NOONG Agosto 29, 2023 halos 21 milyong estudyante ang tinatayang nagsipasok sa mga mababa at mataas na paaralan ayon sa Department of Education (DepEd). Halos 88 porsyento nito ay nasa pampublikong paaralan samantalang ang tinatayang 2.5 milyong estudyante ay nasa mga pribadong paaralan.
Noong Agosto 15, 2023 napabalita sa The Manila Times na initusan ng Pangulong Marcos ang DepEd na pag-aralan ang plano niyang itaas ang sweldo ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Noong 2020-2021 halos 876,842 na guro ang nagtuturo sa mga mga pampublikong paaralan. Sa dami ng mga guro sa ilalim ng DepEd, halos P560 bilyon ang tinatayang ginagastos ng pamahalaan sa isang taon bilang pasweldo sa mga guro. Maganda naman ang layunin ng Pangulong Marcos na itaas ang swelo ng mga guro bilang insentibo na maaaring magpataas sa kanilang produktibidad bilang guro na makapag-aambag din sa pagpapataas sa kaalaman ng mga estudyanteng Filipino lalo ngayong mababa ang performance ng mga estudyante natin sa Programme for International Student Assessment (PISA), isang internasyonal na pagtatasa sa kaalaman ng mga estudyante sa mga piling asignatura (subject) na may edad 15 sa buong mundo.
Kung tutuparin ng Pangulong Marcos ang plano niyang itaas ang sweldo ng mga guro, halimbawa, P 2000 bawat buwan, kinakailangang magdagdag ang pamahalaan ng tinatayang halos P23 bilyon sa budget ng DepEd upang tustusan ang dagdag na pasweldo. Malaking halaga ito sa pambansang budget. Pwede namang kunin ang halagang ito sa dagdag na buwis o panghihiram ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa. Ngunit ang mga alternatibong nabanggit ay may katumbas na mga sakripisyo sa ating mga mamamayan ngayon sa sa susunod na henerasyon.
Higit na mahalagang implikasyon ng panukalang ito ay sa mga guro sa pribadong paaralan. Ayon sa isang pag-aaral mababa pa sa kalahati ng P 49,000 bawat buwan na tinatanggap ng mga pampublikong guro ang tinatanggap na pasweldo ng mga ordinaryong guro sa mga pribadong paaaralan. Kung itataas ang buwanang sweldo ng mga pampublikong guro, masama ang magiging epekto nito sa pagpapatakbo ng mga pribadong paaralan. Maaaring maglipatan ang mga sanay na guro mula sa pribadong paaralan tungo sa mga pampublikong paaralan. Ito ay maaaring pagpababa sa kalidad ng mga pribadong paaralan. Kung pipigilan ang pag-aalisan ng mga guro, maaari namang itaas ang kanilang sweldo sa pamamagitan ng pagtaas ng tuition ng mga estudyante sa mga pribadong paaralan. Mapanganib ang alternatibong ito dahil baka hindi lamang ang mga guro ang mag-alisan sa mga pribadong paaralan ngunit pati na rin ang mga estudyante. Magiging problema ng DepEd kapag maglilipatan ang napakaraming estudyante at guro mula sa pribadong sektor. Kukulangin ang kanilang mga pasilidad at budget.
Malaki ang ambag ng mga pribadong paaralan sa paglalaan ng mahusay na edukasyon. Kahit 12 porsyento lamang ng mga estudyante ang pumapasok sa mga pribadong paaralan marami sa mga nasa pribadong paaralan ay may mahuhusay na guro at makabagong pasilidad kaya’t mataas ang mga performans ng mga estudyante nila. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit handang magbayad ng mataas na matrikula sa mga pribadong paaralan ang mga magulang upang mabigyan ng mataas na kalidad na edukasyon ang kanilang anak. Kaya’t ang anumang patakarang makasasakit sa pribadong paaralan ay makasasakit sa kabuoang estado ng edukasyon sa bansa.
Matuto na tayo sa nangyari sa maraming pribadong kolehiyo na nagsara dahil sa patakaran ng pamahalaan na gawing libre ang tuition sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. May ilan sa mga nagsara ang may matataas na kalidad subalit hirap silang makipagkompensiya sa libreng tuition.
May mahalagang papel na ginagampanan ang pribadong edukasyon sa paghubog ng yamang tao ng ating bansa. Kaya’t dapat pag-isipan ang mga epekto ng planong pagpapataas ng mga insentibo sa pampublikong paaralan sa mga pribadong paaralan. Sa halip na saktan ang mga pribadong paaralan dapat silang tulungan dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa bayan.