29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Sa pag-init ng mundo, mas tatagal ang El Niño

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NGAYONG taon ng El Niño, umabot nang pinakamainit sa buong kasaysayan ng daigdig natin ang pangkalahatang temperatura o average temperature na naitala, at nangamba ang ilang bansa na magkukulang ang ani ng palay.

Kaya naman ipinagbawal ng India ang pagluluwas o eksport ng bigas maliban sa basmati, at ito ang isang sanhi ng pagtaas ng presyo ng bigas maging sa bansa natin.

Paano kung humaba nang dalawa o tatlong taon ang init at tagtuyot ng El Niño at ang lubhang pag-ulan at pagbaha ng La Niña?

Ito ang maaaring maganap ayon sa bagong pagsasaliksik tungkol sa tinaguriang Pacific Walker Circulation, ang pag-ikot ng hangin at tubig sa Karagatang Pasipiko na siyang lumilikha ng klima, pag-ulan, pagbagyo at iba pang kalagayan ng panahong tinatawag na El Niño at La Niña.

Wika ng pantas na si Georgy Falster ng Australian National University (ANU), isa sa mga pamantasang nagsagawa ng pag-aaral, maaaring umabot ng dalawa o tatlong taon ang El Niño at La Niña. Sa ngayon, bihira silang lumampas ng isang taon.


“Nagbago na ang karaniwang pag-ikot ng hangin (atmosphere) sa Karagatang Pasipiko,” paliwanag ni Falster sa wikang Ingles. “Ibig sabihin nito, sa hinaharap, maaaring makasaksi tayo nang mas mahabang panahon ng La Niña o El Niño sa pagbagal ang pagpapalit ng daloy ng hangin (atmospheric flow) sa himpapawid ng Karagatang Pasipiko.”

Kung magkagayon, babala ng siyentipikong kumukuha ng doktorado sa Amerika, “puwedeng lumubha ang peligro ng tagtuyot, sunog, ulan at baha.” At maaari ring mas humaba ang agwat sa pagitan ng tuyot na panahon sa taong El Niño at dagsa ng ulan pagpasok ng La Niña.

Kapos ang pera sa napipinsala

Mantakin natin kung tatagal ng dalawa o tatlong taon ang kakulangan o kalabisan na ulan. Malaking pinsala ito sa agrikultura, at hindi malayong magkalugi-lugi at sumuko na lamang ang maraming magsasaka. At kawawa rin ang mamimili, lalo na ang maralita, dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain at pagkukulang nito sa merkado.

- Advertisement -

Sa gayon, hindi lamang mga dambuhalang bagyo’t baha o supertyphoon ang dapat ipangamba ng Pilipinas sa pagbabago ng klima o climate change sa daigdig bunga ng pagbuga ng mga greenhouse gas mula sa pagsusunog ng langis, gas at uling na pinakamalakas sa mga mayamang bansa, bagaman tayo ang higit na napipinsala.

Maaaring dumagdag sa pinsala ng pag-init ng daigdig o global warming ang ibinabalang paghaba ng El Niño at La Niña, sampu ng tagtuyot at pagbaha na dala nila na nagdudulot naman ng paghina o pagkasira ng agrikultura.

Dahil sa ganitong patuloy na paglubha ng pinsala dala ng climate change, lalong mahalaga ngayon ang mga proyekto at programa para sa climate change adaptation, ang paghahanda ng mga bansa at pamayanan, kabilang ang agrikultura, para sa mga epekto ng pag-init ng mundo.

Walo sa bawat sampung bansang kalahok sa pandaigdigang kasunduan hinggil sa pagbabago ng klima (United Nations Framework Convention on Climate Change o UNFCCC) ang may plano para sa climate change adaptation.

Subalit ang malaking problema, ayon sa pinakabagong ulat tungkol dito, ang Adaptation Gap Report 2022, ang pondong kailangan para sa adaptation mga lima hanggang sampung beses ng salaping inilalaan ng mundo, lalo na ang mga mayamang bansa, para roon.

Sa madaling salita, lubhang kapos ang handang gastusin ng mga bayang pinakamalakas magbunsod ng climate change para sa mga bansa gaya ng Pilipinas na pinalubhang napipinsala nito. At hindi ito magbabago nang marami pang taon o dekada.

- Advertisement -

Tipid-tubig sa pagsasaka

Ano ang gagawin natin, lalo na ang mga magsasakang umaasa sa ulan, sampu ng mga lungsod at lalawigang kinakapos sa tubig tuwing El Niño?

Maliwanag na kailangang magtipid sa tubig, lalo na sa pagsasaka. Mangyari, kung magkagipitan sa tubig, mas malamang na bigyang prayoridad ang pangangailangan sa inumin at pangkalusugang tubig kaysa sa agrikultura, bagaman kapwa mahalaga ang tubig at pagkain.

Simple ang dahilan: Puwedeng umangkat ng pagkain kung kulangin ang ani dahil sa tagtuyot. Pero hindi puwedeng punan ang kapos na inumin sa pamamagitan ng importasyon. Inumin muna bago kakanin.

Sa kabutihang palad, laganap na ngayon ang mga pamamaraan at teknolohiya para bawasan ang gamit ng tubig sa pagsasaka. Sa tinatawag na hydroponics at aquaponics, malaking bawas ang gamit ng tubig at lupa, ngunit mas malaki ang ani.

Ayon sa mga ulat, maaaring bawasan ng mahigit 90 porsiyento ang gamit ng tubig sa pamamagitan ng hydroponics, kompara sa karaniwang pagsasaka sa lupa. Samantala, maaaring umani ng 25 porsiyento higit hanggang doble o triple, depende sa sinasakang halaman.

Sa Pune, India, may eksperto na nakatulong sa 8,000 magsasakang halos alisin ang gamit ng tubig at paliitin ang lupang sinasaka, habang pinalago ang ani ng pakain sa baka (https://tinyurl.com/5fy8b5hk). Marapat tularan at palaganapin ang ganitong agrikultura.

Dapat pa ring magkampanya para sa higit pang pondo ukol sa climate adaptation. Ngunit huwag tayong umasa roon. Magbago na tayo ng pagsasaka at pamumuhay upang humanda sa patuloy na pag-init ng mundo.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -