27.1 C
Manila
Linggo, Disyembre 1, 2024

Babala ng Diyos sa palalo: Darating ang araw mo

- Advertisement -
- Advertisement -

Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo: “Aalisin kita sa iyong katungkulan, at palalayasin sa iyong kinalalagyan. Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong pananamit, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging pinakaama ng Herusalem at ng Juda.

Aklat ni Propeta Isaias, 22:19-21

BAGO ang lahat, taos-pusong pakikiramay at panalangin sa pagpanaw ni Kalihim Susan “Toots” Ople ng Kagawaran ng Manggagawang Pandarayuhan (DMW sa Ingles). Dalawang dekada na natin siyang kaibigan mula pa noong administrasyong Arroyo, at nakatrabaho rin natin ang kapatid niyang si Carlo Ople sa larangan ng Internet. Papuri at parangal kay Kalihim Toots at sa buong pamilyang Ople, kabilang ang yumaong kalihim ng ugnayang panlabas at paggawa, Blas Ople. Mabuhay!

Nataon namang mga opisyal ng bayan at Simbahan ang tinutukoy sa pitak natin ngayon tungkol sa mga babasahing-misa sa Agosto 27, Ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Sa unang pagbasa mula kay Propeta Isaias, bahaging nakasipi sa simula, nagbabala ang Diyos sa palalo at abusadong punong ministro ng bayang Juda, si Shebna, na kabaligtaran ang asal kompara sa pinaglilingkuran niyang maka-Diyos at makatarungang Haring Esekias.


Ang hirap, katulad ni Shebna ang maraming nasa puwesto sa pamahalaan, negosyo, lipunan at maging Simbahan: makasarili, mayabang, mapagsamantala, nagmamagaling at walang pitagan sa Diyos at kapwa. Subalit hindi natutulog ang Panginoon, at gaya ng nangyari kay Shebna, wawakasan ng langit ang pagmamalabis, gaano mang kadambuhala ang kapangyarihan at yaman na hawak ng abusado.

‘Tatapusin ang sinumulan Mo’

Nagbabala rin ang Salmong Tugunan 137 (Salmo 137:1-3, 6, 8): “Dakila man ang Poong Diyos, mahal din niya ang mahirap; kumubli man, kita niya yaong hambog at pasikat. Ang dahilan nito, Poon, pagmamahal mo’y di kukupas, at ang mga sinimulan mong gawain magaganap.”

Gayon din, sa ikalawang pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo sa Liham sa mga taga-Roma (Roma 11:33-36) na nasa kapangyarihan ng Panginoon maging ang mga palalong nagdidiyos-diyusan: “Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay.”

- Advertisement -

Samantala, sa pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 16:13-20), hinirang ni Hesukristo mismo ang unang santo papa ng Kristiyanismo, si Apostol Simon na pinangalanan niyang “Pedro (bato) at sa ibabaw ng batong ito itatayo ko ang aking simbahan …”

Pinakamahalagang bahagi ng paghirang kay San Pedro ang sagot niya nang itanong ni Hesus kung sino siya sa pagkilala ng bawat apostol: “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Ito ang saligan ng awtoridad ni San Pedro, sampu ng lahat ng papa at obispong sumunod sa kanya: ang pagtingala kay Hesus bilang Diyos at Mesiyas.

At idiniin ng Panginoon kung saan nagbuhat ang gayong pagkilala: “Mapalad ka, Simong anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao, kundi ng aking Amang nasa langit.”

Huwag kalimutan: Sa Diyos galing ang paghirang at kapangyarihan ng bawat tagapamuno, sa Simbahan man o sa pamahalaan, kalakal at iba pang institusyon sa mundo. At kung lumihis ang nasa pamunuan sa atas ng langit, malulugmok sila sa lupa.

Humanda sa hustisya

Nangyayari ba iyon — lugmok ang labag sa langit?

- Advertisement -

Gaya ng talinghaga ng trigo at masamang damo (Mateo 13:24-30, 36-43), hinahayaan ng Diyos ang paglago kapwa ng mabuti at masama upang makita at mahatulan ang tunay na ugali at pagkatao ng bawat nilalang, kabilang ang mga naghahari sa daigdig. Ngunit sa wakas, darating din ang araw ng paghuhukom.

Mula noong pandemya, maraming nagsasabing nagsimula na ang paghatol at parusa sa sangkatauhan. At gaya ng mga digmaang lumagas ng milyun-milyong katao, mismong tao ang nagbubunsod ng pandaigdigang kaparusahan.

Gawa natin ang giyera at karahasan. Pinalubha naman ang mga bagyo, baha, sunog at tagtuyot ng pag-init ng panahon (climate change), bunga ng abuso sa kalikasan. Maging pandemya, sinasabing nagmula sa pagsasaliksik ng mga sandatang mikrobyo.

May iba pa bang parusa mula sa kamay ng tao? Ayon sa Birheng Mariang nagpakita sa Garabandal, Espanya, noong 1962, may magaganap na Babala, kung kailan ipababatid ng Diyos sa bawat nilalang ang kani-kanyang mga kasalanan. Bago iyon may tatlong pangyayari muna: mahalagang sinodo ng Simbahang Katolika, pagbabalik ng komunismo, at pagdalaw ng Papa sa Moskba, punong lungsod ng Rusya.

Mukhang nagaganap ang propesiya. May Synod on Synodality mula 2021 hanggang 2024 sa Roma. Lumalaganap muli ang mga panuntunan ng komunismo matapos bumulusok noong 1991 pagkabuwag ng Unyong Sobyet, pangunahing tagapagbunsod nitong ideolohiya.

At nakatakdang huminto si Papa Francisco sa paliparan ng Moskba sa katapusan ng Agosto o simula ng Septiyembre upang magkarga ng gaas ang eroplano niya patungong Mongolya.

Babala rin ni Maria na pagkabalik ng Papa sa Roma galing Moskba, “sisiklab ang labanan sa iba’t-ibang dako ng Europa.”

Harinawa, sa dagok ng pandemya, pag-init ng klima at — iadya ng langit — malawakang digma, dudulog tayo sa Diyos upang makawala sa ating mga sala. Amen.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -