27.6 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Gatchalian nababahala sa mababang immunization rate ng mga bata

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng patuloy na mababang bilang ng mga batang nakakatanggap ng mga bakuna, patuloy namang isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagtatag sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa bansa.

Patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagtatag sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa bansa.  Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ang bilang ng mga hindi nabakunahan na mga bata ay bumaba mula 1 milyon noong 2021 sa 637,000 na mga ipinanganak noong 2022. Gayunpaman, ayon sa United Nations Children’s Fund (Unicef) at World Health Organization (WHO), marami pang kailangang gawin upang maabot ang 95ercent coverage. Ayon sa Department of Health (DOH), 59.9% lamang ng mga batang maaari nang makatanggap ng mga bakuna ang maituturing na bakunado.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2022, hindi lamang tiwala sa mga bakuna ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang bakunado. Lumabas sa naturang pag-aaral na isyu rin ang suplay, pati na rin ang pamunuan, pagpaplano, at mga problema sa supply chain kaya paulit-ulit na nauubusan ng bakuna ang bansa nitong nakaraang dekada.

Sa ilalim ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022 o Senate Bill No. 941, isinusulong ni Gatchalian ang mga inisyatibo upang patatagin ang lokal na produksyon ng mga bakuna, pati na rin ang technology transfer.

Layon ng naturang panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology. Magiging saklaw ng VIP ang lahat ng larangang may kinalaman sa viruses at viral diseases sa mga halaman, hayop, at mga tao.

Bahagi ng magiging tungkulin ng panukalang VIP ang pagsasagawa ng scientific at technological research and development (R&D) sa larangan ng virology; ang pagsasagawa ng product R&D sa larangan ng diagnostics, therapeutics, mga bakuna at iba; at ang pagbabahagi ng mga resulta ng scientific research and development na maaaring gamitin ng pampubliko at pribadong sektor.

Gagamitin naman ang mga resulta ng pag-aaral ng VIP para sa pagbuo ng mga plano sa pagsugpo sa mga nakakahawang sakit, pati na rin sa disease control and prevention.

“Kasabay ng paghhikayat natin sa ating mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, mahalagang matiyak din na may sapat tayong suplay ng bakuna at may kakayahan tayong magsagawa ng pananaliksik at mga pag-aaral. Patuloy nating isinusulong ang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang matugunan ang mga pangangailangang ito ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -