Ikalawa at huling bahagi ng salin ng mga siping bahagi ng Tuesdays with Morrie
ANG sentensya ng kanyang kamatayan ay dumating noong tag-araw ng 1994. Sa kanyang pagbabalik-tanaw, alam ni Morrie na may masamang mangyayari kahit noon pa man. Nalaman niya ito nang araw na tumigil na siya sa pagsasayaw.
Lagi naman siyang nagsasayaw, ang aking matandang propesor. Hindi na bale kung ano pa man ang tugtog. Rock and roll, big band, o blues. Lahat ito’y gusto niya. Ipipikit niya ang kanyang mga mata at ngingiti nang mapayapa habang nagsisimulang gumalaw sa sarili niyang ritmo. Minsa’y hindi siya magandang panoorin. Pero hindi naman siya nag-aaala sa kanyang kapareha. Nagsasayaw si Morrie nang mag-isa.
Dati siyang nagpupunta sa simbahan niya sa Harvard Square tuwing Miyerkules ng gabi para sa tinatawag nilang “Malayang Pagsayaw.” May nagpa-flash na mga ilaw at malalaking speakers at sasama si Morrie sa karamiha’y mga estudyante, nakasuot ng isang puting T-shirt at itim na pantalon, nakapalibot ang isang tuwalya sa kanyang leeg, at kahit na ano pa man ang tugtog, iyan ang tugtog na kanyang sinayawan.
Sumayaw siya ng lindy kay Jimi Hendrix. Nag twist siya at umikot, iwinagayway niya ang kanyang mga kamay na parang isang konduktor na naka-shabu, hanggang tumagaktak ang pawis pababa sa kanyang likod. Walang sinuman sa mga taong naroroon ang nakaaalam na isa siyang kilalang duktor ng sosyolohiya, na may maraming mga taon na karanasan bilang propesor sa kolehiyo at mga iginagalang na mga libro. Akala nila’y isa lamang siyang isang matandang baliw.
Minsan, nagdala siya ng isang tape ng tango at ipinatugtog niya ito sa speakers. Pagkatapos ay gumitna na siya, lumilipad pabalik-balik na parang isang mapusok na Latinong mangingibig. Lahat ay pumalakpak nang matapos siya. Maaari na sana siyang manatili na lamang sa sandaling iyon.
Pero tumigil ang kanyang pagsayaw.
Nagkaroon siya ng asthma nang siya’y animnapung taong gulang na. Nahirapan na siyang huminga. Isang araw, naglalakad siya sa tabi ng Charlie River, at may isang malamig na bugso ng hangin na iniwan siyang naghahabol ng hininga. Dinala siya sa ospital at sinaksakan ng adrenaline.
Ilang taon pagkatapos, nagsimula na siyang mahirapang maglakad. Sa isang birthday party ng kaibigan, natumba siya sa hindi malamang dahilan. Isang gabi naman, nalaglag siya sa hagdan ng sinehan, na ikinagulat ng kakaunting tao roon.
“Bigyan siya ng hangin!” sigaw ng isang tao.
Pitumpung taong gulang na siya nang puntong iyon, kaya nagbulungan ang mga tao ng “matanda na kasi” at tinulungan siyang makatayo. Pero si Morrie, na mas alam ang nasa loob niya kaysa sa marami sa atin, ay nagduda na may iba pang nangyayari. Lagi siyang napapagod. Hindi siya makatulog. Napanaginipan niyang nag-aagaw-buhay na siya.
Nagpatingin siya sa mga duktor. Marami sila. Sinuri nila ang kanyang dugo. Sinuri nila ang kanyang ihi. Nagpasok sila ng isang isang tubo sa kanyang puwitan at sinilip ang kanyang mga kasu-kasuan. Sa bandang huli, nang wala namang silang nakita, may isang duktor na nagpakuha ng isang muscle biopsy, na kinuha nila sa isang maliit na laman sa hita ni Morrie.
Bumalik ang report sa laboratory na baka raw may problemang neurolohiko, at dumaan na naman si Morrie sa marami pang mga pagsusuri. Sa isa sa mga pagsusuri, iniupo nila si Morrie sa isang espesyal na silya habang pinadaraan ang kuryente sa kanyang katawan—parang isang uri ng silya elektrika—at inaral nila ang kanyang kondisyong neurolohikal.
“Kailangan pa nating suriin ito nang mas mabuti,” sabi ng mga duktor, habang nakatingin sa mga resulta.
“Bakit?” tanong ni Morrie. “Ano ito?”
“Hindi naming sigurado. Mabagal ang mga oras mo.”
Mabagal ang kanyang mga oras? Ano ang ibig sabihin nito?
Sa bandang huli, sa isang mainit at tuyong araw ng Agosto, 1994, nagpunta sina Morrie at ang asawang si Charlotte sa opisina ng neurolohiko, at pinaupo muna sila nito bago ibinigay ang resulta. Mayroon si Morrie ng amyotrophic lateral sclerosis (ALS), na sakit din ni Lou Gehrig, isang brutal, walang-patawad na sakit ng sistemang neurolohikal.
Walang alam na gamot ditto.
“Paano ko ito nakuha?” tanong ni Morrie.
Walang nakaaalam.
“Terminal ba ito?”
“Oo.”
“Mamamatay ako?”
Oo, sabi ng duktor. Ikinalulungkot ko.
Umupo siya kasama nina Morrie at Charlotte ng halos dalawang oras, sinagot ang kanilang mga tanong nang may pasensiya. Nang umalis na sila, binigyan sila ng duktor ng ilang impormasyon tungkol sa ALS, mga maliliit na pamphlet, na para bang magbubukas sila ng account sa isang bangko.
Sa labas, sumisikat ang araw at normal ang daloy ng mga tao. Tumakbo ang isang babae at naglagay ng pera sa parking meter. Ang isa nama’y may dalang mga bag ng pagkain. Isang milyong mga bagay ang dumaan sa isip ni Charlotte: Ilang panahon pa ang natitira sa amin? Paano namin ito kakayanin? Paano namin babayaran ang mga bills?
Samantala, ang aking matandang propesor ay nagulat sa pagka-normal ng araw na iyon. Hindi ba dapat huminto ang mundo? Hindi ba nila alam ang nangyari sa akin?
Pero hindi huminto ang mundo, ni hindi na siya nito napansin, at habang mahinang hinihila ni Morrie ang pinto ng kanyang kotse, pakiramdam niya’y nahuhulog siya sa isang butas.
Ano na ngayon? naisip niya.