ng Philippine Book Festival sa Davao noong Agosto 18. Ikinuwento niya na nahilig din siyang magbasa dahil sa impluwensiya ng kanyang ina.

Nang araw din na ‘yun ay ipinahayag ng NBDB sa lahat ang isang magandang balita: ang Pilipinas ang magiging ‘Guest of Honor’ sa gaganaping Frankfurt Book Fair o Frankfurter Buchmesse (kung bigkasin ay ‘buk-me-se; nangangahulugang ‘book fair’) sa Germany sa 2025. Ang bookfair na ito ang pinakamalaking bookfair sa buong mundo na nasa ika-75 taon na (masasabi ring pinakamatandang book fair sa daigdig). Sa kasaysayan ng Frankfurter Buchmesse (Frankfurt Book Fair), pangalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia) na maanyayahan bilang ‘Guest of Honor,’ sunod sa bansang Indonesia na naging Guest of Honor sampung taon na ang nakalilipas. Isang pangarap itong nagkaroon ng katuparan para sa Pilipinas.


Sinuportahan ni Senador Loren Legarda ang naging bid na ito ng Pilipinas na maging Guest of Honor. Siyempre, kailangan ng malaking pondo para sa bid na ito. Kailangan ng suporta mula sa gobyerno. Gusto nating maitampok ang mga Pinoy na aklat, gayon ding ang kulturang Pinoy,  sa pandaigdigang book fair. Magandang exposure ito para sa ating mga aklat dahil magkakaroon tayo ng tsansang mai-display ito nang prominente sa kabuuan ng book fair.  Bawat taon, may isang bansang itinatampok ang Frankfurt Book Fair kung saan ang mga aklat ng bansang ito, pati na ang kultura at kasaysayan ng bansa, ang nasa spotlight.

Opisyal na paglagda ng kasunduan. Ang mga opisyal ng Frankfurt Book Fair na sina Juergen Boos, Claudia Kaiser at Simone Buhler kasama sina NBDB Chairman Dante Francis Ang 2nd at Executive Director Charisse Aquino-Tugade.

Ginawa ang opisyal na paglagda ng kasunduan doon mismo sa Philippine Book Festival-Davao. Kasama sa pumirma ng kasunduan ang sumusunod: mula sa panig ng NBDB, sina Chairman Dante Francis Ang 2nd at Executive Director Charisse Aquino-Tugade; at mula naman sa panig ng Frankfurter Buchmesse, sina Juergen Boos, presidente at CEO ng FBM; Claudia Kaiser, vice president for Business Development;  at Simone Buhler, Guest of Honor program head). Taon-taon ay nagpupunta ang ilang piling opisyal ng NBDB at mga imbitadong publisher, awtor, at ilustrador sa book fair na ito.

Bakit ba mahalaga ang partisipasyon natin sa naturang book fair? Sa Frankfurt Book Fair nagtutungo ang mga producers mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang tingnan ang mga latest books na puwedeng ilapat sa pelikula, games, at iba pang makabuluhang content (hindi lang printed books kundi maging digital content din). Dito rin sa book fair na ito may tsansang makita ang mga aklat Pinoy na puwedeng maisalin sa iba pang wika ng daigdig (world languages) at magkabilihan ng mga publishing o translation rights, at kung pinapalad pa, maisalin sa screen bilang pelikula o video games.

Si NBDB Chairman Dante Francis Ang 2nd (ikalawa mula sa kaliwa) kasama sina Dr Luis Gatmaitan (dulong kaliwa), ang may akda, at ang Mindanao-based author/publisher na si Mary Ann Ordinario, pati na ang PEPA official na si Toots Policarpio.

Nakatutuwa ito para sa mga manglilikha ng libro na makitang puwedeng magkaroon ng panibagong anyo ang kanilang orihinal na sinulat na aklat. Sino ba ang aayaw sa posibilidad na maging pelikula (na international pa ang scope) o video game o app (digital content) ang isang nalathalang aklat? Di lamang awtor nito ang matutuwa kundi pati ang tagapaglathala (publisher) ng aklat, gayon din ang ilustrador ng aklat (kung aklat pambata ito). Para sa isang manunulat na gaya ko, ang mai-exhibit ang librong ginawa ko sa Frankfurt Book Fair ay isa nang malaking karangalan. Paano pa kung may magkakainteres mula sa ibang bansa na isalin ito sa iba pang wika ng daigdig?

- Advertisement -
Si Gatmaitan kasama ang Direktor ng National Library of the Philippines na si Cesar Gilbert Adriano at ang senator aspirant mula sa Mindanao na si Samira Gutoc

Nakadalo sa Frankfurt Book Fair ang kaibigan kong si Yna Reyes, dating Publications Director ng OMF Literature at kapwa manunulat ng aklat pambata, noong 2016 kasama ang CEO ng OMF Lit noon na si Aleks Tan. “Grabe ang laki ng Frankfurt Book Fair. Nakakalula. Hindi mo halos maiikot ang venue,” kuwento ni Yna. Binanggit pa niya na kinailangan nilang gawing hardbound ang ilang aklat nilang dala mula sa OMF Lit (kasama na ang aklat pambata kong ‘Sandosenang sapatos’), ayon na rin sa payo ng NBDB, upang mailagay sa exhibit ng Philippine booth sa naturang book fair. “Ito ay para matapatan ng mga libro natin ang production quality ng mga librong inilalathala ng international publishers,” dagdag pa ni Yna. “In terms of content, our books can really compete. Doon lang tayo talo sa production quality ng libro (at that time).” Nang matapos ang Frankfurt Book Fair, ang mga dalang aklat pambata nina Yna ay napagpasyahan niyang i-donate sa International Youth Library (IYL), ang pinakamalaking library sa daigdig para sa mga kabataan na matatagpuan sa Munich, Germany.

Sa isang artikulo ng nobelistang si Butch Dalisay, na nakadalo rin sa 2016 Frankfurt Book Fair, binanggit niya na aabot daw sa 10 ektarya ang sakop at laki ng book fair, umookupa ng kung ilang gusali (na maraming palapag bawat gusali). Aabot daw sa humigit-kumulang 250,000 katao mula sa 200 bansa sa daigdig ang dumadalo rito.  Ito talaga ang pinakamalaking book fair sa daigdig.

Noong mga nagdaang taon ng Frankfurt Buchmesse, nakadadalo si Senadora Legarda, doon mismo sa Frankfurt, Germany, kasama ang Philippine delegation. Nagkaroon na rin siya ng pagkakataon na makausap ang President-CEO ng FBF na si Juergen Boos at mga organizers ng naturang book fair  kasama sina Neni Sta. Romana-Cruz, ang dating chairman ng National Book Development Board, at publisher Karina Bolasco ng Ateneo De Manila University Press patungkol sa posibilidad ng pagiging ‘Guest of Honor’ ng Pilipinas. Pero hindi nakadalo si Senadora Legarda (na nagkasakit) sa idinaos na Philippine Book Festival sa Davao City nitong Agosto upang personal sanang saksihan ang paglagda sa kasunduan ng Pilipinas at Germany sa pagiging Guest of Honor ng ating bansa. Malaki ang papel na ginampanan ng butihing senadora upang masungkit ang karangalang ito.

Binasa ni Dr. Ani Rosa Almario, publisher ng Adarna House at secretary-general ng Philippine Board on Books for Young People ang mensahe ni Senador Loren Legarda sa Davao.

Kinatawan ni Dr. Ani Rosa Almario, publisher ng Adarna House at secretary-general ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), ang pagbasa ng mensahe ni Senadora Loren Legarda patungkol sa kahalagahan ng aklat sa buhay natin:

“As vessels of knowledge, books can inspire, educate, promote critical thinking, and awaken the dormant creativity within people. They hold within their pages a world of information and insights waiting to be discovered, explored, and embraced that we might raise the quality of our people’s lives.”

Inanyayahan ni Sen. Legarda ang mga opisyal ng FBF at NBDB sa isang dinner

Matapos ang matagumpay na Philippine Book Festival sa Davao City, kinatagpo ni Senadora Legarda ang mga opisyal ng Frankfurt Book Fair sa Maynila. Kasama niya sa pulong si Cong. Toff De Venecia, ang lider na nasa likod ng Philippine Creative Industries Development Act kung saan maihahanay ang paglalathala ng aklat bilang malaking bahagi ng creative industries.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -